Wakas
Tinapangan ko ang loob ko at nilapitan si Levi. Para akong lumulutang sa bawat hakbang ko. Naglalaro na ngayon sa aking isipan ang nangyari at napupuno na ako ng katanungan.
Tahimik kong inilapag sa harap ng puntod ang bulaklak. Pagkatapos ay naupo ako para magsindi ng kandila. Nanginginig ang kamay ko habang ginagawa iyon.
Huminga ng malalim si Levi at naupo rin sa tabi ko. Pinupulot niya ang tuyong dahon sa gilid. Nililinisan ang lapida.
Kusang tumigil ang daliri ko at wala ng ibang nagawa kundi pagmasdan na lang siyang hinahawi ang dumi ng puntod. Magaan ang pagpulot niya sa mga damo at paghaplos na parang nag-iingat. Naninikip ang dibdib ko habang tinitingnan siyang hindi nagsasalita.
Naglihim na naman ako sa kanya.
"Kailan mo pa nalaman?" Kalmado kong tanong, pambasag sa katahimikan.
"Sinabi sa akin lahat ni kuya." Aniya.
Si Lucian. Tama ang naisip ko.
"Kaya ka ba... galit sa mga iyon? Dahil alam mong namatay ang anak mo dahil sa kanila?"
Huminga siya ng malalim, nang pinakawalan ang hangin ay narinig ko ang panginginig. Napalunok ako at agad na nangilid ang luha. Nasasaktan ako sa nakikitang pagpipigil niya ng emosyon.
"Ito ang panglimang beses na dinalaw ko ang anak natin." Pag-iiba niya ng usapan.
Ikalimang beses niya na itong balik. Samantalang ako ay pumupunta lang dito kapag birthday niya. Ayaw kong makita maski pangalan ng bata sa lapida. Pinupunit ang puso ko.
Binalingan ko siya. "Alam mo bang ngayon ang birthday niya?"
Tumango siya habang ang mga mata ay hindi inaalis sa pangalan ng bata.
"Patawad." Nanginig ang boses ko. "Patawarin mo ako... sa lahat ng pagkukulang ko. Bilang babae mo at bilang babaeng nagdala ng anak mo. H-hindi ko man siya lang nakwento sa'yo."
Tinabunan ko ang labi ko para mapigilan ang paghikbi. Ayaw ko siyang tingnan ngayong naglalabas ako ng emosyon. Ayokong may makita sa kanya na magpapahina sa akin. Huminga ako ng malalim at ngumiti. Binalikan ko sa aking alaala ang katiting na sandali ko kasama ng anak.
"Maliit siya pero malikot. Hindi ko alam kung kanino siya nagmana." Natawa ako habang inaalala ang nakitang picture ng batang 'yon.
Hanggang doon lang naman ang nakita ko.
"Hindi ko siya makwento sa'yo dahil maski ako ay walang alam tungkol sa kanya. Hindi ko siya nakita sa personal."
Ramdam ko ang pagbaling niya. Ako naman ngayon ang nakatitig sa lapida.
"Wala akong malay noong nilabas ko siya. Hindi ko pa nga kabuwanan kaya premature siya. Noong nagising ako agad kong kinapa ang tiyan ko pero natakot ako dahil hindi ko na siya maramdaman. Doon lang sinabi ni Lucian ang totoo. Patay na raw ang anak ko. Nagkaroon siya ng maraming komplikasyon at sobrang hina ng puso niya."
Lumunok ako para tanggalin ang bara na nasa aking lalamunan.
"Hindi ko kinaya. N-nawala ako sa katinuan."
Yumuko si Levi at paulit-ulit kong naririnig ang paghinga niya ng malalim.
"Namalayan ko na lang na iba na ang lugar ko. Puting kisame, puting pader, maraming ilaw. Ilang buwan daw akong nandoon sa loob. Nakaupo habang hinahaplos ang tiyan at nagsasalita mag-isa. Kinakausap ko daw ang anak ko na parang nandoon pa rin siya."
Natigilan ako nang narinig ang pag-iyak niya. Pinilit niya iyong itago sa akin kaya nakayuko siya ngayon. Binalingan ko siya at hinawakan ang kamay niya. Pinisil ko iyon.
YOU ARE READING
A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)
RomanceHacienda de los Caballeros Series #2 Started: 03/02/22 Ended: