SINILIP KO si Rosette na mahimbing pa ring natutulog habang nakayakap sa teddy bear. Kanina ko pa siya hinahanap, pero nandito lang pala siya sa kuwarto nila mama at papa. Hindi ko namalayang nauna palang nagising si Rosette kaysa sa akin.
Siguro noong natutulog pa ako, naabutan pa niyang gising si papa at nagkuwentuhan muna sila hanggang sa dinapuan ng pagod at nakatulog ulit dito. Ngumiti akong lumapit sa, kinapa ko ang paa niya na parehong malamig. Maingat kong itinaas ang paa niya na nakadagan sa kumot, banayad ang pagtakip ko sa katawan niya, 'tsaka hininaan ang buga ng air conditioner sa kuwarto.
Eksaktong humikab ako pagkasara ng pinto, yumuko-yuko pang inabot ang mga paa at agad ding tumayo nang maayos, hinawakan ang baywang. Dahan-dahan kong binaluktot ang katawan sa posisyong parang may inaabot akong kurtina sa kanan ko, ganoon din ang ginawa ko sa kaliwa.
"Good morning."
Nandilat ako sa nagmamay-ari ng boses, malapit lang sa kinaroroonan ko. Lumingon agad ako sa kaliwa kung saan ko unang narinig ang pinanggalingan ng tinig na iyon. Halos lumuwa ang mata kong napatayo nang maayos, hinila ang laylayan ng suot kong blouse. Iniipon ko pa ang buhok sa likod, marahang sinusuklay ang gusot kong buhok.
Nakangiti siyang humakbang palapit sa akin. "Wear your smile, Miss Ruth. Don't worry about your mother. She'll be okay."
"Thank you," nakangiti kong sagot, medyo mahina pa ang dating ng boses ko na parang ako lang ang nakarinig.
Nakatitig lang siya sa aking nakangiti. Tikom ang bibig kong lumingon sa kanan. Umagang-umaga, kinikilatis niya agad ang mukha kong hindi pa naghihilamos.
"Nag-almusal ka na ba?" tanong ko.
"Katatapos ko lang. Si uncle ang nagpapasok sa akin dito at sumabay na rin akong mag-almusal kasama sila ni Rosette. Pinagsaluhan namin iyong dala ko," sagot niya.
Bumalik ang mata ko sa kaniya. Sa wakas, wala na rin ang titig niya sa akin. Marahil napansin niyang naiilang ako.
"May iniwan kami para sa 'yo," dagdag niyang tumabi sa gilid, nasa silong ng hagdan. Itinuro pa ang kusina. "Habang nakatulog ka pa kanina, nag-usap na kami ng papa mo," sabi pa niyang sinundan ako sa paglalakad. "Ang talas ng memory ni uncle. Naalala pa rin niya ako."
Isinandal ko nang maayos ang natumbang mga unan sa sofa. Tinapik ko ang espasyo sa tabi ko para paupuin siya sabay abot ng remote para i-switch on ang TV.
"Alam na rin pala niyang may anak ako at tinuturuan mo dati," dagdag niyang naupo sa tabi ko.
Hindi alam na madali silang magkakasundo ni papa. Dahil sa sinabi niya, parang naalala kong nabanggit ko yata sa kanila mama ang tungkol sa kaniya noon kaya hindi rin nila siya nakakalimutan.
Hindi ko itinuloy ang pag-switch ng TV. "Naikuwento pala kasi kita sa kanila. Minsan ko na ring ipinasyal dito si Caleb habang hihinihintay si Tita Aira," masayang sabi ko nang maalala. "Dito rin sila nagkakilala ni Rosette at ayon, nagkasundo agad sila."
Kaagad na yumakap si Rosette kay Caleb nang makita niyang magkahawak-kamay kami. Nagpakilala agad siya, tapos pinaulanan niya ng tanong si Caleb at inaya pang maglaro sila. Noong una ay nahihiya pa si Caleb, hindi siya sanay pero agad ding nakapag-adjust dahil sa kakulitan ni Rosette.
"Madaldal sila pareho, gaya nila Frances at Rosette sa bahay," natatawang sabi kong gumawi sa kaniya ang tingin ko.
Tumango-tango siyang tila iniimadyin ang sinabi ko habang nakangiti. Hindi rin tumagal ang pagngiti niya nang matapos agad. Kunot-noong lumingon siya.
"Hindi ba ngayon din ang uwi nina Rica? May susundo na ba sa kanila?"
Tumango akong tumayo, inilapag ang remote sa mesa. "Mag-aarkila na lang daw sila ng taxi hanggang sa paradahan at tricycle papunta rito."
BINABASA MO ANG
A Day at a Time
RomanceMahal na mahal ni Ruth ang asawa niyang si Aziel. Marami silang pangarap at nangako silang hindi nila iiwan ang isa't isa at bibigyan ng isang masaya at kumpletong pamilya ang kanilang mga supling. Subalit sa paglipas ng panahon, nagmistulang tag-la...