Kabanata 46

1.9M 45K 25.6K
                                    

Kabanata 46

Last Will

Pinunasan ko ang luha ko papalabas ng bar. Mabuti na lang at ito ang panghuli ngayon at hindi ko na kailangang maglipat ng bar at magsikap pa na maging maayos ang gabi ko.

"Sunny..." Tawag ni Mia sa tono na parang alam niyang ganito ang mangyayari.

Itinaas ko ang kamay ko. "Alam ko. Hindi ko lang maiwasan. Kaya 'to. Makakalimutan ko rin 'yan." Sabi ko at tinahan ko ang sarili ko.

"Walang kwenta pala talaga 'yang Rage na 'yon. Gustong gusto ko na talagang umalis sa trabaho. Makapag hanap nga ng bagong trabaho. 'Yong mas maganda!" Ani Mia habang kumukuha ng tissue at binibigay sa akin.

Tinanggap ko iyong tissue pero humupa na ang luha ko. Naninikip ang dibdib ko pero hindi ko pinilig ko na lang ang ulo ko at pinigilan ang pag tulo pa ng luha. Hindi ko na dapat inisip ang namamagitan sa amin ni Rage. Ang importante sa ngayon ay ang magiging kalagayan ng anak ko. Kaya ko ng wala siya at dapat panindigan ko iyon. Hindi pwedeng nanghihina ako tuwing nasasaktan ako. Ganito ba talaga dapat? Nakakapanghina ba talaga?

Hindi ko ininda na sinabi ni Ma'am sa akin na matumal ang benta ngayong gabi. Ako ang pinaka wala masyadong nabenta at panay pa ang bulung bulungan ng mga kasama ko.

"Ayan kasi walang ginawa kundi mag inarte." Sabi nong isang bago na hindi ko nakuha ang pangalan.

Kinagat ni Mia ang kanyang labi at umambang lalaban pero hinawakan ko ang braso niya.

"Uwi na tayo, Mia. Hayaan mo na." Sabi ko.

"Tinext ko si Kid. Susunduin niya tayo. Hindi ka talaga pwedeng mag Marlboro Girls, Sunny. Pinagbigyan lang kita ngayong gabi pero di na ako papayag sa susunod."

"Kailangan ko ang pera-"

"Kung kailangan mo ng pera, kunin mo 'yong share mo don sa kompanya ni Mr. Del Fierro!" Umirap siya at hinawi ang buhok.

Naglalakad kami ngayon palayo doon sa building at niyayakap ko ang sarili ko habang suot suot ang isang jacket. Sa lamig ng gabing ito ay pakiramdam ko bawat hinga ko ay umuusok na.

Lumabas si Kid sa kanyang sasakyan at sinalubong niya ng mahigpit na yakap si Mia. Ngumiti ako at hindi ko maiwasang maging masaya para sa kanila.

"Kumain ba kayo, Mi?" Tanong ni Kid habang nakatingin sa akin.

"Oo. Kanina. Bakit?" Napatingin din si Mia sa akin.

Nginuso ako ni Kid. "Ba't mukhang namumutla si Sunny?"

Agad kong hinawakan ang mukha ko para tanggalin ang kung anong tinitingnan nila kahit na wala namang dumi doon at alam ko naman na pamumutla ang inirereklamo nila.

Tumikhim si Mia. "Ewan ko. Siguro dahil buntis." Umiling siya at agad akong pinasok sa loob ng sasakyan. "Daan muna tayo sa isang restaurant. 'Yong walang cheese." Sabi ni Mia at pinaandar na ni Kid ang sasakyan.

Hinilig ko ang ulo ko sa upuan ng sasakyan at narinig ko ang mga bulong ni Mia kay Kid.

Every Beast Needs A Beauty (GLS#1)(Published under Pop Fiction, and MPress)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon