Kabanata 9

417 17 0
                                    

Kami ang nahuli kaya pagdating sa lawa ay nasa amin lahat ng tingin nila. Nadikit ang tingin ko sa mga burol at sa lawa na nasa gitna. Ang gandang tanawin.

Tumigil ang kabayo at naunang bumaba si Levi. Naglahad siya kaagad ng kamay. Nang tinanggap ko ang kamay niya ay mabilis niyang idinantay ang isa niyang kamay sa baywang ko kaya bago pa niya mabuhat, tumalon na ako.

Muntik na akong madapa sa ginawa pero pinanindigan ko iyon. Inayos ko ang suot ko at nilapitan na silang lahat.

"Sinong nanalo?" nakangiting tanong ko.

Walang sumagot. Lahat ay seryoso lang na nakatingin sa amin kaya napawi ang ngiti ko. Binalingan ko si Cassandra at ganoon din ang reaksyon niya.

"May... problema ba?"

Pairap na binalingan ni Cassandra si Abraham, "Ang walang hiyang si Abraham ang nanalo. Madaya kasi."

"Anong madaya? Naglaro ako ng patas, Cass. Mabagal ka lang." ngisi ni Abraham.

Nakahinga ako ng maluwag. Naramdaman ko si Levi sa likod ko. Umirap si Cassandra.

"Patas? Sinabayan mo ang kabayo ko at binunggo mo pa! Nasaan ang patas doon?" asik ni Cassandra.

"Kasalanan ko bang maldita itong kabayo ko? Kasalanan na iyon ng kabayo mo."

"Tama na 'yan. Si Abraham ang nanalo, end of discussion. Wala rin naman premyo kaya walang halaga na pagtalunan pa." iling ni Jamila, "At saka totoong pangit iyong kabayo mo, Cass. Gusto nga ring banggain ng kabayo ko, pinigilan ko lang."

"Friendly kaya ang mga kabayo ni lolo. Pangit lang talaga ugali ng mga napili ninyo. Parang kayo rin."

Tumawa si Carles na mukhang sayang-saya sa naririnig. Umiling-iling ako at binalingan ang paligid. Si Autumn at Aaron ay may sariling mundo na naman.

"Bumaba tayo? Doon sa mismong lawa." bulong ni Levi sa likod ko saka niya hinawakan ang balikat ko at marahang giniya papunta sa sinabi niya.

Maingat kaming dalawa na bumaba. Nakakatakot dahil baka mapadausdos kami. Nauuna si Levi sa pagbaba habang hawak na ang kamay ko. Hinihintay niya ako kapag natatagalan ako sa paghakbang.

Pagkababa ay bumitaw ako sa hawak niya para mayakap ang sarili. Ngayong nasa baba na kami, nakikita ko nang maigi ang lawa at ang mga burol na nakapalibot dito. Tumingin ako sa taas at nakita silang nakatanaw sa amin.

Bumaling ako kay Levi. "Noong bata pa tayo, pumupunta ba tayo dito sa lawa dati?"

Tumingin siya sa akin at tumango. "Minsan, kapag pumupunta si lolo. Hindi mo naaalala?"

Ang tanong ko ay hindi pinag-isipan. Kusa iyong lumabas sa bibig ko na parang ako talaga si Pauleen. Mabuti na lang at hindi iyon kaduda-duda. Umiling ako at ngumiti.

Bigla siyang naglahad ng kamay kaya nabalik ang atensyon ko sa kanya. Nasa akin na ang buo niyang atensyon ngayon.

"Hawakan mo ang kamay ko. Ganoon tayo dati."

Umawang ang labi ko. "Pero bakit naman kita hahawakan?"

"Dahil ganoon tayo dati."

"Pero mga bata pa tayo noon. Iba na ang ngayon."

Nagtaas siya ng kilay. "Hindi ba sabi mo... gawin natin ang palagi nating ginagawa noon. Para makita kita bilang si Pauleen."

Nag-iwas ako ng tingin at huminga ng malalim. Sa huli, ako ang naunang naglahad ng kamay sa kanya. Ngumiti siya at tinanggap kaagad ang kamay ko. Sabay kaming dalawa na tumingin sa lawa. Parang bata na ngayon lang nakakita ng magandang tanawin, lubos akong namamangha.

A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)Where stories live. Discover now