Chapter 27

518 4 0
                                    

LAKAD-TAKBO ang ginawa ko pagkaakyat ko sa second floor. Palinga-linga ako, hinahanap si papa nang mabalitaan ko kay Sally na nasa ICU si mama. Nahihilo ako dahil bago sa akin ang lahat. Hindi pamilyar ang bawat sulok na dinadapuan ng mata ko.

Wala akong kaalam-alam kung saan banda ang ICU kaya nagpatuloy lang ako sa paglalakad nang palingon-lingon sa likod habang nakaturo ang daliri sa mga kuwartong nadadaanan. Kusa akong huminto noong mahagip ng mata ko sa kanan ang pabalik-balik ng lakad ng lalaki.

Umatras ako para mapagsino iyon. Nakayakap ang isang kamay niya sa braso habang ang malayang kamay ay nakatakip sa kaniyang bibig, pabalik-balik ang lakad.

Tumakbo ako para punan ang distansya namin. Yumakap agad ako sa likod niya nang tumalikod at ipagpatuloy sana ang paglalakad.

"Papa, nandito na ako," malambing kong sabi na may kasamang lungkot.

Hinawakan ni papa ang kamay kong nakapulupot sa tiyan niya, binitiwan niya iyon saka humarap sa akin. Pagod na pagod ang mata niya, alalang-alala ang mukha at bakas ang kakulangan ng pagtulog.

Naginginig ang labi ni papa at nangingilid ang luha. "Ruth, anak. . . ang mama mo. . ." Suminghap siya.

Hinaplos-haplos ko ang braso niya. "Hindi pa rin nagkakamalay?"

Nilingon ko ang nakasarang pinto sa tapat namin. Wala akong maaninag sapagkat napakalayo ng maliit na bintana. Pagkabalik ko ng tingin ay tumango siya bilang sagot sa tanong ko.

"Bakit hindi ninyo agad sinabi sa amin, papa? Kay Sally pa namin nalaman," kalmado at nagtatakang sabi ko.

Kung sinabi lang sana agad ni papa sa amin ni ate, baka nakauwi kami nang mas maaga at hindi na umabot sa ganito. Ibinaling ko ang ulo sa kanan. Marahan kong hinila si papa at inilalayang maupo.

"Pasensya na anak kung hindi ko naibalita agad ang nangyari. Hindi ko alam kung sino ang unang tatawagan ko sa sobrang pagkataranta," buntonghiningang sagot ni papa sa pagkayuko. Binitiwan niya ang kamay ko para ihilamos sa mukha. "Nagbibiruan pa kaming dalawa noong gabing iyon. Noong madaling araw, hindi na niya maigalaw ang kalahating katawan niya at kapag kinakausap ko, nabubulol. Hindi ko maintindihan ang sinasabi." Tumingala siya sa aking nagtutubig ang mga mata agad niyang pinahiran. "Napauwi ka pa sa pag-aalala."

Umupo akong hinahagod-hagod ang likod niya. Kinagat ko ang labi dahil sa sinabi ko. Nagmukhang sinisisi ko si papa, kahit ang totoo ay wala rin siyang alam na ganito pala ang mangyayari. Dapat inayos ko ang tono ko.

"Ayos lang iyon, papa. Huwag na kayong masyadong mag-alala. Magpahinga muna kayo, ako na maghihintay sa doktor," sabi ko.

Umiling-iling siyang dumako ang tingin sa pinto. "Hindi lang din ako makakatulog, anak."

Hindi ako huminto sa paghagod sa likod ni papa. Kahit pilitin ko siyang umuwi, hindi lang din ako mananalo. Wala na ni isa ang nagsalita sa amin. Tanging mga boses ng mga kamag-anak ng ibang pasyenteng naglalakad sa hallway ang nagsisilbing ingay namin dito sa sulok, maging ang pagbuga ng mabibigat na hangin ni papa.

"Plano ko na rin naman na pong bumalik dito," pagbasag ko sa katahimikan dahilan para mapalingon siya akin.

Kumontra ito sa pamamagitan ng pag-iling-iling. "Anak, pag-isipan mo munang mabuti. Maganda ang trabaho at buhay mo roon."

Ngumiti lang ako. "Wala po kayong kasama rito. Hindi naman namin puwedeng iasa kayo kay Sally."

Binanggit ko rin ito kay ate bago ako lumuwas dito. Parehas din sila ng sinabi ni papa, at kung may malay lang si mama, paniguradong ganoon din sa sinabi nila ang maririnig ko. Pero buo na ang desisyon ko. Matagal ko na ring gustong bumalik dito para may kasama sila.

A Day at a TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon