Chapter 10
Tatlong linggo ang matuling lumipas.
Naging tahimik naman ang buhay ko nitong nagdaang mga linggo. Wala na akong naririnig na nagbubulungan patungkol sa akin na pinagpapasalamat ko. Subalit paminsan-minsan, maririnig ko na lang sa mga kaibigan ko na may picture raw kami ni Yaj sa isang page ng school, sa SNHS Love Teams.
Nang tingnan ko ang page, mayroon nga kaming litrato ni Yaj doon. Halos mga litrato na nga lang yata namin ang naroon. Mayroong litrato na naglalakad kami ni Yaj. Kahit ang simpleng magkatinginan kami ay mayroon. Ewan ko ba sa mga estudyante rito. Bawat galaw yata namin ay ginagawan ng issue. Tulad nalang ng tinitingnan kong litrato ngayon.
Kabubukas ko lang ng facebook account ko at ang agad na bumungad sa akin ay iyong page na SNHS Love Teams. Doon ay nakita ko ang halos kaaupload pa lang na litrato na naman namin ni Yaj. Nasa field kami noon. Nakaupo kami at ang nagsisilbing sandalan namin ay ang isa't isa dahil magkatalikod kami. Pareho kaming nakapikit. Kasama talaga namin sila Freia nang araw na kinunan ang litratong ito. Nagkataon lang na umalis sila para bumili ng makakain kaya naiwan kami ni Yaj.
Tiningnan ko ang caption ng picture.
Just the two of them. What a sweet moment. #Yajiel ❤
Napailing na lang ako. Ibang klase talaga. Minsan, naiisip ko na lang na layuan si Yaj para wala na akong nakikitang mga katulad nito. Pero naisip ko rin na hindi ko na dapat pinapansin ang mga ganito. Hindi naman nila alam ang totoo. Bahala silang isipin ang gusto nilang isipin. Paniguradong iniisip nila na siguro ay nililigawan ako ni Yaj o ang mas malala ay iniisip nilang kami na ni Yaj. Alam ko sa sarili ko na napakaimposibleng mangyari no'n. Malabong mangyari na magkaroon ng 'kami'.
Bumuntong-hininga ako saka nag-log out. Dumako ang tingin ko sa kalendaryong nakasabit sa kwarto ko.
October 10 na. Tatlong araw na lang pala ay birthday ko na. Ang bilis ng araw.
Tumayo na ako mula sa pagkakahiga at saka lumabas sa kwarto ko. Naglakad ako pababa at tinungo ang dining area. Nandoon na sila mama, papa at kuya. Agad akong naupo nang makarating sa dining area.
"Buti naman at bumaba ka na, Liel." Puna ni mama pagkaupo ko. Tumango lang ako. Nagdasal muna kami. Matapos iyon ay saka kami nagsimulang kumain.
Tahimik lang ako habang sila mama at papa ay may kung anong pinag-uusapan. Tahimik lang din si kuya. Nitong mga nakaraang araw nga, nahuhuli ko si kuya na bigla na lang ngumingiti. Para lang siyang nababaliw.
"Oo nga pala, malapit na ang birthday mo Liel," ani mama na nakaagaw ng atensyon ko.
"Uh-huh." Tumango-tango ako.
"Anong gusto mo? Maghahanda pa tayo?"
Agad akong umiling. Mas gugustuhin ko pang 'wag nang maghanda. "Hindi na, ma."
Akala ko ay hindi papayag si mama. Naalala ko pa nung isang taon, talagang nagluto pa siya para lang sa birthday ko. Nakahinga ako nang maluwag nang makita ko siyang tumango.
"O, sige. Bibigyan na lang kita ng pera para kahit papaano ay may pangkain kayo ng mga kaibigan mo." Tumango na lang ako sa sinabi ni mama at saka nagpatuloy sa pagkain.
Agad akong nagpaalam sa kanila at umakyat sa kwarto ko nang matapos akong kumain. Pagpasok ko sa kwarto ko ay ginawa ko na ang routine ko tuwing gabi at saka natulog.
***
"Uy! Kanina ka pa palingon-lingon d'yan!" Agad akong napalingon kay Freia nang magsalita siya. Hinampas pa niya ang braso ko.
"Bakit ba?" Tanong ko sa kanya. Lumingon-lingon ulit ako sa loob ng canteen.
Lunch time na namin ngayon kaya nandito kami sa canteen. Sa totoo lang, kanina ko pa nililibot ang paningin ko dito sa canteen pero ang tanging nakikita ko lang ay mga estudyanteng nagkukwentuhan habang kumakain.
'Yung hinahanap ko, ayaw yatang magpakita. Si Yaj. Simula kaninang umaga ay hindi ko pa siya nakikita. Kung tutuusin, dapat nga ay magpasalamat pa ako na wala siya ngayon dahil walang maiissue sa amin, pero hindi e. Siguro kasi nasanay na ako sa presensya niya na ngayong wala siya ay hindi ako mapakali sa kakaisip kung nasaan siya.
"Hinahanap mo si Yaj?" Nagulat ako sa tanong ni Fred. Napakunot-noo ako.
Halata bang siya ang hinahanap ko?
Ngumisi siya sa akin saka umiling. Lalo namang kumunot ang noo ko.
"Naku! Iba na yata iyan, ah?" Napatingin naman ako kay Blaire, na katapat ko lang, nang magsalita siya. Nakangiti siya sa akin.
"Ha?" Naguguluhan na ako sa inaakto nila. Anong iba? May nag-iba ba? Nababaliw na yata sila.
"Ang in-denial mo 'no? Iuntog kaya kita?" Iiling-iling pa si Blaire pero hindi pa rin nawawala ang ngiti sa kanyang mga labi.
Napahinga ako nang malalim at umiling-iling. Isa-isa ko silang tiningnan bago ako nagsalita. "Hindi ko kayo maintindihan. Anong iba? Paki-explain sa akin, please?"
"Isang tanong, isang sagot. Kung anong unang pumasok sa isip mo, iyon ang isasagot mo ha?" Si Blaire na ang nagsalita.
Okay? Ano naman kayang tanong 'yon? Kung ano man 'yon ay hindi ko malalaman kung hindi ako papayag kaya tinanguan ko siya bilang pagsang-ayon.
"Nitong mga nakaraang araw, o buwan na yata, kayo ni Yaj ang halos laging magkasama." Ha? Laging magkasama? Magpoprotesta sana ako sa sinabi niya pero pinanlakihan niya agad ako ng mga mata at tinaasan ng kilay. "Tatanggi pa! Okay. Ayun nga, halos lagi kayong magkasama. Ngayon na wala siya, ganyan ang inaakto mo. Parang hindi ka mapakali sa kakahanap sa kanya. The question is..." Binitin pa niya ang sasabihin niya.
Humalukipkip ako at tinaasan din siya ng kilay. "Ano?"
"In love ka na ba kay Yaj?"
***
Author's note:
I'll update this story every Sunday. Anyway, thank you for reading! =)

BINABASA MO ANG
For the First Time
Fiksi RemajaHanggang kailan mo kayang umasa na mamahalin ka rin niya?