Chapter 7

425 4 0
                                    

NAKANGITING ITINUTOKTOK ni Caleb ang ulo ng kaniyang lapis sa mesa. "Sa math naman tayo," sabi kong itinuro ang nakalapag na papel sa gilid niya. "Ano, kaya pa ba o tomorrow na lang?"

Napansin ko ang pagkuha niya sa tamad na paraan habang ramdam ko naman ang pagsipa ni Sally sa likod, nagkaupo sa pinakadulong bahagi ng sofa para hindi siya makita ni Caleb.

"Tomorrow," matipid niyang ngiti at sinabayan din ng ngiti. "Can I solve five?" hirit niya agad, itinaas ang kamay na nakadikit sa gilid ng pisngi niya.

Tumango-tango ako. Mukhang paborito niya ang math subject. "Can you do at least ten problems? Kung hindi mo kaya, kahit five lang. Check natin bukas, okay lang ba iyon?"

Binigyan din niya ako ng pagtango. "Okay, Teacher Ruth."

"Good bye, see you tomorrow," paalam kong napapanood ang pagkaway-kaway.

Medyo hassle magturo online, pero mukhang sanay naman si Caleb sa pakikipag-usap dahil nga ganoon pala ang araw-araw na ginagawa nila ng papa niyang nasa abroad. May minsang hindi lang siya nakakasunod minsan kasi nauuna ako, nahuhuli siya.

Ipinadala na sa kaniya ang mga modules niyang sasagutan para may pag-praktisan siya sa pagsasagot. Nakiusap din akong tanggalin iyong key answer sa likod kasi hindi siya matuto.

Madali lang naman siyang turuan, nagtatanong kapag hindi gaanong naiintindihan kung bakit ganoon ang sagot. Medyo hindi lang siya ganoon kagaling pa sa pagbasa kaya kailangan pang tutukan.

Isinara ko ang laptop sabay harap kay Sally na kalong-kalong si Rosette. "Career na career maging tutor. Iyan na ba talaga gusto mo?" kompronta niyang inuugoy ang anak ko habang nakaupo.

"Maganda naman mag-tutor," sagot kong inilahad ang kamay para kunin si Rosette sa kaniya.

"Hindi ka na talaga babalik sa midwife squad?" nagbabasakaling tanong niya sa akin, pero hindi ko siya inimikan at kinubuan.

Inilagay ko si Rosette sa stroller at itinabi rin sa kaniya ang maliit at malambot niyang laruan. "Kahit saang trabaho, masaya ako. Mas maganda na rin iyong ganito para walang gulo," imik ko matapos tumahimik ang paligid.

Tinaasan niya ako ng kilay at hindi pa nakatakas sa pandinig ko ang pag-tsk niya. Iiling-iling siyang tila hindi makapaniwala sa mga salitang kasasabi ko lang.

"Mas masaya ka kapag nasa linya ka ng kinuha mong profession, Ru."

Sobrang tipid ko lang siyang nginitian. Hindi ko nga pala maitatago sa sarili kong mas masaya ako sa dati kong trabaho. Ang pagiging midwife talaga ang isinisigaw ng puso kong gawin.

Umiiwas lang ako sa kung ano na namang sasabihin ni Tita Vivian tungkol sa akin. Natatakot akong baka tuluyan na niyang malason ang utak ni Aziel at maging dahilan iyon para maglaho ang pagsasama naming ayaw kong sirain.

Tinapik-tapik niya ang balikat ko. "Basta sabihan mo lang ako kapag ready ka na bumalik. Ipagdadasal ko sa batong magbago ang isip ni Azi at iyang nanay ng asawa mo," pasaring ngunit pabirong sabi niya.

Kinunutan ko siya ng noo sa sinabi niya. Bakit siya sa bato magdadasal?

"Atheist ako," pagpapaala niyang ikinatango ko habang kumakamot sa patilya.

"Iyong pagkaing dala ko, inilagay ko na sa kusina," sambit niyang itinuro ang direksyon ng kusina.

Bumuwelo ako sa pagtayo para tingna kung ano ang dinala niya nang mailuto ko at may pagsaluhan kaming dalawa. Pinagpag ko ang likod ng pantalon ko kahit wala namang alikabok o dumi sa bahay.

Pagkalampas ko kay Sally na kasalukuyang nilalaro si Rosette ay bigla kong narinig ang boses ni mama. "'Nak, nandito kami ng papa mo."

Nanlaki ang mata naming nagkatinginan ni Sally. Maingat niyang itinabi ang stroller at nagtatakbong parang bata na tinungo ang pinto. "Tita, tito! Sally's in the house!" sigaw niyang pinihit ang doorknob.

A Day at a TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon