NARAMDAMAN KO ang matipuno niyang bisig na yumakap mula sa likod ko. Isiniksik niya ang kaniyang mukha sa aking leeg. Nanunuyo ang dating ng bawat dampi ng labi niya pababa sa balikat ko.
"Hindi ko na uulitin iyong ginawa ko kagabi." Ipinatong niya ang baba sa aking balikat. Ramdam ko ang hininga niyang nagbibigay ng kakaibang pakiramdam. "I'm just tired from work. I didn't mean to shout at you and talk to you in that way," malambing niyang saad saka siya nagtanim nang mabilisang halik sa pisngi ko.
Minuto ang dumaan, ngunit nanatili akong tahimik. Hindi ko talaga nagustuhan ang ikinilos niya kagabi, pero atlis nag-sorry siya. Alam niya ang kaniyang pagkakamali.
Naiintindihan ko naman kung bakit nagkasumbatan sila. Sadyang hindi lang talaga maganda ang timpla ng mood nilang dalawa. Ang hindi ko lang matanggap ay ang pagbawalan akong makipagkita kay Sally.
Mukhang seryoso siya noong sinabi niya at talagang gusto niyang sundin ko, pero si Sally lang ang naiwan kong kaibigan—best friend. Nilayuan ko na ang lahat para sa kaniya at pinili ko lang samahan si Sally dahil siya lang ang nanatili sa tabi ko, kahit pinalayo ko rin siya.
Gumapang ang mga daliri niya pababa sa mga kamay ko, inagaw nito ang hawak kong pinggan sa kaliwang kamay at pamunas sa kanan.
"We're good now, are we?"
Humarap ako. "Seryoso ka ba sa sinabi mo kagabi?"
Nangunot ang noo niya. "Ah, about Sally?"
Tumango ako. "I never mean it. Gaya ng sabi ko, nadala lang ako sa pagod ko sa trabaho."
Matipid ko siyang nginitian pagkatapos kong makahinga nang maluwag. "We're good."
Bumukas ulit ang bibig ko para sana tanugin siya kung saan nagpunta. Kaninang umaga ko pa siya hinahanap, pero nagising akong wala siya sa tabi ko. Hinalughog ko pa ang bahay, pero wala siya.
"I invited your parents come here," biglang sabi niya na may ngiti sa labi.
Nagpro-process pa sa utak ko ang sinasabi niya at sinusubukan pang ikonekta sa pag-alis niya ng bahay kanina. Alam talaga niya kung paano makakabawi sa akin. Naalala pa pala niya ang sinabi kong balak kong bisitahin sila mama.
Kumiliti sa pandinig ko ang tawa ni mama at papa galing sa sala. Binitiwan ko ang kamay niya at malalaki ang hakbang kong tinungo ang sala para kumpirmahin ang hinala.
Nakatayo sila sa gilid ng malaking flower vase sa tabi ng mahabang sofa. Ang harap nila ay nasa bungad ng kusina kaya nagtama ang paningin naming tatlo pagkalabas ko.
"'Nak, nandito kami ng papa mo." Lumapit si mama para salubungin ako ng yakap.
Nakangiti namang inilapag ni papa ang dala niyang pizza box sa mesa. Yumakap din si papa sa akin pagkatapos humiwalay ni mama.
"Nami-miss ka namin kaya sabi ko sa papa mong bisitahin ka," tuwang-tuwang sabi ni mama, bakas ang kasiyahan sa kaniyang boses. "Eksaktong sinundo kami ni Aziel, pero nagpaiwan muna kami sa mall."
"Maupo kayo rito," alok ni Aziel pagkalabas niya sa kusina. Itinuro niya ang sofa sa likuran nila.
Sabay silang tumango at naupo.
"May dala kaming pizza. Tamang-tama, oras na ng meryenda." Itinulak palapit ni papa ang box nang makalas niya ang manipis na tali.
"Ipagtitimpla ko kayo ng kape," sabi ko sabay talikod para bumalik sa kusina.
"Huwag na, 'nak. Okay na kami sa tubig," pagpigil ni mama, hinawakan pa ang likuran ko at nang lingunin ko siya ay hinila niya ako para paupuin sa binakantehan nilang espasyo sa gitna.
BINABASA MO ANG
A Day at a Time
RomanceMahal na mahal ni Ruth ang asawa niyang si Aziel. Marami silang pangarap at nangako silang hindi nila iiwan ang isa't isa at bibigyan ng isang masaya at kumpletong pamilya ang kanilang mga supling. Subalit sa paglipas ng panahon, nagmistulang tag-la...