Kabanata 44

411 19 2
                                    

"Kumalma ka, hija-"

"Sagutin niyo ako. Ano na naman ba 'tong nalaman ko?" putol ko sa kanya sa nanghihinang boses.

Bumuntong hininga siya at bagsak ang balikat na yumuko. "Hindi ito ang inaasahan kong mangyayari sa pagkikita natin."

Doon ko lang napansin ang pagbabago ng itsura niya. Pumuti ang kanyang buhok, at halata na ang edad sa kanyang mukha. Siguro nga ay napanatili niya ang bahay, pero ang itsura at lakas niya ay hindi.

Napansin niya ang katahimikan ko kaya tumingin na siya sa akin.

"Bumaba tayo. Mag-usap tayong dalawa sa mahangin na lugar para kumalma ka."

Marahan niya akong iginiya. Naghintay pa ng ilang minuto dahil hindi ko maigalaw ang katawan ko sa panghihina. Gusto kong kumalma. Sa hagdan ay kinalkal ko ang gamit ko para kunin ang gamot na nakatago.

Uminom ako roon at pinilit na ilunok kahit walang tubig. Ramdam ko ang tingin ng matanda sa akin. Lumabas kaming dalawa at tumayo sa terasa kung saan kita ang dagat.

Maganda ang tanawin pero sa gulo ng isip ko sa nakita ay hindi ako mapanatag.

"Sabihin niyo, sino ba talaga ako?"

Lumunok siya bago ako hinarap. Ngumiti siya ng bahagya sa akin, sinusubukang pagaanin ang nararamdaman ko. Hindi ako madadala ng ganyan ngayon.

"Gusto mo ba ng kape, hija?"

"Hindi ako nandito para uminom ng kape." malamig kong sinabi.

Napakurap-kurap siya at huminga ng malalim. Ang itim sa sulok ng kanyang mata ay tanda na puyat siya at pagod masyado.

"Alam niyo ba kung nasaan ngayon si Mama?" paunang tanong ko nang napansin na hindi niya alam kung saan magsisimula.

"Hija, sigurado ka bang kaya mong-"

"Sabihin niyo na lang, please. Sabihin niyo na." halos mapapikit ako.

Paghinga lang niya ang narinig ko pagkatapos niyang sabihin iyon.

"Nasaan si Mama? Buhay pa siya, 'di ba?"

Nakahinga ako ng maluwag dahil tumango siya. Tumango rin ako.

"Nasa Alvarez ngayon ang iyong ina."

"Nandoon siya? Bakit? Anong ginagawa niya roon?" sunod-sunod kong tanong at natigilan nang may napagtanto. "Kung gano'n... nandoon na siya mula noong bigla siyang nawala."

Tumango ang matanda. "Kinuha ni Arcillo Alvarez ang iyong ina. Ginawa niya iyon bago... bago mamatay ang Papa mo."

Namuo ang luha ko pagkarinig sa sinabi niya. Naalala ko ang nangyari apat na taon na ang nakalipas. Sa bahay-bakasyunan sa Batanes, doon nawala si papa.

"At okay lang kay Mama?"

"Hindi ko alam kung sapilitan ba niyang kinuha ang mama mo o nag-usap na silang dalawa bago pa mangyari ang aksidente."

"Hindi niyo man lang ba sinubukang kausapin si Mama? O magtanong sa mga Alvarez kung ano na ang nangyari sa kanya?"

"Maniwala ka sa'kin, Pauleen. Ginawa ko ang lahat makita lang ang mama mo. Pero mabilis silang nakaalis ng bansa at wala ni isang Alvarez ang mapagtanungan ko. Sinubukan ni Abraham na kaibiganin ang mga Alvarez pero ang siraulo... nahulog." umiling siya pagkatapos sabihin ang huling salita.

Nakaalis ng bansa?

Kinagat ko ang labi ko at pumikit ng mariin. "Hindi ko alam na ganito ang sasalubong sa pagbalik ko."

A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)Where stories live. Discover now