Trigger warning: Physical assault; manipulation; harassment
___Wakas
Ang buhay ay hindi palaging balanse. Palagi itong nahahati sa tatlo. May nakaaangat, may nasa gitna lamang, at may nasa laylayan.
At laking pasasalamat ko dahil nasa gitna ako.
Napakunot-noo ako nang may marinig na nagsusumigaw, sabay ayos sa reading glasses ko at tumayo nang maayos sa kinauupuan. Isinara ko ang librong binabasa ko, nag-a-advanced reading kasi ako sa Araling Panlipunan.
"Hay, naku! Jusmiyo! Si Linda Flores, patay na! May saksak sa tiyan!"
"Huh?! Paano nangyari 'yon?!"
"Sa loob daw ng Hacienda Flores, eh! Iyong tinitirahan doon ng isang pamilya at ni Dominga Flores!"
Tuluyan na akong napatayo kahit pa na gustuhin man ng utak kong mag-aral. Hindi ko magawa dahil hindi ko kayang mag-focus kapag maingay.
Bilang isang teenager, nagagamit ko naman na nang maayos ang utak ko. At may isip na rin ako para sa mga bagay-bagay. Kaya naman nang nakita kong nagmamadaling lumabas ng gate si Mama, sumunod ako sa kaniya.
"Bawal ang bata rito!"
Tahimik lang ako sa gilid ngunit nang may sumigaw, nagtago ako sa likod ni Mama. Hinawakan niya tuloy ako gamit ang mga braso niya.
"Hayaan n'yo na! Kasama ko 'yan!" pagtatakip sa akin ni Mama sa mga tao.
Nakayuko ako pero ang mga mata ko ay naglilibot. High school pa lang ako... High school na ako. Gusto ko na maging maalam sa mga nangyayari sa paligid. Lalo na sa lugar namin.
Nakakunot ang noo ko dahil sa halo-halong tunog na naririnig ko. Nasa tapat kasi kami noong Hacienda ng mga Flores. May mga sasakyan na panay ang pagbusina sa likuran namin, at ang tanging ipinagtataka ko lamang ay kung bakit wala pang rumerespondeng mga pulis.
"Mama? Wala pa ang mga pulis?"
"Wala na. Mga nadala sa pera."
Wala akong maintindihan sa sinabi niya. Siguro ay kailangan lang nila iyon.
"Nakakaawa 'yong bata sa loob... Jusko! Grabeng trauma ang madadala noon! Wala man lang konsensiya si Dominga Flores! Hindi na kataka-taka... Pare-parehas sila ng mga Carvajal!"
Iniayos ko ang salamin ko, sabay baling ng tingin sa aking likod, kung saan ko naririnig ang nag-uusap. Hindi ako nagpahalatang nakikinig ako. Nilalamon ako ng kuryosidad.
Umiling ang matandang babae. Mukhang senior citizen na ito.
"Ano pa ba'ng aasahan natin? Ni hindi nga mabigyan ng tamang hustisya ang mga biktima ng Hacienda Flores Massacre, iyang isang tao pa kaya na pinatay niya?"
Siniko siya ng kaniyang katabing lalaki. Mukhang anak niya, o kapatid. May pagkahawig kasi sila base sa obserbasiyon ko.
"Mamaya ay may mga maka-Flores diyan. Sugurin ka pa ng mga iyon." Mahina itong natawa.
"'Di bali nang sugurin nila ako! Handa na akong mamatay, apo! Basta ako, mamamatay ako nang hindi nagpapabulag sa mga gawa-gawa ng mga taong naniniwala sa mga Flores."
"Mga panatiko kasi sila, Lola. Wala tayong magagawa kung sarado ang isipan at mga tainga nila upang makinig sa atin."
Hanggang sa naging diese siete na ako, nagiging usap-usapan pa rin iyong mga Flores. Ngunit ang siyang ipinagtataka ko ay hindi na naungkat pa iyong sa Flores na nasaksak. Hindi ko rin mahanap sa social media ang naganap na iyon. Weird.
BINABASA MO ANG
Playing Cards of Heart (Saudade Series #2)
RomanceSaudade Series #2 How can you win if you won't play along with the game of heart? Would you take the chance, and risk just to have no regrets? Chances. Risks. Regrets. Since then, Arianne Flores instilled in her mind that in every chance, you should...