DYING IN silence and in great sorrow. Iyan ang nararamdaman ko sa buong oras habang nakaupo lang akong nakatanaw sa labas ng bintana. Lahat ng nadadaanan namin ay wala akong makitang tuwa o ganda.
Sa bawat kilometrong paglayo namin ay isa-isa ang pagkatok ng mga katanungan sa isip ko.
Ano kaya ang nararamdaman niya?
Masaya na ba siya o malungkot?
Alam na kaya niyang umalis kami ni Rosette?
Noong umalis kaya siya noong araw na iyon, mahal pa rin kaya niya ako kahit kaunti lang?
Magsisisi ba siya balang araw o magiging mas masaya kaysa sa akin?
Si Tita Vivian. . . galit kaya siya o masaya dahil hindi na niya ako makikita sa tabi ni Aziel?
Alam rin kaya niya ang tungkol kay Emily?
Ano kaya iniiisip niya? Siguro, nasa isip niyang iniwan ko si Aziel dahil sumama ako sa ibang lalaki.
Magkakasunod ang pinakawalan kong buntonghininga. Kulang na lang ay lumukob ang napapanis kong laway sa loob, pero mabuti na lang may air freshener sa sasakyan ni papa.
Sabi nila, hindi raw magandang umalis na mabigat ang pakiramdam. Dapat maluwag daw sa puso. Hanggang sa mga sandaling ito, hindi ko pa rin alam kung ano nga ba ang nararamdaman ko.
Ang tanging alam ko lang ay magulo ang isip ko—maraming iniisip, samantalang ang puso ko ay tumitibok ng normal kahit maya't maya ang pagkirot.
Kung aalis ba kami ni Rosette, magiging masaya ako?
Tinatamad akong bumaling sa rear view mirror para silipin si Rosette. Agad kong ibinalik sa labas ng bintana ang paningin nang makuntento ako sa nakitang mahimbing siyang natutulog sa back seat habang nakahilig ang ulo sa hita ni Sally, na nakaidlip din.
Parang ang layo na masyado ng nilakbay namin pero hindi pa kami nakakarating sa aming destinasyon. Nagpaiwan si mama sa bahay para may magbantay, kahit puwede namang i-lock at sumama para ihatid kami ni Rosette.
Ihahatid lang kami ni papa dahil hindi na raw siya sanay bumiyahe nang mag-isa pabalik ng Pilipinas, kaya si Sally na nag-take ng one week leave para magbakasyon kasama namin.
Kung gising lang si Sally, baka kanina pa niya ako binungangahan na huwag dapat akong magsising umalis.
"You made a good decision," pagbasag ni papa sa katahimikang kanina ko pa binuo sa loob ng sasakyan.
Mabigat ang hanging pinakawalan ko at isinandal ang ulo sa bintana. "Good ba talaga, papa?"
"Oo naman. Makikita mo rin balang araw na tama ang ginawa mo," positibo niyang sagot.
Walang naging epekto ang sinabi ni papa. Talaga bang makikita kong tama ang ginawa ko? Sa tingin ko, parang hindi.
"Sa una, mahirap pang tanggapin ang lahat. Hindi mo naman tinatakbuhan ang problema mo, anak. Umalis ka kasi masakit na at hindi na tama. Masaya ako at suportado ako sa desisyon mong umalis," mahabang litaniya ni papa, bakas sa boses niya ang tuwa sa naging desisyon ko.
Gusto ko ring tingnan iyong sarili ko sa kung paano nila tingnan ang maganda kong desisyon. Ipinaparamdam kasi sa akin ng desisyon kong ako pa ang nagtaksil at unang bumitiw. Iyong kaya siya nambabae kasi marami akong pagkukulang sa kaniya.
It feels like I am just going with the flow, letting them to drag me wherever they think I'll be all right.
"Hindi ba ako masamang asawa?" tanong ko, naglalakbay pa rin ang isip ko sa memorya naming dalawa.
BINABASA MO ANG
A Day at a Time
RomanceMahal na mahal ni Ruth ang asawa niyang si Aziel. Marami silang pangarap at nangako silang hindi nila iiwan ang isa't isa at bibigyan ng isang masaya at kumpletong pamilya ang kanilang mga supling. Subalit sa paglipas ng panahon, nagmistulang tag-la...