Chapter 41

424 3 0
                                    

INIIKOT-IKOT NIYA ang manipis na tali ng lobo sa pulsuhan niya. Lumapit siya sa akin at yumakap, tapos idinikit pa ang pisngi sa balat ng kaliwang braso ko.

“Mommy, will lola be very happy if she saw this?”

Sumulyap ako sa nakalutang na lobo sa tuktok ng ulo niya. Kulay dilaw at itim ang naka-drawing sa ngiti at mata, may kasama pang maliit na kulay pula bilang blush on.

“Of course, she is.”

Nagniningning ang mata niyang inilapit iyong mukha, tumingkayad pa ito. “Talaga, mommy? As in siya iyong super duper happy sa buong universe kapag isu-surprise natin siya?”

Sumandal ako sa upuan at hinaplos ang buhok niya sa gilid. “She is. Kahit hindi natin siya i-surprise, siya pa rin ang pinakamasaya kasi makakasama na niya tayo,” nakangiting sabi ko, nakatuon sa nakataas niyang buhok. Inalis ko ang ribbon na ipit niya para ayusin. “Makakapagkuwentuhan na kayo ng lola mo at saka isang yakap lang natin na parang ganito.” Niyakap ko siya nang mahigpit habang ang kamay ko ay naglalakbay sa likod niya at napunta sa kaniyang tagiliran.

Humahagikgik siyang mas humigpit ang yakap, nakapatong ang baba sa balikat ko dahilan para mabigatan ako at medyo nawalan nang balanse sa pag-upo. Hindi talaga tumatalab ang pagkiliti ko sa tagiliran niya, mas malakas sa paa.

Tinapik-tapik ko na lamang ang likod niya. “Magiging super happy na siya. Tayo kasi ang lucky charm niya, iyong nagpapalakas sa kaniya.”

Sobra akong humanga sa tapang ni mama. Kahit ilang beses sa aming sinabi na wala na talagang pag-asang maka-recover siya, pero heto siya, uuwi na sa bahay at itutuloy pa rin ang gamutan para tuluyan siyang makabalik sa dati.

“Ikaw, mommy, sino lucky charm mo?” Ipinusod niya ang nalaglag na hibla ng buhok ko sa tainga, pero wala pang segundo, tumakip ulit sa pisngi ko.

Gumilid siyang itinulak ako nang kaunti para sumiksik sa masikip kong kinauupuang silya dito sa hapagkainan. “Ako, lucky charm ko kayo ni Dad, ikaw, lola, lolo, grandma, kayong lahat, pati na rin family ni Tito Kalen.” Nakataas ang siyam niyang daliri.

Tumingala siya para kunin ang sagot ko. Una, ngumiti muna ako sabay halik sa kaniyang noo. “Siyempre, kayong lahat din. Lalong-lalo na ikaw. You're the best gift I have,” sabi kong pinisil ang pisngi niya.

“That's sweet, mommy. I love you.” Lumabi siyang dinampian ng halik ang kaliwang pisngi ko.

Pagtayo niya ay eksaktong nakarinig kami ng pagbusina galing sa labas. Mulagat ang mata naming nagkatinginan sabay ngisi at magkasama kaming tumakbo patungo sa pinto. 

“Mommy, kulang iyong balloon sa kamay ko. I will give it to lola pagpasok niya,” sabi niya, itinuro ang mga lobong nakatali sa likod ng inupuan ko kanina.

Dali-dali akong lumapit at kunin. Binigay ko sa kaniya, tinulungan pa siyang tanggalin ang nakatali sa pulsuhan niya. 

“Ma, welcome home!” masayang salubong ko pagkabukas ni papa ng pinto.

Nasilayan ko ang pagmulagat ni mama. Hindi pa gaanong nagagalaw ang pisngi kaya sa tanging mga mata lang ako bumabase ng reaksyon niya. Napansin agad ang whiteboard na nasa kandungan niya at ang marker na nakaipit doon.

“Lola, you’re back!” pagbati ni Rosette habang nakaunat ang kamay niya. Medyo nag-aalangan pa siya kung paano yayakapin si mama kaya nilingon niya si papa sa likod na nakahawak sa wheelchair, sabay lingon din sa akin. 

Kinuha ko ang kamay niya, maingat siyang itinulak sa gilid at ipinulupot nang magaan sa bandang balikat ni mama ang maliit na bisig ni Rosette. 

“I missed you.”

A Day at a TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon