Chapter 16

128 6 0
                                        

"Paulit-ulit nangagawit ngunit pumapag-asa pa

Umaawit ngunit sabi'y di mo ba napupuna?

Na pinapangarap ka, ngiti't kislap ng 'yong mata

Masisisi mo ba ako?"

Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin. Ang alam ko lang, paulit-ulit ko nang pinapatugtog ang kantang Pag-ibig Nga Naman. Hindi lang iyon, para akong ewan na nangingiti, kung minsan ay napapailing, sa tuwing maririnig ko ang kanta.

"Kung tinamaan ka na pala, maaalala mong mahirap mag-isa

Naririnig mo ba?

Ang pag ibig nga naman kapag ika'y natagpuan

Ika'y mababaliw, mawiwindang, maiiyak, masasaktan..."

Nababaliw na yata ako. Ganito ba talaga ang pakiramdam ng umiibig?

Sa mga lumipas na araw, bumabalik ang pagiging malapit namin ni Yaj sa isa't isa. Lagi na naman siyang nasa tabi ko at kinukulit ako. At aaminin ko, sa tuwing ganoon ay lagi akong kinikilig, ngunit 'yung kilig ko ay idinadaan ko na lamang sa kunwaring pagkainis ko.

At dahil din sa muli naming pagiging malapit ni Yaj, lalong lumalalim ang nararamdaman ko para sa kanya. Pinipilit kong pigilan ang paglalim ng aking nararamdaman pero 'yung puso ko kasi, pasaway. Gustong-gustong lalo pang mahalin si Yaj.

Napabuntong-hininga ako.

"Ang lalim ng buntong-hininga, ah?"

Agad akong napalingon sa pinanggalingan ng boses na aking narinig. Doon, sa may hamba ng pintuan ng aking silid, nakita kong nakasandal si Blaire. Hindi ko man lang namalayan na may nakapagbukas na ng silid ko.

Ngumiti siya sa akin na siyang sinuklian ko rin ng ngiti. Lumapit siya sa aking kama at doon naupo.

"Mukhang may hindi ka sinasabi, ah?" ngingisi-ngising tanong niya. "By the way, ayos ang tugtog mo, ah? Relate much?" Bahagya pa siyang natawa. Napailing na lamang ako.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong ko rin sa kanya, iniiba ang usapan.

"Oh, come on, Liel! 'Wag mong ibahin ang usapan." Sinamaan ko siya ng tingin nang tumawa siya.

"Ano nga ulit 'yon?" sarkastikong tanong ko.

"Magkwento ka! Mukhang may hindi ka sinasabi sa amin ni Freia, eh!"

"Ano namang ikukwento ko, aber?" taas-kilay kong tanong ulit.

"Yaj," simpleng sagot niya.

Sa simpleng sinabi niyang iyon ay agad na bumilis ang tibok ng aking puso. Napahawak ako sa aking dibdib. Ganito na ba talaga ang laging magiging epekto sa akin sa tuwing mababanggit ang pangalan niya? Pangalan pa lang 'yon.

Narinig ko ang pagtikhim ni Blaire.

"Mukhang tama ang naiisip ko. Pero hindi ko pipiliting sabihin mo sa akin ang kung anuman 'yan. Basta, lagi mong tatandaan na ang gusto ko—namin nila Freia—ay maging masaya ka." Isang sinserong ngiti ang gumuhit sa kanyang labi. Nginitian ko rin siya.

"Alam ko. At alam kong alam n'yo na ang tanging gusto ko lang din ay ang makita kayong masaya."

"Ano ba 'yan! Tama na nga ang drama! Mag-ayos ka na at may group meeting pa tayo!" Sa sinabi niya ay bigla kong naalala na may gagawin nga pala ako ngayon.

For the First TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon