Kabanata 23Kiss
"Pinag-aaral kita nang maayos! Tapos pagrerebelde ang isusukli mo sa akin?!"
Nanatili akong nakayuko, hindi dahil sa pagkapahiya, ngunit dala ng kalasingan. Nakanguso ang mga labi at nakapikit, wala akong ibang ginawa kundi ang pumikit at damhin ang kamanhidan ng katawan ko.
Hindi ko maalala kung paano ako napunta kung nasa'n man ako ngayon, pati na rin kung anong oras ako nasundo ni Chester kanina. Si Shyler, ang alam ko ay inihatid ni Eion, kasama 'yong gusto niya mula sa Engineering department. Hindi ko man lang maalala ang hitsura't pangalan, sayang.
'Hindi kita puwedeng iuwi sa inyo at baka may makakakita sa atin.'
Wala sa sariling napaayos ako mula sa pagkakaupo, sarado ang mga binti, at mabilis na tumingala kay Lola Dominga.
"Si Chester?" tanong ko, hindi na inalintana ang mga pagsusumbat niya sa akin.
Bahala na kung ano pa'ng sabihin niya sa akin. Pasok sa kaliwang tainga, labas sa kabila.
Tuluyan na akong napatayo na para bang binuhusan ng malamig na tubig, dahilan para mahismasan. Sa isang iglap ay nawala na ang epekto ng alak sa aking katawan; iisa na lang muli ang aking paningin. Nakatatayo na rin ako nang tuwid.
Tila isang sapok ang naging epekto no'n kay Lola Dominga. Mabilis niyang naitikom ang kaniyang bibig na para bang hindi ako pinagsasalitaan ng kung ano-ano kanina.
Masyado siya mapangmanipula. Ang bilis niya 'kong mauto lalo na kapag pag-aaral, utang na loob, at pamilya ko ang pinag-uusapan. Kasi roon ako nanlalambot, eh. Isang sumbat niya lang ay kaagad akong matatauhan at mapapaisip ng, 'oo nga pala, malaki ang naitulong nito sa amin'.
"Nasa taas. Bitbit ka niya kanina. Kayo na ba?" sunod-sunod niyang sinabi at talagang mababakas mo ang tuwa sa tono ng pananalita niya. Umaliwalas ang kaniyang mukha, at tila nawaglit na sa kaniyang isipan na gabi ako umuwi at lasing pa.
Dahil lang kay Chester, naging ganoon na siya. Talagang pursigido siyang perahan ang mga Dela Fuente? Desidido na 'kong isiping ganoon nga siya.
Kunot-noo ko siyang tinitigan, sinusubukang basahin ang ekspresyon sa mukha niya.
Hindi ko alam kung ano'ng pumasok sa kokote ko. Para akong hinihipmotismo ng kaniyang mga mata. Pakiramdam ko ay magagalit siya kapag iba ang sinabi ko... Kapag sinabi kong wala pang namamagitan sa amin. Kaya iba ang lumabas sa bibig ko kaysa sa dapat na isasagot ko.
"Sinusunod ko ang plano mo, Lola... Unti-unti na rin siyang nagbibigay ng... pera sa akin."
Mariin akong napapikit nang marinig ang mga salitang binitiwan ko.
Ngumisi siya at humakbang siya papalapit sa akin. "Sige na, umakyat ka na. Masaya akong may pag-unlad ang pang-uuto mo sa panganay ng mga Dela Fuente," bulong niya at marahang hinawakan ang ulo ko.
Mabilis akong umatras, naiiling sa kaniyang presensya.
Kahit ano pa'ng pagpapakabait ang ipakita niya sa akin, alam ko pa rin ang nasa loob niya. Ang kasamaan niya. Ang mga intensyon niya. Alam ko ang lahat ng 'yon dahil magmula noong pa bata ako, ang makitang may saksak si Mama sa nag-iisang kama sa aming bahay, naliligo sa kaniyang sariling dugo, na naging dahilan ng pagkamatay niya.
Si Lola ang suspek sa kasong iyon ngunit hindi ko alam kung nabigyan ba ng hustisya. Hindi ko alam kung siya ba talaga ang pumatay... O may iba pa. Hindi ko natanong si Papa tungkol sa bagay na 'yon dahil tulad nga ng sinabi ko nang maalala ko ang aking nakaraan, wala pa akong sapat na lakas ng loob.
BINABASA MO ANG
Playing Cards of Heart (Saudade Series #2)
RomanceSaudade Series #2 How can you win if you won't play along with the game of heart? Would you take the chance, and risk just to have no regrets? Chances. Risks. Regrets. Since then, Arianne Flores instilled in her mind that in every chance, you should...