XXXII - Philippe and Sophie to the Rescue

28.7K 611 8
                                    

NAABUTANG naglilinis ng bahay si Beverly ni Alice sa may sala. Masayang-masaya itong kinikuwento ang natanggap na malaking tip mula sa isang kliente nitong nag-ninang sa kasal. Patango-tango lang si Beverly habang patuloy sa kaniyang paglilinis.

"Ate, ok ka lang ba? Kanina ka pa ata naglilinis dito? Tong dingding niyo parang salamin na sa kintab." Natawa pa ito nang ilahid ang daliri nito sa madulas nilang dingding.

Ang TV naman ang sinunod niyang pinunasan, at nanatili siyang walang kaimi-imik. Hinayaan na lang siya ni Alice at pinakiramdaman. Hanggang sa may napansin ito sa kaniya. "Sabi na nga ba may problema ka. Nag-away ba kayo ni Stephen?" Nakita kasi nito ang namumuong luha sa namumugto niyang mga mata.

Napahinto si Beverly at naupo sa sofa. Sinundan naman siya ni Alice at naupo rin sa kaniyang tabi. "Nahuli ko kasi sila sa kuwar---" Bigla siyang nag-alangang sabihin dito ang pagkakahuli niya kay Stephen. Baka kasi sumbatan siya nito. Hindi niya tuloy makuhang tumingin dito ng diretso. Nang magsasalita na siya ay napahagulhol naman siya dahil sa kaniyang kinikimkim na galit.

"Sino bang nahuli mo, si Stephen at si Sophie ba?" tanong ni Alice. "Saan? Sa bahay nila?"

"Oo, sa kuwarto niya mismo," pahikbi-hikbing sagot niya.

"Santa Barbara!" Napatakip pa ito ng bibig. Lalo tuloy napaiyak si Beverly. Naramdaman na lang niya ang kamay ni Alice sa kaniyang balikat. "Alam mo ba Ate kung bakit nina-nag ko lagi si Ramon? Natakot kasi ako noon na kapag nahuli ko siya sa akto, kahit gaano ko pa siya kamahal ay baka hindi ko rin siya mapatawad at magkahiwalay kami. Kaya nga halos araw-araw ay pinapaalalahanan ko siya para hindi kami magkasiraan. Iniingatan ko lang ang pamilya ko." Napatingin si Beverly kay Alice. Ngayon lang niya naintindihan ang kapatid. Ang alam niya ay sobra lang ito kung mag-selos.

Nagpatuloy si Alice. "Masakit talagang pagtaksilan tayo ng mga lalaki, pero mas masakit kapag asawa mo na. Doble ang sakit," mariin nitong sambit. "Iba kasi tayong mga babae kesa sa mga lalaki pagdating sa tukso. Mahihina sila, palibhasa alam nila na mapapatawad kaagad natin sila. Ganoon tayo pag na-in love." Hindi siya ganoon, nagmamatigas siya kapag nasasaktan.

Kahit paano ay gumaan ang kaniyang pakiramdam sa sinabi nito, pero ang tindi ng galit niya kay Stephen ay hindi basta na lang maalis. Ang panggagamit at ang pangloloko sa kaniya ay isang malaking kasalanan.

"Nag-usap na ba kayo ni Stephen?" tanong ulit nito.

"Wala akong balak makipag-usap sa gunggong na two timer na yon! Ni makita siya! Kung sabagay, nagawa nga niya kay Sophie, sa akin pa kaya? He just used me!" Sa diin ng kaniyang pananalita ay nagsilabasan na ang kaniyang mga ugat sa leeg.

"Galit ka lang Ate, kaya nasasabi mo ang mga bagay na yan. Magpalamig ka muna at pag ok ka na, mag-usap kayong dalawa nang maayos," payo nito.

Napataas ang kilay niya. "Never! I will never settle with him!" At nagpunas ulit siya ng kaniyang mga mata.

"Mabuti na rin at nalaman mo yan habang maaga pa. Pasalamat na lang ako at hindi sa akin yan ginawa ni Mon ko." Napabuntong-hininga pa ito. "So, magkukulong ka na lang ba dito? Lumabas ka kaya para makalma ka. Lika, labas tayo."

"Sinong nagsabi na magkukulong ako dito?" Napakunot siya ng noo. "As a matter of fact, I'm going out tonight!"

"Talaga? At sino naman ang ka-date mo?" takang tanong nito.

"Basta!" At umakyat na siya sa taas.

Mayamaya ay narinig niyang kumakatok si Alice sa may pintuan ng kaniyang kuwarto. "Ate, tumatawag sa iyo si Stephen," sabi nito. Naiwan niya kasi ang kaniyang cellphone sa mesa.

Binuksan niya ang pinto. "Manigas siya!"

Hindi agad ibinigay ni Alice ang cellphone. "Kunwari ka pa Ate," biro nito saka inabot sa kaniya ang cellphone. "O, ayan! Sige ka, wala ka nang batang papa," natatawang sabi nito. Pinagtaasan niya ito ng kilay kaya tumalikod na lang ito at umalis.

Ang Huling Biyahe ni Ms. BeverlyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon