Tyron-Part4

1.7K 58 0
                                    


NAG-INIT ang mga pisngi ni Gaizchel matapos mapansing nag-angat ng tingin si Tyron mula sa pagkain. Malamang na alam na nitong kanina pa siya nakikinig sa usapan. Pero may pagkakataon pa siya para baguhin ang malamang na iniisip nito.

"Hindi ako naninilip, ano!" tanggi niya kay Kyle. "Pupuntahan ko lang talaga si Aling Mameng pero dahil nag-uusap pa sila kaya hindi na ako tumuloy."

Ngumisi si Kyle, halatang hindi naniniwala. Pero wala siyang pakialam. Ang mahalaga ay ang iniisip ni Tyron.

"Oy, ano 'yan? Daing at nilagang baka? Wow!" Lumapit si Kyle sa mesa at hindi inaasahan ni Gaizchel na basta na lang siya nito hihilahin palapit kay Tyron. "Parang trip ko din itong pagkain mo Tyron, ah! Pahingi nga."

Hindi pinansin ni Tyron si Kyle nang magsimula itong kumuha ng pagkain. Nilapitan ni Tyron si Gaizchel at ipinaghila ng silya. "Saluhan mo na kami dito."

"Ah, hindi na. Kakakain ko lang. Hihingi lang sana ako ng fruit shake kay Aling Mameng," sagot ni Gaizchel na noon lang naisip ang bagay na iyon.

Pero parang naaakit ang kanyang bituka sa mga nakahain sa mesa.

Hindi!

Fruit shake lang ang hihingin niya. Baka ma-turn off si Tyron sa kanyang katakawan. Kumain naman na siya.

"Nakita ko na hindi mo gaanong ginalaw ang pagkain mo kanina kaya saluhan mo na kami."

Inakay siya paupo ni Tyron. Umarko ang kanyang mga kilay. Paano iyon nalaman ni Tyron gayong hindi naman ito bumalik sa dining area mula nang pumasok sa kitchen?

"Ay, oo. Kanina pa iyan pabalik-balik sa pinto ng dining. Ikaw pala ang sinisilip niya," sagot ni Aling Mameng nang mapansin ang pagtataka sa kanyang mukha.

Talaga? Bakit hindi ko napansin?

Bumalik si Tyron sa sariling upuan. "Aling Mameng, huwag n'yo pong bibigyan si Gaizchel ng fruit shake hangga't hindi kumakain nang ayos, baka sikmurain pa."

Tumango ang matanda at nakangiting nagpunta sa lababo.

"Padadalhan pa sana kita ng pagkain sa kuwarto mo. But since you're already here, dito ka na lang kumain." Nang hindi kumilos si Gaizchel ay si Tyron mismo ang naglagay ng pagkain sa kanyang plato.

"Ang thoughtful mo naman, Tyron," pang-aasar ni Kyle. "Gusto ko na tuloy isipin na hindi lang kayo magpinsan."

"Hindi naman talaga kami magpinsan." Nagkasabay pa sa pagsasalita sina Gaizchel at Tyron.

Lalo namang lumapad ang ngiti ni Kyle. "If that's the case, hindi ko na kailangang magpa-impress pa kay Tyron para malapitan si Gaizchel. Tutal, hindi naman pala kayo magkaano-ano. Anyway, may the best man win." Saka kinindatan si Gaizchel.

"Get a life, Kyle," asik ni Tyron at itinuloy ang paglalagay ng pagkain sa plato ni Gaizchel. "Ubusin mo 'yan, ha." Napilitan tuloy si Gaizchel na sulyapan si Tyron. "May oras kasi dito ng pagkain. Baka mamaya himatayin ka bigla sa oras ng trabaho kung hindi ka kakain nang maayos. To think na fruit shake ang hinihingi mong almusal," paliwanag nito.

Naging magaan para sa kalooban ni Gaizchel na sundin ang utos. At kataka-takang ganoon ang nangyayari samantalang dapat ngayon pa lang, nagrereklamo na siya. Dahil siya ang nararapat na masunod sa gusto niya sa buhay. Hindi na kasi sakop ni Tyron ang personal niyang buhay. Ano ba rito kung kumain siya o hindi? Pero hindi naiwasang maglulumundag ang kanyang puso sa simpleng pagpapakita ni Tyron ng concern kahit alam naman niyang wala iyong ibang ibig sabihin. Sabi nga ng kanyang mga kasamahan, mabait si Tyron, hindi lang gaanong halata.

PARADISE VIEW SERIES (Republished)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon