Warning: Medyo SPG
--------------------------------------
Kabanata 1
Rage
Kinalkal ko ang basurahan para maghanap sa aking resume. Mabilis ko naman itong nakita. Medyo nagusot kaya inayos ko ito. Tatayo na sana ako para makaalis na sa building na iyon. Oo, masakit ang nangyaring iyon pero wala na akong panahon para dibdibin ang lahat. Ang kailangan kong isipin ngayon ay kung saan ako makakatulog sa gabing iyon.
Nagulat ako nang may isang kamay akong nakita na nakalahad para sa akin. Hindi ko iyon tinanggap. Kusa akong tumayo at napatingin sa lalaking nakangiti sa harap ko. Maputi siya at pulang pula ang kanyang labi.
"Sorry sa inasal ng pinsan kong si Rage Del Fierro. I'm Logan." Lahad ulit niya ng kamay sa akin.
Tiningnan ko ang kamay niya at mabilis ko itong tinanggap.
"Sunny." Sagot ko. "Salamat, pero kailangan ko nang umalis."
Luminga linga ako sa paligid at nakita kong bumalik na sa dati ang eksena sa likod. Nawala nga lang si Samuel at iyong babaeng tumawag sa kanya kanina. Nakita ko si Mr. Rage Del Fierro na umiigting ang panga habang kausap ang mg security guard at isang mukhang importanteng tao. Nakapamaywang siya at tumatango sa kanila.
"Huwag ka munang umalis." Pigil nong lalaking may mahabang buhok.
Pamilyar siya sa akin. Hindi ko nga lang alam kung saan ko siya nakita pero namumukhaan ko siya. Nang humalukipkip ay napagtanto kong isa siyang modelo. Nakita ko na siya sa isang billboard sa EDSA noon. Tumitig ako sa kanyang mga matang may dayuhang kulay. Blue or green? Hindi ako makapag desisyon.
Kumunot ang noo ko sa lalaking iyon. "Kailangan ko pong maghanap ng matutuluyan at trabaho. Kung wala po dito, kung ganon, kailangan ko nang umalis." Sabi ko bago ko mapigilan ang sarili.
Ngumiti ang lalaking may mahabang buhok. "Tanggap ka na dito. What do you want? Be a janitress, clerk?"
"May options po ako?" Medyo nagulat ako sa sinabi niya.
Tinikom ng lalaking may mahabang buhok ang kanyang bibig at tumingin sa kanyang relo bago nagsalita ulit. "Janitress then. We need some janitress."
Huminga ako nang malalim. Legit ba ito? Totoo bang tanggap na ako? Bakit parang hindi? Napatingin ako sa kay Mr. Del Fierro. Hindi ako sigurado pero pakiramdam ko siya ang amo dito. Del Fierro Group of Companies nga naman ang kompanyang ito. Kung hindi siya ang amo, siya siguro ang may ari? Hindi ko alam.
"May pipirmahan po ba akong... uh, kontrata?" Kasi pakiramdam ko mas totoong tanggap ako sa trabaho pag ganon.
Alam ko namang mukhang tinanggap lang ako dito dahil sa awa at dahil sa nangyari sa akin kanina. Ganunpaman ay wala na akong pakealam kung paano ako natanggap. Ang importante sa akin ay natanggap ako, may trabaho ako, at mag aadvance ako kung pwede man para may ihulog ako sa one month advance na madalas ay patakaran sa mga apartment, dormitory o kahit anong pwede kong matuluyan sa mga susunod na buwan.
BINABASA MO ANG
Every Beast Needs A Beauty (GLS#1)(Published under Pop Fiction, and MPress)
RomanceBata pa lang ay namulat na si Sunny na tatlong bagay lang ang kailangan niya sa buhay: bahay, pera, at pamilya. Namuhay siyang mahirap sa loob ng labing siyam na taon at ngayong bente na siya ay hindi iyon nagbago. Ang tanging nag bago lang siguro s...