Kabanata 20

550 15 0
                                    


Kabanata 20

Talk

Parang may kung anong mga kamay ang nakahawak sa aking leeg na naging dahilan ng paglutang ko sa ere, nananakal. 

Tuluyang nanlamig ang aking katawan sa nalaman kay Eion kahapon. Hindi ko alam kung matutuwa pa ako na naglapag siya ng mga bakas na puwede kong pagtagpi-tagpiin kung gugustuhin ko talaga. Nasa akin naman ang huling desisyon.

Ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin akong lakas. Pinipigilan pa rin ako ng sarili kong utak na malaman ang katotohanan kahit pa na alam ko ang mali. Pero hindi pa naman ganoon karami ang buwan para makilala ko nang lubos si Eion.

Ang hirap kapag hindi mo man lang alam kung sino'ng pagkakatiwalaan mo. At kung sino'ng totoo dahil baka hindi mo alam, dahan-dahan ka na palang inilalagay sa bitag nang palihim.

Para akong nakikipaglaban nang walang dala-dalang sandata para ilaban ang aking sarili. Dahil isa rin akong pain ng sarili kong kaisipan. Mas pingangungunahan ako ng kaba at takot para sarili, at lalo na sa mga taong napalit na sa 'kin dito.

Patuloy ako sa pagkatok sa kuwarto ni Lola Dominga. Ilang oras... hindi ko pinaabot ng araw ang pagkatok ko sa kaniyang kuwarto. Bukod sa patuloy akong nilalamon ng kuryosidad ko, nakokonsensiya rin ako lalo na sa mga huling salitang binitawan ni Eion.

Patayan... Carvajal... Flores.

Iyon ang kaniyang mga salitang binitawan bago tuluyang magpaalam, iniwan ako sa gitna ng pagtataka at gulat.

"Ano'ng kailangan mo, Arianne? Katok ka nang katok, nagpapahinga ako at ito lang ang oras ko para roon."

Hindi ako nag-alinlangang dumeretso sa pagpasok sa kuwarto ni Lola Dominga nang buksan niya iyon para papasukin ako.

Maaliwalas ang kaniyang mukha nang salubungin niya 'ko. Sa tingin ko naman ay nasa mood siya kahit pa na sinungitan niya ako.

"Puwede pong... magtanong?"

Hindi siya umimik at naupo sa maliit na upuan, katabi ng kaniyang kama, kaya naman nagpatuloy ako.

"Carvajal-"

Mabilis niya akong pinutol. "Arianne!" sigaw niya, nanggagalaiti.

Hindi ko inasahan ang naging reaksiyon niya. Nakatitig lang siya sa akin gamit ang kaniyang mga matutulis na mata, magkadikit ang mga ngipin, at doon inilalabas ang inis sa akin. 

Wala pa akong sinasabi! 'Yong apelyido pa lang naman! At talagang napakalaking epekto no'n sa kaniya.

Kaagad na umusbong ang konsensiya sa loob ko. Naging insensitibo yata ako. Hindi ko na sana tinanong pa ang bagay na 'yon dahil baka may kung ano'ng pumitik sa kaniyang utak para maalala ang nakaraan.

"Saan mo nakilala 'yon, ha?! Kinausap ka ba?! May pumunta ba rito?!"

Nanatili akong nakatungo, hindi makapagsalita, at kabado dahil para akong bumabalik sa mga alaala ko sa nakaraan. Hindi pa rin talaga ako ayos... At sa tuwing sinisigawan ako, nagpapaulit-ulit sa utak ko ang sigawan nina Papa at Lola noong araw na... nakita kong may saksak si Mama sa kaniyang tiyan, naliligo sa dugo ang buong katawan, at walang malay.

Ramdam ko pa rin ang mga paghaplos sa 'king balat, himas sa mga pribadong parte ng aking katawan, at ang mga ngisi at halakhak na tila isang kanta na hindi ko na naiisin pang pakinggan pang muli dahil bukod sa may naaalala, nakaririndi na ito.

Ayaw ko nang alalahanin pa ngunit mapipigilan ko ba ang aking utak?

"'L-La... 'Wag mo akong sigawan."

Playing Cards of Heart (Saudade Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon