Chapter 38

431 6 1
                                    

MALAWAK ANG NGISI ni ate sa akin. Susundutin din sana niya ako sa pamamagitan ng hawak niyang suklay pero pilit kong iniiwasan.

“Baka ma-miss mo agad si Kalen, eh, isang linggo lang niya doon,” sabi niyang sinikil ang braso ko pagkatapos niyang ilagay sa likod ng pocket ng sling bag niya.

Masyadong mabilis ang araw dahil parang kahapon lang ay nagkukuwentuhan pa kami nila mama at papa, pero babalik na sila sa New York. Gusto pang mag-stay ni ate. Kasisimula ko lang din last week sa pagiging midwife sa birthing center na pinagtatrabahuhan ni Sally.

Umiyak sila Rosette at Frances kagabi. Halatang ayaw na nilang magkahiwalay na dalawa. Hinayaan namin silang magkatabi matulog nang magkayakap, kaya mag-isa kong natulog sa kuwarto namin ni Rosette. 

“Hindi, ah. Mag-uusap pa naman kami through phone kahit na magtagal siya doon.”

Tumalikod ako, hinila ang maleta nila palabas. Bumuntot sa akin si ate, hila-hila rin ang isang maleta nila. Samantala, nasa kuwarto pa nila ate si Frances at kasama niya si Rosette. Dinig na dinig pa namin dito sa sala ang boses nila.

“Siya na talaga, ano?”

Kumibot lang ang labi kong pinigilang iharap ang mukha kay ate dahil pilit niyang sinisilip. Nang-aasar talaga. 

“Kayo ni Frances, ate? Kailan ang balik ninyo? Hindi ba dalawang linggo  lang din kayo roon?” pag-iiba ko ng tanong kasi nararamdaman kong hindi niya ako titigilan, saka baka sumama pa si papa sa pang-aasar kapag naabutan niya kami.

Huminto ako sandali, nilingon siya para makapag-usap sandali tungkol sa tinanong ko. 

Ipinatong niya ang kamay sa hawakan ng maleta at bumuga nang napakalalim na buntonghininga. “We're still unsure. Makikiusap na lang ulit akong magbakasyon ng isang buwan kung papayagan ako,” sabi niyang bakas ang walang kasiguraduhan.

“Gusto kong marinig munang magsalita si mama at makauwi siya rito sa bahay bago kami tuluyang bumalik doon sa New York.”

Naigagalaw na niya ang mga kamay, pero hindi pa rin siya makabangon dahil kailangan pang alalayan para makaupo. Hindi pa rin niya naigagalaw ang labi, umuungol lang siya palagi kaya ang bagong komunikasyon namin sa kaniya ay iyong whiteboard.

“Mag-s-start na pero ang klase nila Frances doon. Nahuli na yata siya sa enrollment,” sabi ko.

Bumungad sa aking news feed iyong post ng mama ng kaklase ni Frances, na naging kaibigan ko rin.

Hinilot niya ang sentido sabay taas patungo sa tuktok ng kaniyang ulo. “Ugh! Too complicated. Ang sabi naman sa akin ni Frances, gusto niya rito.”

Bahagyang naningkit ang mata ko. “Matanong kita, ate. Ikaw, saan ba ang gusto mo?”

Nag-angat siya ng kamay. “Doon. . . dito?” kibit-balikat niyang sabi sa paraang nagtatanong.

“Ikaw ang medyo may problema, ate. Huwag mo munang i-pressure ang sarili mo sa pagdedesisyon,” pagbibigay ko ng opinyon. 

Nahahalata kong ayaw pa niyang mag-settle rito kahit nasabi niya sa aking may gusto siyang bilhing bahay malapit dito. Sinabi na niya ang plano sa akin, pero nagbabago ang isip niya kada sumasagi kung ano ang iiwan niyang buhay doon.

Hindi ko rin siya masisisi dahil ilang taon siyang nagtatrabaho doon, nasanay sa kultura at ayaw siguro niyang iwanan ang mga pasyente at kaibigan niya. Maging ako, ayaw ko rin muna sanang bumalik dito kasi nahahati ang puso ko, katulad niya. Ngunit ang kaibahan lang naming dalawa ay mas nangingibabaw ang kagustuhan kong manatili rito sa Pilipinas kaysa doon.

“Tapos na ba kayong mag-usap, mga anak?”

Sabay kaming lumingon sa pinanggalingan ni papa sa garahe ng sasakyan. “Hali na kayo, baka maiwan pa kayo ng eroplano ni Frances,” nakangiting pag-aaya ni papa.

A Day at a TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon