Simula

1.5K 53 3
                                    

Tinali ko ang buhok ko pataas at naghugas ng kamay. Inabot ni Aling Petty ang apro na kulay puti na gagamitin ko. Mabilis ko itong isinuot at itinali sa likod.

Ingay ng mga tao, sari-saring amoy ng mga isda, at mainit na panahon ang bumabalot sa amin ngayon. Mataas at mainit ang sikat ng araw. Ramdam ko ang pamumuo ng pawis sa aking noo kahit hindi pa ako nakakapagsimula.

Tilapia, bangus, dalagang-bukid, galunggong, at pusit ang nasa harapan ko. Nagsimula nang maging abala si Aling Petty sa tinda niyang karne ng manok at baka.

Maya-maya pa ay may lumapit na mag-asawa sa harap ko at pumili ng tilapia. Inihanda ko sa kanya ang lalagyanan.

"Ilang kilo, po?" magalang kong tanong.

"Magkano isang kilo, hija?"

"Isang daan."

Tinulungan ko siyang pumili ng isda. Nilagay ko iyon sa kilohan at nang pantay na para sa isang kilo ay binalot ko na iyon. Nasundan pa ang mag-asawang bumili kaya halos hindi ko na malingon ang mga tao sa sobrang abala.

Tagaktak na ang pawis ko kaya may panyo na nakasabit sa aking balikat na pinipigilan kong hawakan dahil sa malansang kamay.

May lumapit sa aking isang bata at itinuro ang pusit. Palakaibigang ngiti ang ibinigay ko. Tinuro ko rin ang grupo ng pusit na paubos na.

"Ito ba?"

Tumango-tango siya. Inikot ko ang tingin sa buong lugar para makita ang mga magulang ng bata pero wala. Tiningnan ko rin kung may pera ba siyang dala pero wala rin.

"Nawawala ka ba?" tanong ko sa bata.

Ngumuso siya at umiling habang nakaturo pa rin sa pusit, "Sit... sit..."

"Hija, isang buong bangus. Pakilinisan na rin."

Tumango ako sa babaeng nagsalita, "Sige, po. Sandali..."

Sinusulyapan ko ang bata habang inaalis ang kaliskis ng bangus. Nanatili itong nakatayo sa harap. Natatanaw ko ang ulo niya dahil maliit siya at tumitingkayad lang.

"Kael, anak naman!" napatingin ako sa babaeng dinaluhan ang batang iyon, "Ang likot mo."

Tinusok ko ang bandang leeg ng bangus para makuha ang mga bituka at dumi nito. Habang ginagawa ko iyon ay may lumapit sa mag-ina. Nakaplain white t-shirt at jeans ang lalaki.

Hindi siya bagay sa ganitong lugar, halata base sa pananamit. At ang amoy niya.

Nagtagal ang tingin ko sa lalaki at nakitang may sinasabi ito sa batang lalaki. Hinaplos nito ang buhok ng bata at nginitian.

Mag-asawa siguro.

Nagkibit ako ng balikat. Biglang lumingon ang lalaki sa akin. Napawi ang munting ngiti nito at nagtagal ang tingin sa akin. Napasinghap ako nang naramdaman ang hapdi ng tumusok sa aking daliri.

Mabilis kong iniwas ang tingin sa lalaki para makita nang maayos ang isda at malinisan iyon. Pagkatapos kong magawa ang paglilinis, hinati-hati ko 'yon at nilagay na sa supot.

Tumikhim ako at tinanggap ang isang libo ng babae. Habang sinusuklian iyon, ramdam ko ang tingin sa akin ng lalaki at hindi ko alam kung bakit ako kinabahan.

"Ahm... wala ba kayong sampong piso?" kinakabahang tanong ko sa babaeng bumibili.

Nagtingin ito sa kanyang wallet. Habang ginagawa niya iyon ay bahagya akong bumaling sa lalaki. Wala na ang babae at ang bata pero nandoon pa rin ang lalaki. Nakatayo lang sa harap habang nakatingin sa ginagawa ko.

Napakurap-kurap ako at binalik ang tingin sa bumibili. Bigla akong pinagpawisan ng malamig. Hindi ko alam kung bakit ko ito nararamdaman. May kung ano sa tingin niya na nakakapagpakaba sa kahit na sino.

A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)Where stories live. Discover now