Malakas akong napasinghap nang pati si Camila at Jamila ay nilapitan kami. Naguguluhan sila dahil nakikita akong umiiyak. Tahimik man ang lahat pagkatapos ng sinabi ni kuya, ramdam na ramdam ko ang tensyon.
"Anong mayroon?" takang tanong ni Camila, "Ang tahimik niyo."
"May nangyari ba?" tiningnan ako ni Jamila. "Bakit ang pula ng mata mo?"
"Kapatid mo?" pagtatanong ni Carles na ngayon lang nakabawi.
"Amara Morisel. Akala ko nakidnap siya at sapilitang makisama sa isang matandang lalaki."
Umiling-iling ako. "H-hindi ganoon, kuya."
"Kuya?" nangunot ang noo ni Camila. "Teka, anong nangyayari?"
"Kapatid mo si Pauleen? You mean... anak ka rin ng umampon sa kanya?" pagtatanong ni Jamila.
"Sandali... akala ko ba taga rito ka? Hindi ba sabi mo, may bahay kayo rito? Paanong... taga Cebu..." tinuro ako ni Carles at paulit-ulit siyang suminghap, "Huh?"
Kailangan kong mahanap si Cassandra. Siguro naman may alam siya kung paano malulusutan ito. Masyado pang maaga para malaman nila ang totoo. Ni hindi ko pa nga nahahanap si Pauleen!
Dalawang linggo pa ang natitira sa akin. Kailangan kong magawa iyon nang tama. Hindi pwedeng mapunta sa wala ang pagpapanggap ko.
"Sandali..." nagsimula akong agawin ang atensyon nila pero bago ko pa magawa iyon, naramdaman ko ang malakas na pwersa na humawak sa kamay ko.
Hinila ako ni Levi at hinila palabas ng mansyon. Diretso at mabilis ang hakbang niya habang mahigpit naman ang hawak sa kamay ko. Nagpilit akong makawala pero tinahak niya ang hagdan pababa papunta sa dalampasigan.
Naalala ko bigla si Abraham at ang narinig kanina kaya mas lalo akong nagpumiglas.
"Bitiwan mo ako!" sa lakas ng boses ko imposibleng hindi kami marinig dito. "Ano ba?"
Padarag niyang binitawan ang kamay ko. Tumama ang aking likod sa matigas na puno ng niyog. Napasinghap ako at matalim siyang binalingan pero napawi iyon nang lumapit ang katawan niya.
Inilagay niya ang isang kamay sa puno para ikulong ako. Huminga siya ng malalim.
"Ano 'yon?" panimula niya sa malamig na boses.
Napalunok ako. Dalawang linggo pa sana pero mukhang hindi ko na malulusutan ito.
"Ang alin?" pangmaang-maangan ko.
"Tinawag ka niyang kapatid." aniya. "Kapatid mo si Daryl."
Pinaawang ko ang labi ko. Naamoy ko ang pabango niya sa sobrang lapit namin.
"K-kapatid ko nga."
Kumunot ang noo niya. "Paano? Kilala ko siya dati pa at dito siya nakatira."
"Katulad ko... umalis din siya sa Cebu."
Nagtaas siya ng kilay. Kitang-kita na hindi niya binili ang alibi ko. Kailangan ko pang mas mag-isip ng sasabihin para makatakas ako. Kailangan ko tuloy si Cassandra.
"At ang huling sinabi niya kanina. Paano mo ipapaliwanag iyon?"
"Nagkita kami bago ako nakita ni Cassandra. Pinalabas lang namin sa lolo mo na nandoon ako sa Cebu, hindi na sinabi ni Cassandra na nagbebenta ako ng isda."
Nanatili siyang walang imik.
"Hindi ko sinabi kay kuya kung nasaan ako. Hindi ko rin sinabi sa kanya na nagtitinda ako sa talipapa. Ayon... hinanap niya ako."
YOU ARE READING
A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)
RomanceHacienda de los Caballeros Series #2 Started: 03/02/22 Ended: