Kabanata 4

2.5M 63.9K 36.2K
                                    

Kabanata 4

To Clean

Nang dumating ang ala una ay pagod na pagod na ako. Hindi pala biro ang ganitong trabaho. Kaya naman pala isang libo sa isang gabi ay dahil mapapagod ka ng husto. Ang sakit sakit na ng paa ko at pakiramdam ko ay mapuputol na ito.

Napabuntong hininga ako pagkatapos kong ibigay kay Ma'am ang benta ko. Maligaya si Ma'am dahil marami kaming na benta. Masaya rin ako dahil mas malaki pa sa isang libo ang kita ko sa tip. Nakakayaman pala ang trabahong ito.

"Ayos ka lang?" Ngiti ni Mia na parang hindi napapagod. Siguro ay sanay siya sa ganitong trabaho kaya hindi na nabibigla ang kanyang katawan.

Tumango ako at humikab. "Ayos lang. Higit dalawang libo ang kita ko. Makakahanap na siguro ako ng lugar kung saan ako titira nang sa ganon ay hindi na ako mag titiyaga sa Del Fierro Building."

Nag ngiting aso si Mia sa akin. Kumunot ang noo ko sa kanyang titig.

"Kanina ko pa napapansin ang pagkakatulala mo." Aniya nang nagsimula na kaming maglakad para makapunta sa sakayan.

"Inaantok kasi ako." Sabi ko kahit na simula nong nagkatitigan kami ni Rage sa bar ay wala na ako sa aking sarili.

Marami akong iniisip at halos lahat ng iniisip na iyon ay mga bagay na alam kong dapat kong balewalain.

"Hmmm. Talaga lang ha?" Humalakhak si Mia.

Hindi na ako nagsalita. Pagod na ako at wala na akong masasabi pa kay Mia. Tutuksuhin lang niya ako. Paano ba kasi ay nang sinabi ko sa kanya kanina na nakita ko sina Rage, Brandon, at Logan ay napansin niya ang pamumula ng pisngi ko. Pinilit niya akong magsalita kung sino sa tatlo ang nagpapula sa pisngi ko. Panay naman ang deny ko na pula ang pisngi ko.

"Hay naku, Sunny." Tumigil siya sa paglalakad at hinarap niya ako.

Malamig na dahil madaling araw na. Gusto ko na lang makauwi at makatulog sa iniisip kong kumportableng couch ng Lounge. Kagabi ay nahirapan ako sa pag tulog dahil sa nakita kong nangyari sa opisina ni Rage. Ngayon naman, siguro ay makakatulog na ako ng husto dahil sa pagod. Hindi ko nga lang makalimutan kung paano siya tumitig.

Tumigil din ako kasabay niya. Pinag laruan ko ang daliri ko at hindi ako makatingin sa kanya.

"Alam mo, Sunny, mahirap magkagusto sa mayaman."

Ngumuso ako. "Hindi naman ako nagkakagusto, Mia. Eh, ikaw nga crush mo silang tatlo?"

Tumawa siya. "E kasi, gwapo. Pero 'yong tulad mong inosente tapos magkakagusto sa kanila? Naku hanggang pangarap lang 'yan. Alam mo kasi, 'yong sa TV at sa mga libro na mga maid na napapansin ng mga amo nila, hindi 'yon totoo sa totoong buhay. Sa totoong buhay, ang mga pinapansin lang ng mga mayayamang 'yan ay 'yong mga katulad din nila. Bulag sila sa mga katulad natin."

Alam ko iyon. Ang marinig na pangaralan ako ng ibang tao tungkol sa katotohanang iyan ay nakakairita. Buong buhay ko, dala dala ko ang pananaw na iyan. Iyan mismo ang natutunan ko sa buhay namin ni mama noong buhay pa siya.

"Gagawin ka lang pampalipa oras ng mga 'yan. 'Yon ay kung si-swertehen ka. Madalas iniisip nilang may sakit ka kaya di ka nila papatulan." Nagkibit balikat siya.

Every Beast Needs A Beauty (GLS#1)(Published under Pop Fiction, and MPress)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon