ITINUKOD NI Sally ang dalawang siko sabay yakap ng kaniyang palad sa magkabilang pisngi. “Anong magandang ganap sa blind date ninyo ni Papi Kalen, bestie?” Tumaas-baba ang kilay niyang malawak ang ngisi.
Mahinang tumawa si Ate Rica sa tabi kong itinaas ang mga paa at niyakap ang mangkok. “Papi Kalen talaga, Sally?”
Lumabi si Sally. “Oo, Ate Rics. Ang cute niya kasi,” sabi niyang humagikgik sa dulo.
Inilapit ni ate ang sliced apples sa labi niya. “Baka marinig ka ng boyfriend mo diyan, sige ka. Hindi ka pa naman mapapatulan ni Kalen dahil iba ang gusto niyon.”
Kumuha ako nang tatlong slices ng mansanas at dalawa ang isinubo ko nang magkasabay.
“Aray, ate, ha.” Hinawakan ni Sally ang dibdib niyang umatras pa nang kaunti.
Tinawanan namin siya. Hinahampas-hampas ng kurtina ang likod niya dahil mukhang doon nakatutok ang electric fan imbes na sa kaniya. Gumilid siya, tila inabot ng kaniyang paa ang paanan ng electric fan para itutok ang direksyon ng hangin sa posisyon niya.
“Iyon na nga, bestie. Balik kami sa 'yo. Ano'ng nangyari sa blind date ninyo?” tanong niyang ibinalik ang usapan sa kung ano ang gusto niyang malaman.
Kahapon pa siya nangungulit noong sinabi ko sa kaniyang naging successful ang friendly date namin. Tinulugan ko na lang dahil sa pag-aakalang hindi na niya babanggitin pa ito, pero noong natutulog pala ako ay ibinalita na niya kay ate. Paggising ko, curious din si ate sa nangyari.
Pinanliitan ko sila ng paningin nang hindi nililingon si ate sa tabi ko dahil nakikita ko siya sa screen ng laptop. Isinubo ko ang mansanas at itinuro si Sally.
“Isa ka ba sa kasabwat? Paniguradong ikaw ang nagsulsol kay ate,” panghihinala ko.
Lumingon siya sa likod niya sabay tingin sa kaliwa at kanan bago ibalik ang tingin niya sa camera nang nakangisi at nagpipigil na ng tawa.
“Huh? Nasaan si Sally?” pagmaang-maangan niyang sambit.
Iiling-iling akong nasapo ang noo ko. “Loko-loko ka talaga,” natatawa kong singhal sa kaniya. “Hindi ba sinabi ko naman sa iyong ayaw ko na ang pumasok sa isang relasyon.”
Tama nga ang hinala ko. Hindi gagawa ng ganoong kalokohan si ate kung wala siyang kasabwat sa pagplano. Nakakatawa lang dahil si Sally pa ang kasama niya. Hindi talaga matatanggihan, maniniwala ka agad sa lakas ng impluwensiya niya.
“Ano sabi mo?” namamanghang tanong niya na may kasamang pagtataka.
“Ayaw na niyang pumasok sa isang relasyon,” sabi ni ate nang ilapag ang mangkok sa pagitan namin.
Liningon ko ang mangkok para sana kumuha pa pero wala na palang laman. Sinimangutan ko si ate. Tumatawa niyang inilabas ang subo-subo niyang piraso ng mansanas at inilahad sa akin. Itinulak ko ang kamay niya palayo.
Salubong ang kilay ni Sally at may mangilan-ngilang guhit sa kaniyang noo. “May mali ka.”
Tinaasan ko siya ng kilay. “Anong mali ko?”
“Itatama ko lang iyong sinabi mo. Ang sabi mo sa akin, ayaw mo munang pumasok sa isang relasyon,” banggit niyang unti-unting naglaho ang guhit sa noo.
Kinalabit ko si ate na ngumunguya sa tabi ko. “Ate, ipaliwanag mo nga kung anong relasyon ang mayroon kami ni Kalen,” utos ko.
Itinaas niya ang palad, sinasabihan kaming maghintay sandali. Pagkalunok niya sa kinakain, nagsalita siya. “Magkaibigan lang sila Sally. Mas maganda siguro kung huwag natin silang i-push.”
Tumango-tango akong binalingan ng tingin si Sally pero tumatawa lang siyang nakataas ang kanang kilay.
“Si ate na pumipigil sa 'yo kaya huwag mo nang sulsulan si ate. Kung nakita lang ninyo si Kalen kahapon, paniguradong ayaw n'yo na ulitin ang pag-set up sa amin.”
BINABASA MO ANG
A Day at a Time
RomanceMahal na mahal ni Ruth ang asawa niyang si Aziel. Marami silang pangarap at nangako silang hindi nila iiwan ang isa't isa at bibigyan ng isang masaya at kumpletong pamilya ang kanilang mga supling. Subalit sa paglipas ng panahon, nagmistulang tag-la...