Ngumuso ako habang pinagmamasdan si Levi na nakangiti sa harapan ko habang nakalahad ang barbie doll sa akin. Mabilis ko itong kinuha sa kanya at ngumiti ng malapad sabay abot ng kanyang balikat.
Tumawa siya at ganoon din ako. Kapag ganito ay alam kong alam na niya ang gagawin ko. Binigyan ko siya ng malakas na halik sa kanyang pisngi. Humalakhak siya at ginulo ang buhok ko. Inayos niya rin naman iyon kaagad at hinalikan ako sa noo.
Dinilaan ko si Camila na nakahalukipkip ngayon. Si Sahara ay nasa duyan, hindi pa kasi siya nakakalakad kaya may nakabantay sa kanya.
Umismid si Camila at inirapan ako. Nagkatinginan kami ni Levi at ngumisi siya.
"Mas gusto ako ni kuya Levi!" pagyayabang ko.
Humaba ang nguso ni Camila at binalingan si Levi. "Gusto niya rin naman ako! Kapag wala ka, sinasabi niyang ako ang paborito niya."
Natigilan ako at tumingin kay Levi. "Talaga?"
Tumawa lang siya at kinagat ang labi. "Pareho ko kayong gusto na dalawa-"
"Pero mas gusto mo ako!" pagpipilit ni Camila.
Mariin kong tinitigan si Levi. Matangkad siya kaya halos tumingkayad ako sa kakatingala sa kanya lalo na noong tumuwid siya sa pagkakatayo. Dinungaw niya ako habang nakangisi at ginulo ang buhok ko.
Wala siyang sinagot kaya mas lalo lang akong nainis. Hindi ko alam na sinasabi niya iyon kay Camila kapag silang dalawa lang.
Nilapitan niya si Camila at may binulong dito. Sumimangot si Camila at inirapan si Levi. Tumawa si Levi at may sinabi sa driver niya pagkatapos ay hinarap niya ako.
"Aalis na ako. Magpakabait ka." ani niya sa akin.
"School?" tanong ko.
Tumango siya at sumakay na sa kotseng itim. Yakap ko ang teddy bear at barbie doll habang pinagmamasdan ang sasakyang lumalayo. Nag-aaral na siya at nasa grade four na.
Kaming dalawa ang madalas na lumalabas. Tuwing wala siyang klase ay nasa bahay siya at binabantayan ako kaya magaan ang loob ko sa kanya.
"Aalis na kayo papuntang States sa susunod na buwan, 'di ba, hijo? Nakapagpaalam ka na ba kay Pauleen?" aksidente kong narinig si Mama na nagsasalita.
States? Aalis sila?
"Hindi ko pa nasasabi, Tita. Busy ako sa school at ayaw ko rin malungkot si Pauleen kapag sinabi ko 'yon." ani Levi.
Ngumuso ako at nanubig ang mata. Palagi akong masaya kapag nasa bahay siya kaya nalulungkot ako ngayong aalis pala siya.
Dahan-dahan akong nagmulat. Basa ang pisngi ko dahil sa luhang dumaloy doon. Inulit ko sa aking isip ang naalalang nakaraan. Sa tingin ko, hindi iyon panaginip.
Hanggang ngayon ramdam ko ang mabilis na tibok ng puso ko. Nakakapagtaka na ngayon ko lang iyon naalala pero bawat segundo ay klarong-klaro.
Si Levi, ang pinsan ko. Ang batang si Levi ay umalis.
Hindi natin hawak ang kapalaran, pero tayo ang gumagawa. Kung ginusto kong ipaglaban si Levi, kapalaran naming dalawa ang malayo at kamuhian ng buong pamilya. Pinili ko ang umalis, kaya nandito ako ngayon.
Bumukas ang pintuan ng lumang bahay kaya agad akong napatingin doon. Pumasok ang tatlong lalaki na malalaki ang ngisi. May katandaan na ang mga ito. Mapupula ang mga mata at magulo ang buhok.
Parang taong kakatapos lang gumamit.
Napalunok ako at nag-iwas ng tingin sa kanila. Naglumikot ang mata ko sa mga gamit na pwedeng gamitin panlaban pero wala akong makita maliban sa isang lapis na medyo malapit sa paanan ko.
YOU ARE READING
A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)
RomanceHacienda de los Caballeros Series #2 Started: 03/02/22 Ended: