"Okay, you are..." nakatingin ang ob-gyne sa screen kung saan nakikita ang imahe ng nasa sinapupunan ko. "eight weeks pregnant, hija. Congratulations!"
Wala yatang natawa o ngumiti man lang sa aming tatlo. Tikom ang labi ni Mama habang bumubuntong hininga naman si Papa na tila dismayado pero hindi magawang sabihin.
Pumikit ako ng marahan habang nakikipag-usap na si Mama. Nakikinig silang dalawa ng tungkol sa pagbubuntis. Mga hindi at dapat na gawin. Habang ako naman ay nanatiling nakapikit.
Tahimik kami kahit sa sasakyan. Nakatingin lang ako sa labas habang paulit-ulit na nagrereplay sa utak ang imaheng nakita kanina. Ang aking anak. Maselan ang pagbubuntis ko sabi ng doctor kaya kailangang tutukan.
"Gusto mo bang kumain, anak?" marahang tanong ni Mama na nasa harap.
"Gusto kong matulog." sagot ko na lang.
Tumango siya at natahimik. Pumikit na ako at mabuti na lang mabilis ding nahila sa kawalan. Paggising ay nasa kwarto na ako. Parang naulit lang ang nangyari noong party at nakatulog ako sa kotse ni Lucian. Ang kaibahan lang, nasa bahay ako at wala sa mansyon.
Si Papa ba ang nagbuhat sa akin? Nakakapagtaka na hindi ko naramdaman. Ganoon na siguro kalalim ang tulog ko.
Hindi sila nagalit, o baka galit pero piniling manahimik. Nakikita ko rin sa kanila ang matinding pagkadismaya sa kanilang anak.
Hindi ako nagpuntang mansyon at nanatili na lang sa bahay. Minsan naman ay dinadalaw ko si Mama kapag may oras ako. Dinadalhan ko sila ng pagkain at kinakausap ko siya tungkol sa mga bagay-bagay. Si kuya ay madalang kong makita dahil nakahanap ng trabaho niya.
May kanya-kanya na kaming buhay ngayon kaya nakakahiyang istorbohin sila minsan.
"Pauleen, hindi ka na bumibisita." alam kong nakanguso si Camila sa kabilang linya.
Lumabas ako ng terrace para langhapin ang sariwang hangin. Tanaw ko ang malawak na kapatagan sa likod ng bahay.
Kinagat ko ang labi ko. "Sorry, nagiging busy kasi ako dito."
"Ano naman ang ginagawa mo? Sabi ni Tita, puro tulog ka lang sa bahay niyo."
"Iyon nga, busy ako sa pagtulog."
Bahagya siyang natawa. "Hindi ka na namin nakakasama kaya akala namin nagtatampo ka. Sinubukan ko ngang puntahan ka kaso pinigilan ako ni Cassandra. Sabi niya bigyan ka daw namin ng time para sa sarili mo. May problema ka ba, Pauleen?"
Huminga ako ng malalim. "Ayos lang ba si Lolo? Ano na ang ginagawa niyo ngayon diyan?"
"Ganoon pa rin. Nagiging busy ako sa online class pero nagagawan naman ng paraan. Si Cassandra... ah... bati na sila ni Ethan dahil nakita ko silang naghahalikan sa pool. Si Abraham naman at Carles, naging tutok sa farm. Si Aaron at Autumn, nagkakaroon na ng sariling mundo dahil nagsisimula na lumaki ang tiyan ng buntis."
Ngumiti ako at naupo sa puting upuan habang pinapakinggan ang sinasabi niya. Naiibsan ang iniisip ko sa pakikinig ng kwento niya.
"Si Levi naman... hindi na rin siya umuwi dito. Iniisip ko nga, mukhang ayaw niya na sa amin. Ang laki ng pinagbago niya. Parang... inilalayo niya ang sarili niya sa ating lahat na pinsan niya."
Natahimik ako pagkatapos marinig iyon. Pinatay ko kaagad ang kung ano mang nararamdaman bago pa makahalata si Camila.
"Pero palagi si Denise. Sa tuwing nandito siya, maingay ang mansyon dahil gustong-gusto siya nila Tita. Hindi ko alam kung bakit kahit marami silang may gusto sa kanya, hindi ko pa rin siya magawang kausapin. Wala ako sa mood para makipag-usap sa kanya."
YOU ARE READING
A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)
RomanceHacienda de los Caballeros Series #2 Started: 03/02/22 Ended: