Chapter 5
"Hoy! Ano ba kayong dalawa? Pati ba naman 'yan ay pag-aagawan n'yo pa?" narinig kong sigaw sa amin ni Blare.
Nandito kami sa field ngayon. Ang ingay ng mga estudyanteng nasa paligid namin. Lahat sila ay nagkakagulo dahil masyadong silang excited para mamaya. Samantalang kaming dalawa ni Yaj ay halos magpatayan na sa sobrang talim ng tingin namin sa isa't isa.
Paano ba naman kasi? Kinukuha sa akin ni Yaj ang unan na dala ko. Yes! Unan lang ang pinag-aagawan namin. Ngayon kasi gaganapin ang Astro Camp namin at halos lahat ng estudyante ay nakilahok sa camp na ito. Isang gabi lang naman ito at kinabukasan, pagsikat ng araw, ay uwian na namin. Iyon din ang dahilan kung bakit kami nandito sa field dahil mags-stargazing kami.
At heto nga kami ni Yaj na pinag-aagawan ang unan na dala ko. Pwede naman kasing magdala ng unan pati na rin ng sapin para mahigaan namin habang nakatingin kami sa kalangitang mapupuno ng bituin mamaya habang nagsasalita ang lecturer at dinidiscuss ang tungkol sa astronomy. Ito namang si Yaj, hindi nagdala ng sarili niyang unan kaya inaagaw niya iyong akin at iyon daw ang gusto niya.
Halos tatlong buwan na mula ng pumayag akong maging best friend niya. Sa loob ng tatlong buwan na iyon, wala siyang ginawa kung hindi ang inisin ako. Ni wala siyang pinalampas na araw na hindi ako naiinis man lang. Minsan nga, hindi ko na siya pinapansin at kapag nangyayari 'yon, para siyang bata kung mag-sorry. Kesyo niloloko lang naman daw niya ako, ganto, ganyan. Pagkatapos ay bibilhan niya ako ng ice cream na peace offering daw niya. Ako naman, tuwang-tuwa. Libre, e!
Pero sobrang effort talaga niyang sirain ang araw ko, e. Pati sabado't linggo hindi niya pinatawad at pati sa bahay namin ay pumunta pa. Nakilala na rin siya nila mama at papa, pati na rin ng kuya ko. Minsan nga, pinagtutulungan pa ako ng kuya ko at ni Yaj para lang inisin.
"Bitiwan mo na kasi, Liel. Ipahiram mo na sa akin ito." Pilit pa ring inaagaw sa akin ni Yaj ang unan ko. "Sige na. Hindi ka ba naaawa sa best friend mo?" Pacute pa niyang sabi. Feeling naman niya tatalab sa akin 'yang paganyan-ganyan niya.
"H'wag mo 'kong artehan ng ganyan, Yaj! Sinong tanga ang hindi naisip na magdala ng unan kahit na sinabi naman na pwedeng magdala? Ako ba? Ako?!" inis kong sigaw sa kanya. Ramdam ko na na pinagtitinginan kami ng ibang estudyante pero wala na akong pake! Nakakainis talaga itong lalaking ito, e!
"Di ako na ang tanga," sagot niya sa akin. "Pahiram na kasi. Sige na, ha?" Pamimilit pa niya. Nakita ko pang ngumuso siya, nagpapaawa.
Peste! Ang pangit niyang tingnan. Mukhang tanga talaga.
Sus. Aminin mo na, ang cute niya kapag nakanguso 'di ba? Bulong ng isang bahagi ng isip ko.
"Bwisit!" Malakas kong binitiwan ang unan na hinihila ko mula sa kanya. Nakakainis! Bakit ba kasi masyado akong apektado kapag ganyan ang itsura niya?
Nakita ko naman na ngumiti siya ng pagkalaki-laki. Inirapan ko naman siya at umupo na ako sa sapin na nakalatag na sa napili naming pwesto dito sa field.
"Alam mo, kung hindi ko kayo kilalang dalawa, iisipin kong magkasintahan kayong nag-aaway lang sa maliit na bagay." Narinig kong sabi ni Freia. Tiningnan ko naman siya. Kumakain na siya ng pagkaing dala niya, gano'n din sila Fred at Blaire.
Napairap naman akong muli dahil sa sinabi niya. Kinuha ko na rin ang pagkaing dala ko at nagsimula ng kumain. Papadilim na rin naman at paniguradong maya-maya pa magsisimula ang camp na ito kapag kita na ang mga bituin.
Tahimik lang akong kumakain. Hindi ko na pinapansin si Yaj na todo papansin sa akin. Bahala siya sa buhay niya.
Hanggang sa matapos akong kumain at magsimula na ang camp ay todo papansin pa rin siya. Hindi ko pa rin siya pinapansin. Nakikinig lang ako sa nagsasalita sa unahan. Maya-maya pa ay nagsimula ng pahanayin ang mga estudyante para makasilip sa telescope na inihanda nila para makita namin ang buwan at ibang planet.
