Chapter 8

438 4 0
                                    

PABALIK-BALIK ang tingin ko kay Manang Ester. Abala itong naghuhugas ng pinggan sa sink habang nakatayo ako sa likod niyang inisa-isang ilagay sa refrigerator ang mga pinamili niya. Kahit anong presinta kong gumawa ng gawaing-bahay nang sa ganoon ay tulungan siya, hindi niya ako pinapayagan dahil trabaho raw niya iyon.

Dumungaw ako kay Rosette sa tabi ko. Kinaaliwan niya ang mga nakasabit na stuff toys sa stroller niya.

"May gusto ka bang itanong, hija?" sulpot ni manang sa tabi ko nang samahan niya ako sa ginagawa.

Ngumiti akong nakalabas ang pang-ibabang ngipin pagkasara ng refrigerator. Kinuha ko ang plastic, sinimulan kong itupi sa hugis tatsulok.

"Hindi ho ba ako magiging mausisa kapag itatanong ko ho ay tungkol kay Tita Vivian?" nag-aalangan kong sabi, mahina pa ang boses pero nakalapit pala ang tainga ni manang sa akin.

Inilayo niya ang taingang hinarap ako. "Mabuti't pinaalala mo sa akin," sabi niya. Ipinunas niya ang basang pulsuhan sa nahablot niyang pamunas sa tabi ko. "Pinapasabi niya sa aking gusto niyang makita si Rosette at alagaan din."

Umawang ang labi ko. "Libre naman ho siyang pumunta rito, manang. Hindi ko naman ho pinagbabawalan," sagot kong totoo naman.

Wala akong sinabing bawal siya pumunta rito. Apo rin niya si Rosette at wala ako sa lugar para ipagkait ang karapatan niyang iyon.

"Ang kaso ayaw ka niya raw makita." Nailapag niya ang pamunas, nakatingin nang nanghihingi ng paumanhin.

Matipid akong ngumiti at may kasamang pait, na para bang may nakasiksik na ampalaya sa bibig ko.

"Mas tumindi pa ho yata ang pagkamuhi sa akin ni Tita Vivian," malungkot kong saad. Tumitig sa plastic na naitupi ko nang patatsulok.

Bumuntonghininga niyang inilapat ang kamay sa balikat. "Pagpasensiyahan mo na si Madame. Hindi ka pa nasanay sa kaniya. Ganoon na talaga pagtrato niya sa 'yo noong hindi pa kayo kasal ni Sir Aziel."

Sa sinabi niyang iyon ay bumalik bigla sa isip ko ang hindi pagbabago ng ugali ni Tita Vivian sa akin. Palagi niyang ipinaparamdam sa aking hindi ko deserve maikasal kay Aziel.

"Sanay naman na ho ako, manang. Ang hindi ko lang maintindihan kung bakit habang lumilipas ang panahon, mas tumitindi naman yata iyong pagkamuhi niya sa akin," sagot kong napabuga ng hangin.

Mas nagiging sarcastic pa siya lalo kapag kinakausap ako. Para bang lahat ng lalabas sa bibig ko, hindi maganda para sa kaniya at hindi mabuti kay Aziel.

"Para hong may kasalanan akong nagawa noon sa kaniya, kahit wala naman. Minahal ko lang naman ho ang anak niya. Mali ho ba iyon?" kunot-noong tanong ko pagkalingon kay Manang Ester, na tahimik lang itong pinapakinggan ang paglabas ko ng hinaing.

Umiling siya. "Hindi, hija. Walang mali roon."

Bumagsak lalo ang balikat ko. Gumuho ang pag-asang binuo ko. Iyon lang naman ang isa sa pinakahiling ko. Tanggapin lang naman ako ni Tita Vivian para magkaroon ng masayang pamilya, pero mukhang hindi talaga mangyayari. Hindi na ako pagbibigyan ng tadhanang magkakamabutihan pa kaming dalawa.

"Sinunod ko naman ho dati siya. Hiniwalayan ko si Aziel, pero siya pa rin ang nakipagbalikan sa akin. Hanggang sa hindi ko rin mapigilan ang nararamdaman ko kaya sumuway ako."

Nakulangan yata si tita sa apat na buwang paghihiwalay namin noong magra-graduate na kami sa high school. Sinubukan ko naman talagang lumayo, pero si Aziel din ang bumalik at nakiusap. Mahal ko naman kaya hindi ko rin natiis. Mali ba kaya iyon?

Hindi ko kailanman sinabi kanila mama ang pagtrato ni Tita Vivian sa akin dahil ayaw kong magkagulo lalo. Baka nga tumutol din sila bigla sa pagpapakasal namin. Gumagawa na lang ako ng mga alibi para hindi nila malaman ang totoo.

A Day at a TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon