Kabanata 25

489 16 2
                                    

Wala sa sarili akong umatras sa kinatatayuan nila. Naging alerto si Levi at agad na hinawakan ang kamay ko pero pakiramdam ko, isa lamang iyon balahibo na dumantay sa aking katawan sa sobrang gaan.

Bumubuka ang bibig niya at nagsasalita pero masyado pa akong lubog sa sinabi ni Cassandra. Paulit-ulit sa utak ko, sa bawat bigkas nito, nauunawaan ko. Mas lalo kong naiintindihan, mas lalong sumasakit.

Sa gitna ng kaguluhan, napansin ko pa rin kung gaano kagaan ang kamay niya na hinahaplos ang akin.

Ang kamay niya sa kamay ko at ang labi niya sa labi at noo ko. Parang balahibo na mula sa langit sa sobrang gaan. Palagi akong napapanatag kapag hinahawakan niya ako. Pero... iba ngayon.

Sa sobrang gaan, sobrang sakit.

"Amara..." nanginig ang boses niya.

Parang doon lang ako nakahaon mula sa pagkakalunod. Kahit nanghihina ay iniwaksi ko ang kamay niya at hinarap ulit si Cassandra. Ang buong atensyon ni Levi ay nasa akin, nakalimutan na niyang magalit kay Cassandra.

"Ano ulit ang sinabi mo?" turan ko pagkatapos ng ilang minuto.

Lumunok si Cassandra at kinalma ang sarili. "Hindi pa ako sigurado dati kaya hindi ko rin sinasabi kay Lolo. Sabi ni Ethan bigyan ko siya ng dalawa pang araw bago sabihin sa akin kung ako na ang balita kay Pauleen pero nalaman ni Carles ang lihim natin bago iyon nangyari."

Naalala kong pilit niyang sinasabi na maghintay pa ng ilang araw. Namuo ang luha sa mga mata ko. Parang doon lang talaga naunawaan ang lahat. Klaro, pero umiling ako dahil ayaw kong maniwala.

"H-hindi totoo 'yan." iling ko. "Hindi."

Hinawakan ni Levi ang pisngi ko pero umiwas ako sa kanya habang umiiling. Nagsimulang tumulo ang luha ko. Hindi ako naniniwala.

"Iyon ang totoo, Pauleen. Totoong galing ka sa pamilya namin. Ikaw ang nawawalang apo ni Simon Caballeros. May malaki akong ebidensya, idagdag pa ang mga nakalap ni Ethan."

"Ano ba ang sinasabi mo? Galing ako kay Mira Dione at Francisco Santiago."

Umawang ang labi niya. "Sumama ka sa akin. Ipapaliwanag ko ang lahat ng nalalaman ko, Amara. Ipapakita ko sa'yo nang mabuti-"

"Hindi. Sigurado akong isa lang 'tong pagkakamali. Hindi ako 'yon, Cassandra. Hindi ako ang pinsan mo."

"Hindi ito madali sa akin. Ilang araw ko rin itong pinag-isipan kung sasabihin ko ba o hindi pero noong nalaman ko ang tungkol sa inyong dalawa ni Levi pumunta agad ako rito!"

Sumulyap ako kay Levi na tahimik lang kanina pa. Nakatungo siya. Walang imik at parang wala sa sarili.

"Hindi 'yan pagmamahal na kagaya ng iniisip niyo. Pagmamahal lang sa pamilya-"

"Huwag mo akong tuturuan. Hindi mo alam kung gaano katindi 'to, Cassandra." malamig na putol ni Levi.

"Nalilito ka lang, Levi. Malapit kayo sa isa't-isa noon pa kaya nasanay ka sa kanya, noong nawala siya nasaktan ka! Kaya matindi ang nararamdaman mo ngayon pero dahil lang sa pangungulila."

Tama ba siya? Pero hindi. Alam ko. Matindi ito gaya ng sabi ni Levi. Pero hindi pagmamahal para sa pamilya na tinutukoy ni Cassandra.

"Wala kang alam." ani Levi sa matalim na tinig.

Dismayadong umiling si Cassandra at mariing tinitigan si Levi. Gulong-gulo na ako. Gusto ko lang tumayo doon at magdesisyon kapag maayos na. Hindi ko yatang mag-isip pa ngayon.

"Amara, sumama ka sa'kin-"

"Hindi kami aalis."

"Kung ayaw mong sumama, Levi, hindi kita pipilitin. Pero si Amara, kailangan niyang malaman ang totoo-"

A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)Where stories live. Discover now