Kabanata 3

555 26 1
                                    

Balita ang pagkakahospital ni Mayor. Ilang taon siyang nagsilbi sa bayan at ang pamilya lang nila ang nagpakita ng totoong malasakit sa mga taong-bayan. Lahat ng binitawang salita noong eleksyon, nagawa nila at lumabis pa.

Kaya ngayong nagkakasakit ang Mayor, lahat ng mamamayan sa buong bayan ay nag-aalala.

"Ang balita ko, ilang araw pa si Mayor sa hospital. Mahina na talaga. Sa tingin ko may hinihintay lang na kung ano iyon."

Kahit ako na nakasaksi sa kabutihan nila, nalulungkot kung sakaling mawala siya. Ano na kaya ang mangyayari sa Alibaya kapag may nangyaring hindi inaasahan?

"Pero hindi ba malakas pa siya noong huling kita natin, Rosa? Nakikipagbiuran pa nga, eh." malungkot na ani ni Aling Petty na apektado rin.

"Oo nga. Tumatawa pa siya no'n. Ibig bang sabihin nagpapanggap lang siyang malakas?"

Umiling si Mang Fernan, "Biglaan iyong sakit niya. Sabi nga nila Reni, maayos pa si Mayor noong gabi tapos kinaumagahan biglang inatake."

Nakagat ko ang labi ko habang nakikinig sa mga sinasabi nila. Kaya wala si Levi ngayon sa bayan dahil nasa hospital silang lahat at binabantayan ito.

Marami ring nagpupunta mula noong nabalitaan nila ang nangyari. Karamihan sa mga iyon ay natulungan ng pamilya. Ang iba ay kamag-anak sa malayong lugar.

Walang espesyal na nangyari sa araw ko. Normal lang iyon na lumipas hanggang sa sumapit ang sabado. Nakarinig din ako ng balita tungkol kay Mayor at ang sabi nila ay lumalala na raw siya.

May parte sa akin na kinakabahan sa nangyayari. Siguro dahil kahit na hindi ko pa siya nakikita, alam kong marami na siyang natulungan.

Pero bakit kaya ganoon na lang ang reaksyon ni Mama?

Pag-uwi sa bahay ay binantayan ko ang kilos ni Mama. Tahimik naman kaming kumain at dahil magaling na si kuya, nakakakilos na ako bukod sa pagbabantay sa kanya.

Gabi na masyado kapag umuuwi si Uncle Pagundo. Minsan ay tulog na ako at minsan naman ay naalimpungatan dahil sa pagdabog ng kung ano-ano sa sahig.

"Bilisan mo diyan, Amor. Babantayan kita ngayon sa pagbebenta mo kaya kailangan na nating makapunta kaagad."

Napatigil ako sa ginagawa at napatingin kay Mama, "Sasamahan niyo ako?"

"Sa talipapa o sa bayan?"

Napakurap-kurap ako, "Sa talipapa."

Tumango siya at bumalik sa tinitingnang bintana, "Babanatayan kita kasi pakiramdam ko hindi mo naman siniseryoso ang sinabi ko sa'yo. Huwag kang makikipaglapit sa mga Caballeros."

"Bakit? Ano ba ang mayroon sa kanila?"

Seryoso niya akong tinitigan, "Wala ka pa sa tamang edad para malaman."

"Bente ang edad ko, Ma."

"Hindi ko tinatanong, Amara."

Pasimple akong umismid. Ayaw niyang sabihin kaya mas lalo akong nagtataka. Sa huli ay bumuntong hininga na lang ako at isinuko na ang usapan.

Dahil sumama ngayon si Mama, mahihirapan akong makapagtago ng pera na ihuhulog ko mamaya. Anong gagawin ko?

Hindi ako kinakabahan ngayon kahit nagbabanta ang tingin niya dahil alam kong hindi pupunta si Levi ngayon. Pero kung pupunta...

Kalahati pa lang ang nabebenta, nakalahad na ang kamay ni Mama sa harapan ko. Ibinigay ko sa kanya ang lahat ng kita, walang kahit piso na natira.

Binilang niya iyon at naupo ulit siya sa harap ng maliit na bentilador. Bumuntong hininga ako at sinulyapan ang grupo nila Moira sa kabila. Nahagip ko ng tingin ang mga nagkukumpulan at halatang pinag-uusapan na naman ang ganap ngayong araw.

A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)Where stories live. Discover now