Tuwang-tuwa ako nang makita ko ang buwan. Mayroon nga talagang parang butas-butas 'yong surface no'n pero maganda pa rin siyang tingnan. Pinakuhan ko pa nga ng picture 'yon nang malaman ko sa isang staff na pwede daw kunan ng picture. Pagkatapos ay bumalik na rin agad ako sa pwesto namin. Nando'n na silang apat na nakaupo na. Naupo na rin ako.
Nagpatuloy naman ang pagdi-discuss ng nasa unahan. Naaliw pa nga ako sa laser na hawak niya. Ginagamit niya iyon na panuro sa mga bituin na makikita niya. Ang galing nga at parang umaabot talaga 'yon sa langit.
Nakangiti ko namang pinagmasdan ang kalangitan na puno na ng bituin. Ang ganda. Ang sarap nilang pagmasdan habang kumikinang.
Nanatili lang akong nakatingin sa kalangitan nang maramdaman kong may humila sa akin pahiga. Nilingon ko kung sinong humila sa akin nang makahiga na ako.
"Problema mo na naman, Yaj?" kunot-noong tanong ko sa kanya.
Tumingin din siya sa akin. Naramdaman ko ang biglang pagbilis ng tibok ng puso ko nang magkatinginan kami.
Hindi ito ang unang beses na nangyari ang biglaang pagbilis ng tibok ng puso ko. Lagi na lamang ganito ang nararamdaman ko sa tuwing malalagay ako sa ganitong sitwasyon.
Ano bang nangyayari sa akin?
Seryoso siyang nakatingin sa mga mata ko hanggang sa bigla siyang magsalita. "Hindi mo na naman ako pinapansin. Galit ka?"
Hindi naman ako agad na nakasagot.
"Sorry na, bes." Narinig ko na namang sabi niya. Mahina lang ang pagkakasabi niya no'n na tila ba ay ako lang ang dapat na makarinig. Napansin ko rin naman na hindi nakatingin sa aming dalawa sila Freia at nananatili lang silang nakaupo habang nakikinig.
"Bati na tayo, ha?" Nabaling ulit ang atensyon ko sa kanya.
Ewan ko ba dito kay Yaj pero parang palaging big deal sa kanya kapag hindi ko siya pinapansin. Lagi siyang ganyan na parang batang naglalambing sa nanay niya nang mapagalitan siya.
Well, it's Yaj. What can I do? Sa tatlong buwan na halos lagi ko siyang kasama, nasanay na ako sa ugali niya.
Nginitian ko naman siya saka tumango. Hindi na naman talaga ako naiinis sa kanya dahil sa nangyari kanina, ayoko lang talaga siyang pansinin. Nakita ko namang nagliwanag ang mukha niya.
"Yes naman! Payakap nga ako, bes," aniya. Nagulat pa ako nang bigla niya akong yakapin habang nakahiga pa rin kami. Naramdaman ko naman ang lalong pagbilis ng pintig ng puso ko.
Marahan ko naman siyang tinulak palayo sa akin. Umayos na rin ako ng higa sa tabi niya. "Chansing ka masyado, alam mo 'yon?"
"Sus. Gusto mo naman." Binuntutan pa niya iyon ng tawa. Hindi nalang ako nagsalita at muli ko na lamang tiningnan mga bituin.
Napansin ko ring tumahimik na siya. Nang nilingon ko naman siya ay nakita kong nakatingin na rin siya sa langit na puno ng mga bituin. Napangiti naman ako. Ang gwapo niyang tingnan.
Napukaw lang ang atensyon ko nang bigla siyang pigil na sumigaw.
"Bes! Shooting star. Mag-wish ka na."
Agad kong ibinalik ang tingin ko sa langit. Naabutan ko pa ang mabilis na pagbagsak ng shooting star at agad naman akong nag-wish.
"Bakit ganyan kayong mga babae? Talagang nag-wish ka ha?" Narinig kong tanong niya. Nanatili naman akong sa langit nakatingin bago ko siya sinagot.
"Gano'n talaga. It's a girl thing that you'll never understand."
"Yeah, right. It's a girl thing." Mahina pa siyang napatawa. "You know what? I know it's gay to say this but I'm starting to love this moment. This... makes me happy and I don't know why."
Napalingon naman ako sa kanya. Nilingon niya rin ako at nakita ko sa mukha niya na masaya nga talaga siya. Nakangiti pa siya habang nakatingin sa akin. Hindi ko na namalayan na napangiti na rin pala ako.
"Ako rin, masaya..." nakangiting sabi ko. "Natupad na kasi ang isa sa mga pangarap ko."
"At ano naman 'yon?"
"Ang pangarap kong mapagmasdan ang mga bituin na nagkalat sa dilim at ang makakita ng shooting star..." sagot ko.
Kasama ka... Kasama ang taong gusto ko.

BINABASA MO ANG
For the First Time
Novela JuvenilHanggang kailan mo kayang umasa na mamahalin ka rin niya?