Kabanata 32

501 18 0
                                    

Trigger warning: death

"Gago! Anong ginagawa mo?!" marahas na boses ang nagpatigil sa lalaking nakakubabaw sa akin.

Nagkaroon ako ng kaunting lakas. Pilit na pinatayo ng lalaking kasama nila ang lalaking nasa ibabaw ko at sinuntok ito sa mukha nang paulit-ulit.

"Parating na si boss. Kapag tayo nabulilyaso dahil sa kalibugan mo, papatayin kitang gago ka." banta ng lalaki.

Mabilis akong kumuha ng putik at buong lakas na ibinato iyon sa kanila. Nagmura ang isa at sinapo ang mata niya. Ang isa naman ay nakahiga pa rin dahil sa suntok na inabot kaya agad akong tumayo at muling tumakbo ng mabilis.

Hindi ko na inisip na halos hubad na ako. Ang natitira na lang sa akin ay ang suot kong panloob. Humihikbi ako habang tumatakbo. Hinahabol ako ng isa kaya kahit nanginginig na ang binti ay hindi ako tumigil.

"Tumigil ka, babae! Ano ba?! Kapag nahuli kita lagot ka sa'kin!"

Mas lalo kong binilisan ang pagtakbo. Hindi ko na alam kung saan ako kumukuha ng lakas. Parang ano mang oras ay mawawalan na ako ng hininga. Para akong lumulutang.

Hindi ko na maramdaman ang pagtama ng paa ko sa lupa, wala na akong maramdaman.

Nanlaki ang mata ko nang namataan ang sementong daanan. Kahit imposible, mas binilisan ko pa ang pagtakbo. Malayo ang sigaw ng lalaki pero rinig ko ang galit niyang sigaw na puro pagmumura.

Nakakatakot. Hindi ko alam ang susunod na mangyayari sa akin pagkatapos nito pero kailangan kong iligtas ang sarili ko. Kahit para na lang sa bata.

"Tulong!" nagsimula akong sumigaw nang narating ang madilim na kalsada. "Tulong, pakiusap!"

Walang dumadaang sasakyan. Sa tingin ko ay isa lamang itong daanan ng mga truck. May mga damong mahahaba kaya sumiksik ako doon kahit masakit sa balat at makati.

Tumigil ako sandali para maghabol ng hininga. Nang narinig ang boses ng humahabol ay pinagpatuloy ko ang pagtakbo.

Nahihilo na ako. Hindi ko na alam kung saan ako patutungo. Sa bawat tapak ay tumutusok ang maraming ilang-ilang sa paa at binti ko pero wala roon ang atensyon ko.

Pigil ko ang mapahiyaw sa sobrang sakit nang bumagsak ang katawan ko. Tumama ang tuhod ko sa malaking bato at ang pisngi naman ay natusok na ng mga matutulis na damong-ligaw.

Mabilis akong tumayo nang narinig ulit ang nanggagalaiting sigaw ng lalaki. Malapit na ito sa akin kaya kailangan kong kumilos para makalayo na.

Pinunasan ko ang pisngi ko gamit ang nahablot na malapad na dahon. Nangilabot ako nang natanaw ang puting suot ng lalaking humahabol sa akin. Muntik niya na akong makita!

"Kapag nahabol kitang walang hiya ka." banta niya habang iniikot ang tingin sa buong paligid.

Tinakpan ko ang labi ko para walang lumabas na kahit anong boses. Nanginginig ang buo kong katawan. Nalalasahan ko ang dugo sa may sugat kong labi.

Muli akong nadapa pero hindi gaya noong una, hindi na ako bumangon pa. Natulala ako sa mga mayayabong na damo. Tumulo ang luha ko at tuluyan nang nawalan ng pag-asa.

Kung dito na ako mamamatay, paano na ang anak ko? Mawawala din siya kasabay ko. Kung susuko ako ngayon, susuko rin ang anak ko.

Pero... mas mabuti na rin siguro ito. Pumikit ako at binalikan sa isip ang nakaraan. Ang marahang paggulo ni Levi sa aking buhok, ang pagngiti niya, ang paghawak niya sa aking kamay. Ang mga mata niya na nangungusap kapag tinitingnan ko. Mula noon at kahit ngayon, walang nagbago sa kanya.

A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)Where stories live. Discover now