Kabanata 59
Free
Nakatingin parin ako sa mapa. Sa init ng sikat ng araw ay dinalaw ako ng uhaw at pagod. Kinailangan kong tumigil at kumain sa isang karenderya para makapag pahinga, makainom ng tubig at makakain na rin.
"Ale, alam niyo ba kung saan 'to?" Tanong ko sa matandang nakasalamin na mukhang may ari nong karenderya.
"Ay, oo, Coron-Busuanga road, dito 'yon, e. Pero papasok pa yata 'yan, malapit 'yan sa dagat." Aniya habang ineeksamin ang dala kong papel na may nakalagay na address tulad ng nakalagay sa titulong dala ko.
Tumango ako at nagtanong pa kung saan dadaanin iyon. Binigyan niya ako ng mga direksyon kung paano pupunta doon. Nalaman kong wala pa palang dadaan na mga bus o kahit ano patungo roon at nagdadalawang isip akong sumakay ng motor dahil sa kalagayan ko.
Inisip kong makikisakay na lang siguro ako ng truck o di kaya ay ng tricycle. Mabuti na lang at nakahanap ako ng tricycle pagkatapos ng halos tatlumpong minutong paghihintay. Sinuyo ko pa ang driver para lang mapunta sa lugar na gusto ko. Nalaman kong kadalasan ay mga turista ang pumupunta doon at nag aarkila sila ng sasakyan. Mabuti na lang at pumayag din siya.
May nadaanan kaming iilang resorts. Bukod sa mga iyon ay mga punong kahoy at malawak na gubat lang ang nasa paligid. Papalapit na kami ay nakita ko ang isa pang beach resort bago niya ako binaba sa tinuro kong address.
"Tingin ko ay pwede kang dumaan sa lugar na iyan." Sabay turo sa isang matarik na daanan. "Pwede ka ring dumaan sa resort na nadaanan natin kanina. Depende sa'yo." Aniya.
Tumango ako at tiningnan ang matarik na daanan. Sa dulo nito ay nakikita ko ang mga alon sa dagat at ang puting buhangin na sasalubong sa paa ko pagkatapos kong daanan ang berdeng mga damo.
"Sige, dito na lang po ako. Maraming salamat." Binigyan ko ang driver ng bayad na higit pa sa hiningi niya.
Hindi dapat ako nag aaksaya ng pera dahil nauubos ito ngunit hindi ko mapigilang magbigay ng sobra dahil sa kabaitan niya. Habang nag lalakad ay nag isip na ako ng maaaring pagkakitaan sa bagong buhay ko dito. Maghahanap ako sa barangay ng mga livelihood program at titingnan ko kung pwede akong mag negosyo.
Mainit at nilakbay ko ang malawak na tabing dagat. Hindi ko mapigilan ang konting saya na naramdaman ko nang natanaw ko ang kulay asul na dagat at ang puting buhangin. Sa kagiliran ay wala kang makikita kundi ang kulay asul ding langit ang ang iilang mas maliit na isla na nakapaligid sa malayo.
Hindi matanggal ang tingin ko sa tanawin. Umihip ang malakas na hangin at halos makalimutan ko na kailangan kong mag hanap ng bahay.
May resort sa tabi nito at hindi ko mapigilang mainggit sa mga turistang dala ang kanilang pamilya, masaya at nag eenjoy sa buhangin. Nang may nadaanan akong umaahon na bangka ay di ko pinalagpas ang pagkakataon na magtanong sa mga taong nandoon.
"Excuse me po. May mga bahay po ba dito? Beach house o kahit anong maliit na bahay?" Tanong ko habang pinapakawalan nila ang lubid galing sa bangka.
"Merong mga beach house dito. Nandon." Sabay nguso niya sa malayong likod ko. May nakita akong mas maberdeng mga puno at iilang mga bahay. "Alin ba? 'Yong sa foreigner? Marami kasi diyan. 'Yong pinakamalaki ay 'yong sa may ari nitong resort sa tabi."
BINABASA MO ANG
Every Beast Needs A Beauty (GLS#1)(Published under Pop Fiction, and MPress)
RomanceBata pa lang ay namulat na si Sunny na tatlong bagay lang ang kailangan niya sa buhay: bahay, pera, at pamilya. Namuhay siyang mahirap sa loob ng labing siyam na taon at ngayong bente na siya ay hindi iyon nagbago. Ang tanging nag bago lang siguro s...