Chapter 18
INVISIBLE.
Pakiramdam ko, invisible ako para kay Yaj. Parang hindi niya ako nakikita. Walang imikan. Walang kibuan. Walang pansinan.
Sa halos araw-araw kaming nagkakasalubong sa school, parang wala lang. Parang hindi niya ako nakita kaya nilalagpasan niya lamang ako. Samantalang ako, napapatigil pa ako sa paglalakad habang sa kanya lang nakasunod ang aking tingin, naghihintay na ngitian o kahit tanguan man lang niya ako.
Ilang araw—no, ilang linggo na kaming ganoon ni Yaj. Mula nung matanggap ko ang text message niya noong kasama ko si Craig sa park ay ganoon na ang naging set up namin. Parang pumikit lang ako at nang dumilat ako ay nagbago na ang lahat.
Sa totoo lang, naiinis na ako sa kanya. Naiinis ako dahil bigla na lamang nagkaganoon. Hindi ko alam kung bakit. Wala akong alam kung bakit. Ang buong akala ko ay okay na kami. Tapos... tapos...
"Oh? Anong mukha 'yan? Matatapos na ang araw, nakasimangot ka pa rin?" Boses ni Freia ang aking narinig.
Narinig ko rin ang ingay ng paglundo ng aking kama kaya alam kong humiga siya doon. Hindi ko siya nilingon. Nanatili lamang akong nakatingin sa laptop ko. Baka kapag sinagot ko ang tanong niya ay kung ano pa ang masabi ko. Wala naman siyang alam sa kung anong nangyayari o nararamdaman ko.
"Oy.. Oy.. Oy!" pangungulit ni Freia na hindi ko pa rin pinansin.
"Huwag mo nang kulitin 'yang si Liel, Freia. May namimiss kasi 'yan kaya ganyan." Boses naman ni Blaire ang narinig ko.
Napatingin ako sa kanya, na ngayon ay nakangising nakatingin din sa akin, dahil sa sinabi niya. Ramdam ko ang lalong pagkunot ng noo ko.
Namimiss?
Isa lang ang pumasok sa isip ko nang marinig ang salitang 'yon. At iyon ay walang iba kung hindi ang lalaking lagi nang laman ng isip ko. Pero hindi ko siya namimiss! Mas tamang sabihin na naiinis ako sa kanya. Tama. Naiinis talaga ako.
Ay, talaga? Hindi mo siya namimiss? Paano kung namimiss ka pala niya? tudyo ng isang tinig sa isip ko.
"Nakakainis!" wala sa sariling naibulalas ko.
"Hala! 'Anyare sa 'yo? Totoo nga? May namimiss ka? Sino? Bakit hindi ko 'yon alam?" sunod-sunod na tanong ni Freia.
Lihim akong napa-facepalm. Bakit ba bigla-bigla na lamang akong nagsasalita? Ngayon, sigurado akong mangungulit lang nang mangungulit sa akin si Freia.
"Wala. Ano ka ba? May naalala lang ako. Saka h'wag ka ngang naniniwala riyan kay Blaire. Alam mo naman 'yan, minsan na nga lang magsalita kung ano-ano pang nasasabi," depensa ko.
"Sus. Ang defensive mo. Totoo kasi!" ani Blaire na nang-aasar pa.
Pinanlakihan ko ng mata si Blaire. Alam kong may alam na siya kaya niya ko mas idinidiin at inaasar. Kung tutuusin, kahit tahimik ang babaeng iyan ay maraming alam 'yan. Napaka-observant kasi ni Blaire. Ewan ko kung paano nga ba niya nagagawang mabasa ang damdamin o saloobin ng isang tao, pero alam kong nababasa niya ang nararamdaman ko.
BINABASA MO ANG
For the First Time
Teen FictionHanggang kailan mo kayang umasa na mamahalin ka rin niya?