Chapter 13
Pasado alas nuebe na at wala na gaanong tao sa kalye ngunit heto ako at tahimik na naglalakad papunta sa paborito kong park, 'yong park na malapit lang sa amin. Tanging ang mga ilaw sa poste at ang buwan ang siyang nagbibigay liwanag sa kadiliman ng gabi.
Saglit akong tumigil sa paglalakad at saka tiningala ang kalangitan. Nagkalat ang mga nagkikislapang bituin sa kalangitan. Ang ganda rin pagmasdan ng buwan.
What a beautiful night sky.
Matapos kong tingnan ang kalangitan, ang cellphone ko naman ang binalingan ko. Muli kong nabasa ang text message ni Yaj.
From: Yaj
Pumunta ka sa park kung saan una tayong nagkita.
Dahil sa text message ni Yaj kaya heto ako ngayon. Palihim pa akong pumuslit sa bahay namin. Alam ko rin namang tulog na sila mama, papa at kuya kaya naging madali ang pag-alis ko.
Kahit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakakalimutan ang nakita kong may kasama siyang isang babae ay hindi ko naman siya matitiis na hindi puntahan. Hindi naman kasi dapat ako naaapektuhan kung may kasama man na ibang babae si Yaj. Ano ba niya ako? Kaibigan.
Sa tingin ko pa ay dapat ko nang alamin ang kung ano man talagang tawag dito sa nararamdaman ko. Is this just a crush or this is already love?
Iwinaksi ko muna iyon sa aking isipan habang papalapit ako sa park. Natatanaw ko ang mga ilaw na nanggagaling doon.
Mas naging malinaw sa paningin ko ang hitsura ng park nang tuluyan na akong makalapit doon. Ang ganda ng fountain. Pakiramdam ko ay mas maganda iyon ngayong gabi. Napansin ko rin ang isang bench na nasa tapat ng fountain. 'Yung bench kung saan ako nakaupo nung una kong makilala si Yaj. Sa likod niyon ay isang puno na may mga ilaw sa palibot. Tanging iyon lang ang puno na may ilaw. May nakita rin akong mga nakasabit sa sanga ng puno. Naaninag ko na mga litrato iyon.
Ang simple lang no'n pero ang ganda pa ring tingnan.
Napangiti ako. Patuloy pa rin ang pagtitig ko sa lugar. Ramdam ko ang lamig ng paghampas ng hangin sa balat ko ngunit kahit ganoon ay tila hinahaplos ng mainit na bagay ang puso ko dahil sa nakikita ko.
"Nagustuhan mo ba?"
Natigilan ako nang marinig ko ang isang pamilyar na boses. Unti-unti kong nilingon ang pinanggalingan ng boses. Bumungad sa akin ang mukha ni Yaj, nakangiti. Ang mga mata niya ay tila mga bituing kumislap dahil sa ilaw.
Hindi ko malaman kung anong magiging reaksyon ko. Masaya ako. Alam kong masaya ako. Sa sobrang saya ko ay parang gusto ko pang maiyak. Siya ba ang may gawa nito? Para sa akin? Pero bakit?
Ang gulo ng isip ko. Halo-halo na ang emosyon ko. Hindi ako nagsalita. Sa halip ay tumakbo ako papunta sa kanya at niyakap siya. Niyakap niya rin ako pabalik. Nakasubsob ang mukha ko sa kanyang dibdib. Ayokong iangat ang mukha ko para makita niya ang mukha ko dahil sa sandaling ito, alam kong umiiyak na ako. Naramdaman ko ang bahagya naming paggalaw, tila kami'y nagsasayaw ngayon.
"May ipaparinig ako sa 'yo." Aniya at saka ko naramdaman ang paglagay niya ng isang piece ng earphones sa aking tainga. "Pakinggan mong maigi."
Narinig ko na ang intro ng kanta. Pinakinggan ko lang iyon na nagsimula na hanggang sa dumating na sa chorus ng kanta.
♪ Only my shadow knows how I feel about you
Only my shadow goes where I dream of you and me
Should I go or wait? Is it too soon, too late?
Only my shadow knows.. ♪

BINABASA MO ANG
For the First Time
Novela JuvenilHanggang kailan mo kayang umasa na mamahalin ka rin niya?