"HEY, STOP!"
Asar na nilapitan ni Aleika ang lalaking wala nang ginawa kundi pakislapin ang flash ng professional camera nito. Mukhang hindi naman nito pansin ang pagkainis niya at ngingisi-ngisi pa habang hinihintay siyang makalapit.
Namaywang siya matapos makalapit sa walanghiya. Kamuntik pa niyang makalimutang dapat ay sesermunan niya ang matangkad na lalaki. Kung bakit ba naman kasi napakatangkad na, napakaguwapo pa.
"What do you think you're doing?"
Inangat na naman ng magaling na lalaki ang camera sa harap niya at sa kanyang pagkagulat, kumislap na naman ang flash.
"Nice one! You're pretty," sabi pa nito na hanggang ngayon, wala pa ring pakialam.
Sa inis ni Aleika, nahampas niya sa dibdib ang lalaki.
"Aw!" angal nito.
Saglit siyang nakonsensiya, pero agad ding naisip na dapat lang iyon dahil may atraso ito sa kanya.
"Sino'ng nagbigay sa 'yo ng permiso na kunan ako ng mga picture?" pagmamaldita ni Aleika.
"Sino rin ang nagbigay sa 'yo ng permiso na maglibang sa plantation? Bagong mukha ka dito. Wala akong matandaan na may bago kaming employee. Oh, well." Ngumisi ang lalaki. "Hindi ka naman bagay maging employee dito. Bagay kang maging model. You look so stunning in the middle of these beautiful flowers. Alam mo, bagay tayo? Maganda ka at guwapo ak— Hey, wait!"
Humabol sa kanya ang walanghiya pagtalikod niya. Naaasar siyang makipag-usap sa guwapo—este, sa preskong lalaking iyon. Nasira na rin ang paglilibang niya sa naggagandahang bulaklak sa malawak na plantation ng Paradise View.
Anyway, nandoon lang naman siya para dalawin ang pinsan niyang si Gaizchel. Pansamantala, si Tyron muna ang bahala kay Gaizchel habang iniisip pa nito kung anong mundo naman ang susunod nitong papasukin. Pero sa nakikita naman niya sa pinsan, mabuti ang naging epekto ni Tyron dito.
Gaizchel was able to stay in one place for more than two months. Bago iyon para kay Aleika dahil parang bubuyog ang kanyang pinsan, hindi mapakali sa iisang bulaklak. At nakikita rin niyang masaya ito sa plantation kasama si Tyron na kaibigan na niya noon pang college sila. Masaya na rin siya para kay Gaizchel. Though talagang nami-miss na niya ito kaya sumama na siya kay Tyron kahapon para mabisita niya ang pinsan. Maluwag naman ang schedule niya ngayon sa ospital nila sa Rodriguez Medical Center sa Makati.
Nang mamatay ang ama ni Aleika, siya na ang nag-take over sa posisyon nito bilang medical director. Kahit gusto pa sana niyang magkaroon ng ibang experience sa ibang bansa, hindi na niya matatakasan ang responsibilidad sa sarili nilang ospital. Lalo pa nga at wala naman sa medisina o sa pagpapatakbo ng ospital ang puso at interes ng kanyang ina. Masaya na ito sa pag-aasikaso ng food business. At hindi niya maaatim na alisin ang kaligayahang iyon sa mama niya. Sila na lang at ang nakababata niyang kapatid na babae ang natitira matapos ang aksidente ng kanyang ama at kuya. Kung nabubuhay sana ang huli, baka ito ang may hawak sa posisyon niya ngayon. Pero kasama itong namatay ng kanyang ama habang pauwi ang dalawa galing sa isang medical mission sa Baguio two years ago.
It was so hard for the three of them na tanggaping wala na ang dalawang napakahalagang lalaki sa buhay nila. At alam ni Aleika na doble ang sakit na nadarama ng kanyang ina. Kaya naman para matulungan itong makalimot, siya na ang pumalit sa posisyon ng ama sa ospital at hinayaan ang mama niya sa gusto nito.
Her mother deserved it anyway. Matagal sila nitong inalagaan. Dapat lang na sila naman ang magbalik ng pag-aalaga at pagpapasaya sa ina. At para hindi niya gaanong ma-miss ang ama at kuya na talagang mga ka-close niya, pinili niyang kumuha ng isang maliit na town house malapit sa ospital. Mas mabuti na iyon dahil hassle free sa biyahe papasok sa trabaho at sa iba pa niyang activities. Every two weeks naman siya kung dumalaw sa kapatid at sa ina. Busy rin kasi ang mga ito sa kung anong pinagkakaabalahan kaya hindi na niya iniistorbo.
BINABASA MO ANG
PARADISE VIEW SERIES (Republished)
RomanceRepublished. Written by Gazchela Aerienne Five men, five love stories. Love stories that would show you how great it feels to fall in love... A/N: Light stories lang po ito. Walang mga intimate scenes. Puro pabebeng kilig lang. Hehehe. Enjoy...