"Hoy!"
Napapitlag ako at nagising mula sa malalim na pag-iisip nang padabog na naupo si Crispin sa tabi ko. Pinaypayan ko ang tinda dahil may langaw na sumasayaw sa paligid no'n.
"Ang lutang mo ngayon, ah. Kanina ka pa. May problema ka ba?" puna niya.
"Wala naman. Napuyat lang ako." totoo iyon dahil halos hindi ako makatulog kagabi dahil sa lumalalang away nila Mama at Uncle Pagundo.
Kahapon ay tungkol lang sa upa, pero kalaunan ay naging tungkol sa bahay na at responsibilidad sa bahay. Pati ako ay nadadamay.
"Nga pala, nakita ko kahapon. Bakit nandito ang babaeng apo ni Mayor at dinalaw ka? Ano 'yon, Amor?"
Umiling ako, "Bumili lang siya ng tinda ko. Pinakyaw nga niya, e."
"Sus." malakas niyang binangga ang balikat ko, "Narinig ko kaya. May importante siyang pakay sa'yo. At base sa tono, parang nagmamakaawa pa."
"Anong sinasabi mo? May tinanong lang siya." sinabayan ko iyon ng marahang tawa para hindi siya magduda.
"Tinanong pero kailangan sa malayo? Binili pa niya lahat ng tinda mo para pumayag ka sa kanya na makipag-usap sa kanya. Ganoon ba ang may tinanong lang?"
Tumingin ako sa harapan namin at binalikan sa alaala ang itsura ng babae. Kita sa mata niya ang senseridad. Halatang seryoso siya sa gusto niyang magawa.
At iyon ay ang pagpapanggap.
Kahit kailan, hindi maganda ang nagpapanggap. Maaari akong mahuli kapag pumayag ako. Kahit na may pera ako dahil binayaran niya, hindi iyon sasapat kung sakaling ipakulong ako dahil sa pagsisinungaling.
Pamilya iyon ng mga Caballeros at hindi kung sino lang! Ayaw kong lokohin ang mga taong ganoon.
Kahit na kamukha ko ang babae at kailangan ko ng pera, hindi ako magsisinungaling.
"Natulala ka na." puna ni Crispin na gumising ulit sa huwisyo ko.
Binalingan ko siya, "May sinabi lang siya sa akin. Hindi dapat malaman."
Natahimik si Crispin. Hindi siya nagsalita ng ilang minuto kaya sinulyapan ko siya. Awang ang labi niya at bakas ang pagkabigla.
"H-hindi kaya..." dahan-dahan niyang ani.
Napalunok ako at kinabahan sa posible niyang maisip. Alam na kaya niya? Madali bang hulaan iyon? May nasabi ba ang babae kahapon na narinig niya?
"Ikaw ang nawawala nilang pinsan?"
Nanlaki ang mata ko at laglag ang panga na bumaling sa kanya. Ilang segundo akong nagpigil ng hininga at nakatitig lang sa kanya hanggang sa umiling siya at ngumisi.
"Biro lang. Alam kong malabo iyong sinabi ko. Anak ka ni Aling Mira."
Napapikit ako ng marahan. Ipinilig ko ang ulo ko at pinaypayan na lang ang mga tindang isda.
"Nagbibiro lang ako, Amara. Baka seryosohin mo." aniya pagkalipas ng ilang minuto.
Kinakabahan pa rin ako kahit na binawi niya iyon. Alam kong iniisip niya ngayon na ganoon nga lalo na't nakita niya ang reaksyon ko.
Pag-uwi sa bahay ay nagulat ako dahil nasa pintuan pa lang ay nagkalat na sa sahig ang mga damit ko at damit ni Mama. Napasinghap ako at pinulot lahat ng damit namin hanggang sa nakapasok ako sa loob ng bahay.
Mas lalo akong nagulantang dahil lahat ng gamit ay nagkalat. Parang may dumaang malakas na bagyo na lahat ng salamin at babasaging bagay ay nagkalat sa sahig ang bubog.
YOU ARE READING
A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)
RomanceHacienda de los Caballeros Series #2 Started: 03/02/22 Ended: