Kyle-Part2

1.7K 32 0
                                    


BIGLA ang pagbalikwas ni Aleika. Saglit niyang inalala ang huling eksena sa kanyang isip. Nasa isang bistro bar siya at nakikipagtalo kay Kyle. Pagkatapos, pupuntahan na sana niya sina Jillian. Pero sumama ang kanyang sikmura at nilapitan siya ni Kyle. Pero...

Bumukas ang pinto ng silid at ganoon na lang ang gulat niya nang bumungad ang pamilyar na guwapong mukha. Ipinagtaka niya kung bakit may bitbit itong tray habang papasok. Agad itong ngumiti na mabilis na nakapagpakabog sa kanyang dibdib.

"Good morning," masayang bati nito.

"Ano'ng ginagawa mo sa bahay ko?"

Nakakunot ang noong tiningnan siya ni Kyle bago ibinaba sa side table ang tray na may lamang pagkain. "Ganyan ka ba magpasalamat?"

"Ha?" nalilitong tanong niya.

Oo nga naman. Ipinagluto siya ni Kyle ng breakfast. Pero hindi iyon sapat para mawala ang pagkalito at inis niya ngayong umaga. Wala itong karapatang manghimasok sa pamamahay niya nang walang permiso. At paano ito nakapasok doon? At bakit nasa kama na rin siya?

"Dapat ba akong magpasalamat na nag-trespassing ka sa pamamahay ko? I don't even know you." Pumitik ang sentido ni Aleika kaya napahawak siya roon, sabay ungol.

"Kumain ka muna at uminom ng gamot bago makipagtalo sa 'kin. Mamaya mo na rin ako pasalamatan."

"Paano ka nakarating sa bahay ko?"

"Hindi ba ang dapat mong itanong ay kung paano tayo nakarating dito sa bahay mo?"

Oo nga pala. Hindi niya matandaang umuwi siya kagabi at hindi ba sinukahan pa nga pala niya ito bago siya...

Bigla niyang tiningnan ang sarili pagkaalala sa huling eksena. Naka-robe na lang siya ngayon. Iba na rin ang suot ni Kyle samantalang naka-suite ito kagabi. Nahapit niya ang harapan ng robe na para bang pilit itinatago ang sarili. "Ikaw ba ang nagpalit ng suot ko?"

Sa pagkainis ni Aleika, ngumisi pa ang walanghiya. Pakiramdam niya, namumula na ang magkabila niyang pisngi. Wala na siyang itinago kay Kyle at malamang na maski kaliit-liitang nunal sa katawan, nalantad na rito. Hahampasin sana niya ang nakangising si Kyle pero maagap nitong itinaas ang mga kamay para awatin siya.

"Pasensiya na. Pero hindi ako pinayagan nina Jillian na gawin 'yon. Siya ang nag-asikaso sa 'yo kagabi matapos ka naming maiuwi. Siniguro muna niyang okay ka na bago ka iniwan," paliwanag kaagad ni Kyle bago pa niya ito mabugbog.

Kumuha ng practical nursing noon si Jillian bago nag-shift ng course. Maski paano, may alam ito sa medical situation.

Nakahinga nang maluwag si Aleika. Hindi naman pala siya nabosohan. "Eh, ano pala'ng ginagawa mo rito?"

Nagkamot sa batok si Kyle. He looked cute in that gesture. Parang college guy na nagpapa-cute sa crush nang hindi nito namamalayan. Anyway, kahit naman hindi ito mag-effort, talagang nakakaakit ang angking karisma.

"Hindi kasi ako mapakali. Hindi ko kayang iwan kang mag-isa dito sa bahay mo maski pa sabihin ng kaibigan mo na dala lang ng pinaghalong stress, puyat at gutom, idagdag pa ang alak, kaya ka nag-collapse. Nakaka-guilty lang kasi. I feel like I'm responsible for what happened to you. Binigyan pa kita ng alak, eh, hindi ka pa pala kumakain. Kaya sabi ko kina Jillian at Mike, ako na ang bahala sa 'yo. Kilala naman nila akong mabuti, responsible at napakaguwapong lalaki kaya ipinagkatiwala ka na nila sa 'kin."

Tapikin kaya niya ito sa noo? Overconfident talaga. At hindi niya mapaniwalaang ipinagkatiwala siya ni Jillian sa lalaking hindi nga niya kilala nang husto.

PARADISE VIEW SERIES (Republished)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon