Kabanata 26

453 24 1
                                    

Lumipas ang tatlong linggo na panay ang pagkahilo at pagsusuka ko. Noong una ay pinagsawalang bahala ko lang, ngunit kalaunan ay nagsisimula na akong kabahan.

Alam din ni Mama at kuya ang bawat pagbabago sa akin at dala na rin siguro ng pagtataka, tinawag nila si Aling Tessa.

Sumandal ako sa gilid ng kama at pumikit ng marahan. Patuloy lang sa pag-agos ang mga luha ko. Walang katapusan kahit ilang oras na ang lumipas.

Nanginginig ang buong katawan ko. Hindi ko alam kung ano na ang gagawin. Hindi ko matanggap. Bakit nangyayari ito sa akin? Ano na lang ang magiging resulta kapag may makaalam nito?

Pumasok ang kung sino na galing sa labas. Noong una akala ko si Mama pero bahagya akong kumalma nang nakita si kuya na umuupo sa paanan ko.

"Hindi ka kumain." puna niya.

Umiling ako. "Wala akong gana, kuya."

"Kailangan mong kumain. Hindi ka pwedeng malipasan ng gutom."

Alam ko kung bakit siya ganito. Umiling ulit ako. Ayaw ko na magsalita dahil baka hikbi lang ang lumabas.

Naririnig ko ang boses ni Aling Tessa na nasa sala. Iniwan ni kuya na nakabukas ang pintuan ko kaya klaro ang mga sinasabi niya.

"Ang bata pa ng anak mo, Mira. Dapat nag-aaral pa 'yan, jusko. Ano na ang plano niyo?" bulong niya sa tonong nag-aalala at kuryoso.

Bumuntong hininga si Mama. Nagkaroon pa tuloy ng dagdag problema dahil sa katangahan ko. Hindi ako nag-iisip. Inuuna ko lang ang gusto ko.

Gusto kong lumayo. Gusto kong pumunta sa lugar kung saan walang nakakakilala sa akin. Natatakot ako. Pakiramdam ko hindi ko ito kayang lahat. Salong-salo ko lahat.

"Amara," marahang tawag ni kuya. "Hindi pwedeng ganito ka na lang. Kailangan mong bumangon at gawin ang dapat na gawin. Huwag mong iyakan lang ang problema mo."

"Lumabas ka muna, kuya."

"Tumatawag si Levi at sabi niya pupunta siya dito. Nagtatanong din si Mama kung... sino ang ama ng bata. Magkakagulo sa oras na pumunta iyon dito."

Pumikit ako at humiga para tinalikuran siya. "Gusto kong magpahinga. Lumabas ka muna, please."

Bumuntong hininga siya at sa huli wala rin nagawa kundi ang lumabas. Sobrang bigat ng dibdib ko pero wala akong magawa. Ayaw ko siyang makita o kahit isa sa kanila. Ayaw ko muna lalo na ngayon.

Nakaidlip ako at nang nagising ay tahimik na sa labas maliban sa tunog ng pabalik-balik na alon. Wala na siguro si Aling Tessa. Bumaba na rin ang araw kaya lumalamig na.

Nakaramdam ako ng gutom kaya pinilit ko ang sarili na bumangon para makapuntang kusina. Nakapatay ang ilaw doon kaya nakakapagtaka. Normal kasi mga ganitong oras ay nandito si na kuya o si Mama.

May ulam na rin doon at may bagong lutong kanin. Baka nasa kuwarto lang sila at nagpapahinga.

Naupo ako sa silya pagkatapos magsandok ng tamang kanin at ulam. Gutom na gutom ako pero pagkatapos ng tatlong subo ay hindi na kinaya ng katawan ko. Mabilis kong binuksan ang pintuan sa banyo at doon nagduwal.

Sumigaw si Mama at agad akong dinaluhan. Kumuha siya ng tubig at nang nakabalik ay hinaplos niya ang likod ko nang paulit-ulit. Umiyak ako habang nagsusuka. Ang sama ng tingin ko sa sarili ko.

Paano namin iyon ginawa? Pinsan ko siya!

"Sabihin niyo sa akin, Mama... bakit niyo nilihim? Bakit hindi niyo sinabi sa akin kaagad na isa akong Caballeros? Anong dahilan?" umiiyak ko siyang hinarap.

A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)Where stories live. Discover now