Kabanata 21

433 20 1
                                    

Nagising akong mataas na ang araw. Sandali pa akong natulala at agad na nanlaki ang mata nang may naalala. Kinapa ko ang bulsa ko at nakahinga ng maluwag dahil nandoon pa ang cheque.

Kinuha ko iyon at pinakatitigan. Ito na ang bunga ng ginawa mo, Amara
Masaya ka ba? Worth it ba?

Tumayo ako at pinagpagan ang pwetan bago naglakad. Hindi ako nakapasok sa bahay ni Cassandra. Ang nangyari, nakasara ang pinto at gate kaya hindi ko mabuksan. Hindi ko man lang naitanong kay Levi. Hindi niya na rin inalam.

Gusto ko siyang tawagan kagabi pero nakatulugan ko na pala ang pag-iisip. Sa bahay na ito ni Cassandra, may ibang bahay akong nadadaanan pero malalaki sila. Parang subdivision ang lugar. Nakakahiyang kumatok sa mga kabahayan.

Naglakad-lakad lang ako. Sinubukan kong buhayin ang phone at nidial ang numero ni kuya. Ilang ring, wala pa ring sumasagot.

"Wala na yata akong load..." nagsubok ako ng isa pa at naghintay ulit.

Halos magdiwang ako nang sinagot ni kuya ang tawag. Tumigil ako sa harap ng maliit na cafe.

"Hello..." baritonong salubong ni kuya sa kabilang linya.

"K-kuya..."

Ilang sandali siyang natahimik at kahit paghinga ay hindi ko narinig. Kinagat ko ng mariin ang labi ko at sumandal sa gilid.

"Amara?" bulong niya pagkatapos ng ilang minuto. "Bakit ka napatawag? May nangyari ba?"

"Kuya... alam na nila." nanginig ang boses ko.

Bumuntong hininga siya. "Sinong nakaalam?"

"Si Carles," ani ko. "Narinig niya kami ni Cassandra."

"Walang lihim ang hindi nabubunyag. Sana inisip mo na mangyayari ito noong tinanggap mo ang alok ni Cassandra. Kasalanan mo 'yan."

Pumikit ako at sumang-ayon sa sinabi niya. Tama, kasalanan ko.

"May ginawa ba sila sa'yo? Sabihin mo kay kuya, Amara. Nasaktan ka ba nila?"

Umiling ako kahit hindi niya nakikita. "Pinaalis lang ako pero hindi nila... sinaktan, kuya. Huwag kang mag-alala."

"Paano ako hindi mag-aalala kung nag-iisa ang kapatid ko sa bahay ng mga niloko niya? Bigating tao 'yang mga 'yan, Amara. Sinabi ko na sa'yo dati pa." bakas ang galit sa boses niya.

Hindi na ako nakapagsalita. Sumandal na lang ako sa gilid at pumikit, tahimik na tinatanggap ang mga sinabi niya.

"Kung sumama ka lang sa'kin umuwi noong gabing 'yon, hindi aabot sa ganito ang lahat."

"Hindi nila ilalabas sa media ang nangyari. Kahit papaano, may mukha pa rin akong ihaharap sa mga tao." sabi ko.

Bumuntong hininga siya ulit. Rinig na rinig ang pagiging problemado.

"Nasaan ka? Pupuntahan kita."

"Wala ka bang ginagawa? Baka nakakaistorbo ako-"

"Nasaan ka, Amara?" mariin niyang ulit.

Sinabi ko sa kanya ang lugar kung nasaan ako. Medyo malayo na ako sa bahay ni Cassandra pero nasa parehong village pa rin. Tumingin ako sa cafe at nakita ang mga tao na nasa loob.

Gusto ko rin umorder ng pagkain pero walang-wala ako. Itong cheque na nasa bulsa ko lang ang mayroon ako ngayon. Hindi pa ako naliligo at bahagya pang masakit ang ulo dahil nabasa ng ulan kahapon.

Nakauwi kaya si Levi nang maayos? Umuulan kahapon, madulas ang daan.

Maya-maya pa, may narinig akong tunog ng motor. Pagtingin sa likod ay saktong tumigil si kuya at bumaba sa motor niya. Tinanggal niya ang itim na helmet at pinagtaasan ako ng kilay.

A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)Where stories live. Discover now