ARZI
Dahan-dahan kong inalis ang braso ni Hegel na nakayakap sa bewang ko para makaalis. Kinagat ko ang ibabang labi ko para hindi ako makagawa ng ingay. Sa tuwing gagalaw si Hegel natitigilan ako at napapapikit sa sobrang kaba.
Dumiretso ako sa walk-in closet para kumuha ng masusuot pabalik sa San Diego. Alam kong hindi magugustuhan ni Hegel ang gagawin ko pero wala akong pamimilian. Hindi ko pwedeng baliwalain ang sinabi ni General sa akin. Hindi rin ako pwedeng humingi ng tulong kay Hegel dahil baka malaman niya ang sekreto ko.
Nang makakuha ako ng masusuot dali-dali akong bumaba para doon na lang mag palit ng damit. Jeans at black t-shirt ang nakuha ko. Nagsuot na lang din ako ng sapatos at kinuha ang cellphone at susi ng kotse bago lumabas.
Pagbukas ko sa makina ng sasakyan ko dahan-dahan ko rin iyong pinaandar at pinarada muna sa gilid para masarado ko ang gate. Nang matapos ko na ang lahat tsaka ko pinaharurot ng mabilis ang kotse pabalik sa San Diego.
"I'm sorry, Hegel…" bulong ko.
Napakapit ako ng mahigpit sa manibela. Nakokonsensya ako at natatakot. Kasalanan ko kung may mangyari mang hindi maganda sa mga magulang ni Hegel. Dinamay ko pa sila sa magulo kong mundo.
Pagdating ko sa mansyon nakabukas na agad ang gate nito at mukang naghihintay talaga sila sa pagdating ko. Bukas na bukas rin ang malaki naming pintuan dito sa main entrance. Pag pasok ko naman sa loob naabutan ko si General at Major na kalmadong nakaupo sa sofa at umiinom pa ng tsaa.
"Gener—"
"Nakapaloob na diyan ang lahat ng kakailanganin mo sa misyon." Pagpuputol niya sa sinasabi ko. Tinuro niya ang files na nakalagay sa center table.
"Hindi po iyan ang pinunta ko dito, General, Major." Nagmamataas kong sabi.
Tumaas ang kilay ni Major at sarkastikong tumawa. Si General naman ay nananatili sa kalmadong reaksyon niya.
"Kung ganun ano ang pinunta mo dito, anak?" Tanong ni General bago may kinuhang maliit na puting remote na may pulang button sa gitna tsaka nilapag iyon sa center table.
Kumabog ng mabilis ang puso ko. Iyon siguro ang remote doon sa bombang tinutukoy niya kanina sa tawag.
"Totoo talagang may bomba?"
"Para namang hindi mo kilala ang daddy mo, Ana. Hindi naman marunong magbiro ang daddy mo. Totoo ang bomba." Sagot ni Major na nakangiti pa.
Naluluha akong umiling sa kanilang dalawa.
"D-Daddy please…" nanginginig ang boses kong nagmakaawa sa kanya. Lumapit ako at lumuhod sa harapan ni General. "H-Huwag niyo pong idamay ang mga magulang ni Hegel dito. Daddy, mommy…."
Inabot ko ang kamay ni Major pero inalis niya agad iyon. Salubong ang kilay nitong nakatingin sa akin, hindi nagugustuhan ang ginagawa ko. Si General naman ay ganun pa rin ang reaksyon. Blangko ang mukha at hindi man lang makita ang awa sa kanya. Tumayo si Major at malakas akong hinila sa braso para makatayo.
"I can't believe I'm seeing this, Arziana." Napapailing niyang sabi, gigil na gigil. "Luluhod ka para lang sa pamilya ng lalaking 'yon?!"
"Ayaw ko lang po silang idamay dito…" umiiyak kong sambit habang sinusubukan alisin ang malakas niyang pagkakahawak sa braso ko. "Mommy masakit po…"
Imbes na bitawan ako mas lalo niya pa iyong hinigpitan. Napapikit ako at napainda sa sakit. Gigil niya akong hinawakan sa baba bago ako matalim na tinignan sa mata.
"Mas masasaktan ka talaga pag pinagpatuloy mo 'tong ugali mo, Arziana. Pag hindi mo ginawa ang utos sayo ng daddy mo, sisiguraduhin kong wala ng magulang na aabutan ang asawa mo." Aniya at malakas akong tinulak dahilan para mapaupo ako sa sahig.
BINABASA MO ANG
War Of Destiny (Military Series 3) COMPLETED
ActionIn the eyes of everyone, Arzi has the perfect family that everyone dreamed of. Despite the wealth and power that her Family has, she never feels so happy being part of it. Coming from a family of soldiers, she had no choice but to join the army even...