Kabanata 2

628 24 0
                                    

Kumalabog ang pinto ng truck pagkatapos niyang mailagay ang basket sa likod no'n. Inilagay ni Levi ang kanyang kamay sa pinto at hinarap ako.

"Ano pa ang kailangan mo?"

"A-ayos na 'yan-"

"Kamatis."

Tahimik akong napasinghap.

"Narinig ko kanina habang palapit ako. Ilan ang kailangan niyo?"

Umiling ako sa kanya, "Pero ang sabi ni Lucio ay ubos na ang mga kamatis..."

Nilagpasan niya ako at may nilapitan siya. Suminghap ako nang hinarap niya at nakita ang ibang basket na nakatago sa itim na tolda. Binalingan ko si Lucio pero wala na ito sa kubo.

Inalis ni Levi ang mabigat na tolda kaya nagpakita ang maraming basket. Lahat ay napilian na base sa pagkakahinog at alam kong ngayon ito ipapadala sa bayan.

"Kung nakahanda na para mamaya huwag mo na lang bawasan." nilapitan ko siya para pigilan pero hindi niya ako pinansin.

"Malalaki ito at napilian na. Ito na lang ang kunin mo." pinili niya ang basket na may malalaking kamatis.

Hindi ko maiwasang hindi mag-isip ng kung ano sa ginagawa niya. Pumikit ako ng marahan at pinilit na kalimutan ang boses ni Crispin na naglalaro sa isipan ko.

"Baka magalit si Mayor kapag nalaman niyang binawasan mo pa." pagpipigil ko ulit.

"Hindi magagalit si lolo kung sasabihin kong binigay ko sa humingi. Tsaka kung magagalit man siya... ako na ang bahala roon."

"Levi..." nakagat ko ang labi ko.

Tumigil siya sa ginagawang pagbuhat ng basket at tumitig sa akin. Suminghap ako at nagbaba ng tingin. Nagbilang ng ilang segundo bago muli siyang tiningnan.

Nakangiti siya ng tipid at may pilyong ngiti habang nakatitig pa rin sa akin.

Ngumisi siya, "Hayaan mo na ako. Ihahatid kita pagkatapos nito."

Bumuntong hininga ako at bagsak ang balikat na tumango na lang. Bumalik siya sa truck dala ang isang basket ng kamatis. Nakangiwi ko siyang pinagmasdan. Hindi ko pa nakikita si Mayor na nagalit pero baka mapagalitan siya sa ginagawa niya.

Buti sana kung mga pinagpilian ang binigay niya. Pero iyong magagandang klase naman at handa ng ibenta sa bayan.

Pumasok ako sa truck at inayos ang seatbelt. Pinaandar niya iyon. Sinipat ko ang nakasabit na kung ano-ano sa truck para hindi siya matingnan.

Nadaanan namin si Lucio na kumakaway. Paglabas sa lupain nila ng mangga ay natahimik na kaming dalawa kaya nagsisimula na akong mailang. Hindi naman malayo ang bahay namin sa farm pero mabagal ang takbo niya.

"Pwede mo bang bilisan ang pagmamaneho?"

Bumaling siya sa akin, "Bakit? May pupuntahan ka ba?"

Umiling ako, "Wala naman. Baka lang hinahanap na ako sa amin."

Ngumuso siya, "Okay..."

Binilisan niya nga pero hindi pa rin sapat. Sa halip na utusan pa siya, hinayaan ko na lang dahil baka ganoon na talaga ang takbo ng truck. Binalingan ko ang dalawang basket sa likod at bumuntong hininga ulit.

"Saan ang bahay niyo?" bumaling ulit siya sa akin.

"Ituturo ko na lang."

Tumango siya ng isang beses. Sa labas lang ang tingin ko. Tahimik naman siya pero paminsan-minsan ang sulyap sa akin. Nang malapit na sa bahay ay itinuro ko sa kanya kung saan siya hihinto.

A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)Where stories live. Discover now