Chapter 5

519 4 0
                                    

DALAWANG BESES nag-ring ang tawag ko bago niya sagutin. Malabo ang background niya, para siyang na-edit sa Picsart para maging motion blur ang mukha niya dahil in-adjust niya ito at nagla-lag.

"Hoy, Ru. Na-miss kita!"  bungad niya nang unti-unting luminaw ang mukha niya at nakasagap ng magandang internet connection. "Congratulations on the birth of your sweet baby girl."

Ngumiti ako. "Thank you."

Suot niya ang uniporme, napakagat-labi ako at nahihiyang ngumiti. Mukhang hindi sumakto sa free time niya ang pagtawag ko.

"Pasensya na kung late iyong congratulations ko. Iyan na ba iyang baby girl ninyo?" tanong  niyang dumungaw kunwari kahit nag-uusap lang naman kami sa video call.

Tumango akong itinutok nang bahagya ang camera. "Rosette name niya," pagpapakilala ko. Nakadilat siyang sumususo sa akin.

"Ang cute!" nanggigigil sa tuwang puri niya.

Napansin ko ang kamay niyang kumukurot-kurot kunwari at ini-imadyin niyang tinutusok ang maliit na braso ni Rosette. "Hindi pa kasi ako makabisita diyan sa inyo. Busy pa ako."

"Walang problema. Iyong nangyari pala noong nakaraang tatlong buwan," pag-alala kong ibinalik sa dating ayos iyong phone ko. "Ako na ang humihingi ng paumanhin sa kilos ni—"

"Bestie, wala iyon. Mainit lang ulo ko noong araw na iyon kasi nag-away kami ni Chris," putol niya sa sinasabi ko habang iwinagayway ang kanang palad. "Wala akong sama ng loob, inis lang kaya huwag mo ng isipin iyon."

Bumuga ako ng hangin, senyales na nakahinga ako nang maluwag sa mga narinig. "Mabuti naman. Akala ko kasi kaya hindi ka na tumatawag sa akin kasi galit ka."

Pumainlanlang ang mahina niyang pagtawa. "Hindi, Ru. Nakakatawa ka naman," sabi  niya sabay buntonghininga. "Naging sobrang busy lang ako nitong nakaraang buwan. Hindi na kita matawagan kasi naging madalas din pag-aaway namin ni Chris."

Nag-aalala akong nag-angat ng tingin. "Okay naman na kayo ngayon?"

Tumango siya. "Oo, okay na. Going strong," sagot niyang ikinangiti ko.

Matagal din nilang problema ang kanilang relasyon. Ayaw naman nilang maghiwalay. Paminsan-minsan din lang siyang nag-o-open up sa akin tungkol sa relasyon nila ni Chris, kaya nirerespeto ko ang privacy na gusto niya para sa kanila. Ayaw lang talaga niyang pag-usapan.

Sinabi kasi nito sa aking ayaw niyang makarinig ng opinyon na dinidiktahan siya kung ano ang mas magandang gawin.

Tiningnan ko siyang nakahalumbaba, maliwanag sa likuran niya na biglang dumidilim at para bang nasa harap ko lang siyang nakaupo sa couch.

Ibinuka ko ang bibig, pumipila sa utak ko iyong gusto kong bitiwang mga salita, pero naisip kong hindi makabuluhan kaya naitikom ko rin agad ang labi. Lumabi siyang nag-angat ng dalawang kilay.

"May napapansin ako," basag niya sa segundong katahimikan.

"Ano?"

"May gusto kang itanong, ano?" Naituro pa niya ako.

Umiling-iling akong inilapag nang maingat si Rosette sa stroller na nasa gilid. "Wala. Tinitingnan lang kita," sagot ko at pilit siyang binigyan ng pagngiti.

Marahan siyang umiling at mahinang tumawa ulit. "Ru, alam kong mayroon kaya huwag ka nang mahihiya." Itinuro niya ang mukha, ipinapakita sa aking ganoon ang napapansin niya sa akin. "Bukod kay Ate Rica mo na kilalang-kilala ka, aba! Huwag mo akong kalimutan."

Lumapit siyang ipinatong ang dalawang kamay sa mesa. "Sabihin mo na iyang gusto mong sabihin," panghihimok niya.

Sumimangot akong nagbaba ng tingin. Iginalaw-galaw ko ang mga daliri sa paa at tatlong beses nagpakawala ng buntonghininga. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin.

A Day at a TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon