Kabanata 45

411 16 0
                                    

Mabilis akong tumingin sa pinto nang may narinig na mararahang katok. Nang balingan ay nakatayo roon si Gracia na may naniningkit na mga mata.

"Bakit?" tanong ko.

"Ma'am, may nagtatanong po sa inyo. Isang lalaki."

Alam ko na kaagad kung sino kaya mabilis kong inayos ang gamit ko at pati na rin ang sarili. Paglabas ng pintuan ay nandoon nga si Levi. Nakatayo siya sa may counter at nakapamulsa.

Kuminang ang suot niyang rolex habang nakasandal siya at marahang tumatango kay Mikaela na humahahikgik pa habang nagpupunas ng salamin.

Dumapo ang tingin ni Levi sa akin at hindi na iyon natanggal habang naglalakad ako palapit sa kanya. Bumaling ako kay Mikaela na tumuloy sa ginagawa. Patay-malisya kahit kita ko na ang nakaw-sulyap niya kada segundo sa amin.

"Anong ginagawa mo rito?" salubong ko nang nakalapit.

Kinalas niya ang kamay at ibinulsa na lang iyon. "Hindi ba sabi mo kahapon... magkita tayo ngayon?"

Suminghap ako. Sandaling bumagsak ang tingin sa butones ng suot niyang polo bago muling tiningnan ang seryoso niyang mga mata. Ginaya ko ang paghalukipkip niya kanina. Kita ko ang mata niyang tumingin sa dibdib ko tsaka siya mabilis na nag-iwas.

"Kumain ka na ba?" tanong niya.

Tumikhim si Mikaela. Kita sa gilid ng mata ko ang pagsulyap niya pero agad ding bumabalik sa pagpupunas.

"Hindi pa. Balak kong kumain mamaya."

Tumingin siya sa suot niyang relo. "Tayo na. Gutom na rin ako."

"Dito na lang tayo kumain." suhestyon ko at binalingan si Mikaela. "Pwede bang ipaghanda mo kami ng-"

Hindi ko na natuloy ang sinasabi ko dahil sa marahang haplos ni Levi sa balikat ko. Halos mapatalon ako sa gulat pero agad ding naman kumalma.

"Sa bahay tayo, Amara." seryoso niyang saad.

Tumikhim ulit si Mikaela pero nanatili kay Levi ang tingin ko. Seryosong-seryoso ang mga mata niya, animo'y hindi talaga tatanggap ng pagbibiro ngayon. Ayaw ko tuloy siyang pagtripan.

Tumango ako kaagad. "Sige, sa bahay mo tayo."

May dumaang ngiti sa kanyang labi na agad ding naglaho bago ko pa iyon matitigan. Bumalik sa pagiging seryoso ang tingin niya. Naniningkit naman ang mga mata ko. Anong trip niya ngayon?

Kanina si Mikaela lang, ngayon ay pati sila Gracia at Edelyn ay nakikisilip na rin sa amin. Nagtataka ang ekspresyon ng kanilang mukha na ikinabuntong hininga ko. Mukhang kailangan kong magpaliwanag sa kanila.

Dati ay hinahayaan ko sila sa kung anong iniisip nila tungkol sa amin ni Lucian kaya nababahala ako ngayon. Alam kong hindi ko kailangan ipaliwanag ang sarili ko sa ibang tao, pero hindi naman sila iba sa akin.

"Hola, Amara... ay!" biglang sumulpot si Nery noong palabas na kami ni Levi kaya halos mauntog ang ulo ko sa ulo niya.

"Anong ginagawa mo-"

"Ikaw 'yon!" nanlaki ang mata ni Nery at tinuro si Levi na kunot-noong tinitingnan siya.

Kumunot din ang noo ko at palipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa. Tumawa si Nery, nanatiling gulat kay Levi. Parang hindi pa ako napapansin.

"Sabi ko na nga ba at pakalat-kalat ka lang dito sa Baguio, e!" dagdag ni Nery at humagikhik.

Ngumiwi ako at gusto na siyang batukan.

"Excuse me..." wika ni Levi sa mababang boses. "Nagkita na ba tayo?"

Napawi ang tawa ni Nery at matagal na tumitig kay Levi. "Hindi mo naaalala? Doon sa Amarillo... kinalabit mo ako sa likod at nagtanong ka kung may kilala ba akong babae na may kaliitan pero tama lang ang katawan, maiksi ang buhok na hanggang balikat, maputi, maliit ang mukha na sobrang ganda!"

A Feather From The Sky (Hacienda de los Caballeros #2)Where stories live. Discover now