"MGA BAKLA, hinto muna!" sigaw ng gay head nurse ng RMC na si Patrick.
Kagagaling lang nina Aleika sa bistro bar ni Wesley at naglalakad na sila papunta sa sakayan. Napagtripan kasi nila kaninang mag-commute papunta sa bar. Sa loob ng isang linggo, wala na siyang ginawa kundi sumama sa night out ng mga empleyado at kaibigan niya sa kanilang ospital pagkatapos ng trabaho. Dahil reachable naman siyang boss, hindi naiilang ang mga empleyado na makipag-bonding sa kanya. Isa pa, kailangan din naman niya iyon para mabawasan ang kung ano-anong hindi magandang nararamdaman niya.
Pagkatapos ng isang napakaligayang araw nila ni Kyle, hindi na uli ito nagpakita sa kanya. Hindi tuloy niya alam ang mararamdaman. Miss na miss na niya si Kyle. Wala naman silang pinag-awayan. Katunayan, masaya pa nga sila noon habang pauwi. Nagpasalamat pa ito at sinabing na-enjoy nang husto nang araw na iyon. At ganoon din naman siya. He even gave her an earth-shattering kiss na hindi niya tinanggihan. Sa halip, buong puso pa niyang tinugon.
Pero pagkatapos niyon, hindi na uli nagparamdam si Kyle. Maski tawag o text, wala. At sobra niya itong nami-miss. Was it just a day of pleasure? At pagkatapos, good-bye na?
Gustong manumbat ni Aleika. Pagkatapos ng isang napakaligayang araw, parang walang hanggang kalungkutan naman ang kasunod. Pero sino ang susumbatan niya? Baka nga isang leksiyon iyon sa hindi niya pagtupad sa pangako. Baka isang senyales na ipinapaalala sa kanya na may pangako siyang dapat tuparin. Baka senyales na hindi sila talaga para sa isa't isa. Baka pinagbigyan lang siyang makaranas na maging masaya kahit isang beses. Pero sana hindi na lang ipinaranas sa kanya ang saya dahil hinahanap-hanap na niya iyon ngayon.
"Bakit na naman, Patrick?" tanong ni Jenny, isa sa mga nurse.
"Sasayaw muna tayo, ang ganda ng music," nakangising sagot ni Patrick na ang tinutukoy ay ang music na nagmumula sa bar na nasa tapat nila.
"Loka ka! Hindi ka pa ba kontento sa pagwawala sa bistro bar na pinanggalingan natin kanina? Pati dito, gusto mong magwala," sabi ni Lia.
"Hindi naman, pinapatawa ko lang si Doc Lei."
Nagsibalingan kay Aleika ang mga kasama nila. "O, ako na naman ang nakita n'yo." Sumimangot siya. Medyo tipsy na rin siya dahil naparami ang nainom niyang tequila.
"Eh, kasi naman, Doc, ano ba'ng pinoproblema mo at parang lagi ka na lang wala sa sarili? Palagi ka na lang malungkot," komento ni Krizza.
Humalukipkip si Aleika habang patuloy na naglalakad. "Wala. Tinatamad lang akong maging masaya," sabi niya, saka bumungisngis.
"Wow! Puwede na pala 'yon? 'Yong tamarin sa pagiging masaya?"
"Miss Lei, maiksi lang ang buhay. Dapat habang may time ka pa, i-enjoy mo na."
"Makapagsalita naman itong si Lia, parang mamamatay ka na mamaya," sabi ni Patrick.
"Ano'ng malay natin? Kapag ganitong iniwan na ako ng jowa ko, parang gusto ko nang mawala sa mundo."
Alam ni Aleika na mula sa puso ang sinasabi ni Lia. Sabi nga nila, nagsasabi ng totoo ang karamihan sa mga taong nagsasalita kapag lasing.
Wait! What was this night all about? A night for the broken hearts?
"Hmm, sabagay. Paano ka nga naman makakapagsaya kung ang taong nagpapasaya sa 'yo, eh, wala naman sa tabi mo?"
Alam ni Aleika na tama si Krizza sa sinabi. Paano niya magagawang maging masaya kung wala naman si Kyle sa kanyang tabi?
"Hoy, bruha! Huwag mo ngang sulsulan si Lia. Baka totohanin niyan ang sinasabi niya. Baka makatalon pa 'yan sa pinakamalapit na tulay rito." Nagpalinga-linga pa si Patrick sa paligid.
BINABASA MO ANG
PARADISE VIEW SERIES (Republished)
RomanceRepublished. Written by Gazchela Aerienne Five men, five love stories. Love stories that would show you how great it feels to fall in love... A/N: Light stories lang po ito. Walang mga intimate scenes. Puro pabebeng kilig lang. Hehehe. Enjoy...