Kabanata 43

545 20 2
                                    

Umawang ang labi ko nang nadatnan si Lucian na nakaupo mag-isa sa sofa habang nakahalukipkip. Alam niyang nakauwi na ako dahil tumunog ang pintuan pero nanatili siyang titig sa pinapanood.

"Nandito na ako." pukaw ko.

Tamad niyang inabot ang remote at pinindot iyon. "Kumain ka na."

"May problema ba, Lucian?" maingat kong tanong at nilapitan siya.

"Oh, baka kumain ka na kasama si Levi. Takpan mo na lang ang mga pagkain. Ipapainit ko bukas para hindi masayang."

"Lucian-"

"Kailan ka mag-iimpake?"

Napalunok ako at taka siyang tinitigan. Hindi siya makatingin sa akin. Yumuko ako, nanatiling nakatayo dahil hindi ko alam kung lalapitan ko ba siya.

Natahimik siya kaya binalingan ko siya. Saglit kaming nagkatitigan bago niya tinapik ang espasyo sa tabi niya. Agad akong naupo roon. Hinawakan niya ako ng marahan, iyong tipong hindi ko maramdaman.

"Nagkausap na kayo ni Levi?" marahan na ngayon ang boses niya.

Tumango ako. "Sinabi niya na sa akin ang lahat."

"Anong plano niyong dalawa?"

Huminga ako ng malalim. Hindi namin napag-usapan ni Levi ang susunod na gagawin pero may gusto akong gawin ngayon pagkatapos kong marinig ang kwento niya.

"Gusto kong pumunta ng Alibaya. Gusto kong kausapin si Lolo, Lucian. Itanong sa kanya ang mga hindi ko naitanong dati. At para makahingi na rin ng tawad sa ginawa ko."

Tumango siya. "Ikaw lang ang pupunta?"

"Oo sana pero kung gusto mo, sabay tayo."

Nabigla ako dahil umiling siya. "Gusto ko man, gusto ko ring gawin mo ang kung anong gusto mo na hindi ako inaalala o ang ibang tao. Alamin mo ang lahat ng gusto mong alamin. Gusto kong malaya mong gawin ang lahat, Amara."

Ngumiti ako. Gusto ko siyang yakapin pero hindi ko magawa dahil siya na ang nakayakap sa akin.

"May isa pa akong gustong makaharap sa Alibaya kaya gusto kong bumalik doon. Hayaan mo hindi ako magtatagal. Babalik din ako kaagad."

Pinakiramdaman ko si Lucian. Nakakabigla talaga dahil kakaiba ang pagiging tahimik niya. Para siyang palaging may malalim na iniisip.

"Lilipat ka ba sa condo ni Levi pagbalik mo?"

Napasinghap ako. Saan niya nalaman iyon?

"Pinag-usapan naming dalawa ang bagay na 'yon. Kung ako ang tatanungin... ayos lang naman kahit na dito pa rin ako."

"Pero kung si Levi ang tatanungin, imposibleng pumayag siya na dito ka pa rin sa akin. Alam kong kukunin ka niya." aniya.

Kinagat ko ng mariin ang labi ko. "Ayos lang ba? O sasabihin ko na lang kay Levi na humiwalay sa'yo. Bahay mo 'to at siguro ito na ang oras para umalis sa bahay mo at tumira mag-isa."

"Gawin mo ang kung anong gusto mo, Amara." bulong niya.

Mahirap ito sa akin. Si Lucian ang palaging nandiyan kapag kailangan ko ng tulong. Siya ang karamay ko sa sakit. Ayaw kong isipin niya na ngayong nakakatayo na ako ulit ay iiwan ko na siya. Ayaw kong isipin niya na baka hindi ko na siya kailangan kaya lalayo na ako.

"Ayos lang sa'yo?" paninigurado ko.

"Sino ako para tumanggi? Ngayong nagkausap na kayo ni Levi, alam mo na ang nararamdaman niya. Alam mo na rin ang gagawin."

Hihiwalay ako kay Lucian pero hindi ako titira kasama si Levi.

"Mahihirapan akong mamuhay na wala ka." seryoso kong saad.

A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)Where stories live. Discover now