Author's Note:
May eksena rito na medyo sensitibo (medyo lang naman). Kung may menor de edad dito, please skip this chapter. Kung gusto niyo talaga itong basahin, ipabasa niyo muna sa mga nakakatanda sa inyo bago ito basahin, ha mga bata? :)
___
NIYAYA si Stephen ng kaniyang ina na mamasyal sa mall, ngunit nilalagnat siya kaya sa halip ay tinawagan niya si Beverly upang pasamahan ito. Nais sana ni Kakay na sila lang dalawa ang magsama dahil matagal-tagal na raw silang hindi nakakapasyal. Wala nang nagawa si Kakay kung hindi ang makipagkita na lang kay Beverly sa mall.
Bago umalis si Kakay ay nag-iwan ito ng gamot para sa lagnat at sakit ng ulo. Nagkaroon pa nga ang dalawa nang biruan na isang kispirin at yakapsul lang ang kailangan ni Stephen para gumaling siya. Natawa naman si Stephen dahil dinaig pa raw nito ang kaniyang nars kung mag-alaga gayong kaunting sinat lang ang kaniyang nararamdaman. Pinunasan din kasi siya nito ng basang dimpo. Hindi naman daw kailangan maging isang nars para mag-alaga ng may sakit, lambing naman nito sa kaniya. Nang maiwan na siya nito ay natatawa pa rin si Stephen.
Nanatili lang si Stephen sa kaniyang kuwarto nang hapong iyon. Nakahiga at nanood lang ng isang pelikula sa tv hanggang sa nakatulugan niya ito. Sandali lang ang kaniyang pagkakaidlip. Paggising niya, nagtaka siya dahil patay na ang tv. Ginusot-gusot niya ang kaniyang mga mata nang makita niya kung sino ang pumatay ng tv.
"Hello Stephen?" bati ni Sophie. Malapad ang ngiti nito. "Sorry, nagising tuloy kita." Napakagat pa ito ng labi.
Halos magdadalawang buwan na pala silang hindi nagkikita ni Sophie pagkatapos ng insidente sa lamay ni Ramon. Pinalipas niya muna ang galit nito sa kaniya, sa bigat na rin nang nagawa niyang kasalanan. Hindi niya akalaing ito rin ang magiging dahilan para magkaaminan sila ng damdamin ni Beverly. Sinubukan niyang kausapin si Sophie, ngunit iniwasan rin siya nito hanggang sa nadestino ito sa Baguio ng isang buwan. Tuluyan nang nawala sa isip niya ang pakikipag-ayos at paghingi ng tawad dito. Ngunit sa pagbabalik ni Sophie, hind pa rin siya handang harapin ito lalo na at nanghihina pa siya.
Naka-off shoulder dress na pula si Sophie. Lutang na lutang ang kaputian at kakinisan ng balingkinitan nitong pangangatawan. Ang mga labi nito ay mas mapula pa sa kulay ng kaniyang suot na damit. Hindi niya tuloy maalis ang kaniyang mga titig sa magandang hubog ng katawan nito. Ito rin naman kasi ang bumighani sa kaniya noon. Habang pinipigilan niya ang kaniyang sarili, lalo namang nag-iinit ang kaniyang pakiramdam. Kung hindi nga lang niya naisip si Beverly ay agad na niya itong sinalubong ng halik.
"So-phie, anong ginagawa mo dito?" tanong ni Stephen. Nanginginig ang boses niya dahil sa lakas ng kaniyang kaba. May mga namumuong pawis na rin sa kaniyang noo maging sa kaniyang dibdib na tumagos sa manipis niyang sando.
"Hindi ko ba puwedeng dalawin ang boyfriend ko?" Tama nga si Sophie, hindi pa sila nagkakahiwalay kaya may karapatan pa ito sa kaniya. Nabagabag tuloy muli ang kaniyang kunsensiya. Gusto man niyang aminin kay Sophie na may iba na siyang mahal, hindi niya pa rin niya ito magawa. "O, 'bat ka pinagpapawisan?" Lumapit ito at kinapa ang kaniyang noo. "Ang init mo, Hon? May sakit ka ba? Uminom ka na ba ng gamot?" Umupo ito sa tabi ni Stephen.
"Tapos na. Pinainom ako ng Mama bago siya umalis."
"Kanina pa ba siya umalis? Saan siya nagpunta?" Hinahaplos-haplos pa nito ang kaniyang mukha. Hindi naman niya ito masaway dahil gawain na nila ito.
"Kani-kanina lang...Sa mall kasama si Be---" Inilagay ni Sophie ang daliri nito sa kaniyang labi kaya napatigil siya. Dati-rati kasi kay Sophie nagpapasama ang kaniyang ina kapag mamamasyal ito. Natahimik si Stephen at napayuko na lang. Hindi malaman kung ano ang dapat niyang sabihin ngayong nasa harap na niya si Sophie. Hindi naman niya ito maaaring basta na lang paalisin sa kaniyang kuwarto.

BINABASA MO ANG
Ang Huling Biyahe ni Ms. Beverly
RomanceSimple lang naman sana ang pangarap ni Beverly Llamado at iyon ay magkaroon ng isang masayang pamilya kasama ang lalaking kaniyang mapapangasawa. Sa kasamaang palad, siya ay nabigo. Ito ang nagtulak sa kaniyang magtrabaho sa Amerika bilang isang reg...