"Mang Emil!" tawag ko sa matanda at nilapitan siya.
Tumigil si Mang Emil sa ginagawa niyang pagbubuhat ng tatlong basket ng mangga sa truck at binalingan ako. Nagliwanag ang mukha ng matanda at agad na ngumiti.
"Hija, ikaw pala." tawa niya.
"Saan kayo pupunta?"
"Idedeliver ko sa bahay ni Mayor itong basket ng mangga. Ang iba naman ay diretso sa bayan. May gagawin ka ba ngayon, hija?"
Umiling ako, "Wala ho, Mang Emil. Hihintayin ko lang si Aling Brenda at Aling Petty para sa kukunin naming isda."
Kumalabog ang pinto ng truck nang natapos siya at tuluyan akong hinarap, "Gusto mo bang sumama sa akin?"
Naging hilaw ang ngiti ko at suminghap. Napakurap-kurap ako at nag-isip ng dahilan pero nakita ko ang ngiti ni Mang Emil. Ayaw ko siyang tanggihan. Pero bakit naman ayaw kong sumama sa kanya papuntang mansyon?
Tumango ako, "Sige, po. Ilang basket ba, Mang Emil?"
"Apat lang naman. Nagsabi kasi kanina si Joy na kakailangan para sa mango shake na meryenda kasi nagpapahanap iyong anak ni Aaron."
"Hindi ba madami na ang apat na basket para sa mango shake? Baka masayang lang."
Kumunot ang noo ni Mang Emil kaya nakagat ko ang labi ko. Nag-isip ako kaagad ng pangbawi. Bibig ko talaga!
"Ah! P-pero ayos lang kahit ilang basket kasi sa kanila namang farm 'yon." sabay tawa ko ng pilit.
Tumawa rin siya kaya nabunutan ako ng tinik, "Dinamihan ko na para naman may magawa pa sila bukod sa manggo shake. Mas maganda pa rin kung sobra kaysa naman kulangin, hija."
Napatango-tango ako at tiningnan ang maraming basket ng mangga. May truck na nakapila sa gilid at doon nila ilalagay ang mga basket mamaya para dalhin sa bayan.
"Tama kayo." sang-ayon ko sa matanda at nilapitan ang isang basket, "Gusto niyo bang tulungan ko kayo sa mga ito?"
Mabilis siyang umiling, "Huwag 'yan. Darating ang mga trabahante para diyan, hija. Huwag mo nang intindihin. Ang mabuti pa sumama ka sa akin sa pagdadala ng mga ito sa mansyon. Kung ayos lang sa'yo."
Tumikhim ako at tumango, "Ayos lang, Mang Emil."
Sumakay ako sa truck at inayos ang seatbelt. Nasa unahan ako at hinintay na makasakay si Mang Emil. Pinaandar niya ang truck kaya tumingin ako sa labas. Nakita ko roon si Aling Petty na paparating kaya sumungaw ako sa bintana.
"Aling Petty, punta lang ako sa mansyon ng mga Caballeros. May dadalhin lang na mangga. Babalik ako mamaya!" paalam ko.
Tumango lang si Aling Petty at inangat ang kamay para isenyas na ayos lang. Kausap niya si Aling Rosa.
Umayos ako sa pagkakaupo. Tumawa ng mahina si Mang Emil at humingi ng paumanhin na nginitian ko na lang. Hindi ko alam kung bakit pero bahagya akong kinakabahan.
Siguro dahil ito ang unang beses na makakapunta ako sa mansyon. Nag-iisa iyon na nakatayo sa gitna ng palayan. Kitang-kita lalo na kapag nakasakay ng ganitong truck dahil talagang hihinto ito doon banda.
Ilang kilometro pagkatapos malagpasan ang mansyon, mararating ang farm na pag-aari nila. Ang iba namang lupain gaya ng rancho at iba pa ay matatagpuan lang din malapit sa farm.
Maraming pag-aari ang mga Caballeros dahil mula noong natuto silang maupo bilang politiko sa bayan, bumibili na sila ng lupain.
Mula sa ninuno hanggang sa mga kaapo-apohan, lahat may kani-kaniyang negosyo. Kaya kahit bata pa lang, siguradong may mamanahin na.
YOU ARE READING
A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)
RomanceHacienda de los Caballeros Series #2 Started: 03/02/22 Ended: