Hindi ko alam kung paano ako nakarating sa ospital ng ligtas, kung paano ako nakabalik kahit lutang ako. Hawak-hawak ng kamay ko ang binigay ng isang estranghero sa akin, yung taong nagligtas sa akin.
Nung nakita ako nung nurse ay sinabihan niya akong na-settle na ang bill. Hindi ko alam kung paano o sino ang nag-settle ng bill, gusto ko sana itanong pero parang wala akong lakas, kaya tumango na lang ako at nag-umpisang maglakad papunta sa kwartong naging parang bahay ni mama dito sa ospital.
Wala na yung mga gamit sa kama kung saan nandoon si mama. Napansin ko yung tingin ng mga ka-roommate ni mama sa kwarto. Lahat ay halos malungkot akong tinitingnan, pero may ilang tulog na rin naman.
Kinuha ko yung gamit ni mama at dali-daling lumabas. Hindi ko alam kung paano ako mag-uumpisa. Saan ako titira. Hindi ko alam.
Pagkalabas ko ay napansin ko ang isang babaeng nakatingin sa akin habang namamaga yung mata niya. Naalala ko na may isa papalang isinugod sa emergency room kasabay ni mama nung nakaraan, iniisip ko tuloy kung kaano-ano niya 'yon.
Bumaba na ako ng ospital, at kahit madaling araw na ay determinado pa rin akong umuwi, kung saan man ako pwedeng umuwi. Sa dalawang buwang inilagi ni mama sa ospital ay napalayas na kami sa tinitirhan namin. Pumupuslit lang ako para makaligo sa CR sa loob ng kwarto, buti na lang at bakasyon, wala akong pasok, walang dagdag bayarin.
Tuluy-tuloy akong naglakad pababa, palabas ng ospital. Lutang. Parang zombie'ng naglalakad sa kawalan.
Napansin ko na lang na may tumigil na van sa harap ko. Naisip kong kung sindikato man 'yon, easy target ako, dahil hindi ako makakalaban. Napahigpit na naman ang kapit ko sa tissue at pick na himalang hindi pa rin binibitawan ng kamay ko.
Unti-unti ay bumaba ang bintana sa mga upuan sa likod ng driver's seat, nung una'y hindi ko kilala kung sino ang nasa sasakyan pero nagulat na lamang ako nang mamukhaan ko kung sino siya, si Diego Morales, isang actor.
"Franze..." Hindi ko alam kung bakit bigla akong kinabahan nang banggitin niya ang pangalan ko pero doon palangparang alam ko na, hindi ako na-excite na nakakita ako ng artista. Walang pagtataka kung paano niya nalaman ang pangalan ko.
Binuksan niya ang pinto ng sasakyan, pumasok ako kahit hindi ko alam kung bakit ko ginawa, pagpasok ko palang ay agad niya akong niyakap.
"Anak..." Hindi ko makakalimutan kung paano niya bigkasin iyon na akala mo sanay na sanay at lagi niyang sinasabi sa akin 'yon, dahil hindi ko rin makakalimutan kung ano ang una kong naisip at naramdaman nang marinig ko ang salitang 'yan.
Muli kong naalala kung paano purihin ni mama si Diego Morales sa mga palabas nito, kung gaano ka-gwapo, kung gaano ka-simpatiko. Kaya pala.
"Anak...ako ang papa mo. Nung nalaman kong namatay si Demetria, sumugod agad ako rito, anak nandito na ako, sumama ka na sa akin," mababa at mapag-arugang sabi niya sa akin. Sa mga oras na 'yon gusto kong umiyak. Gusto kong yakapin siya at sabihing miss na miss ko siya kahit hindi ko naman talaga siya nakilala dati pa, gusto kong makaramdam na makakahinga na ako ng maluwag, na hindi ko na kailangang isipin pa kung saan ako titira...pero hindi ko iyon naramdaman.
Parang may sariling isip ang bibig ko at kusang lumabas ang mga salita, mapait, punung-puno ng hinanakit, "kelan? Kelan mo pa naalalang anak mo pala ako? Ngayon lang? Matapos ang labingwalong taon, ngayon lang? Muntik na akong maniwala, muntik na. Kaso naalala ko artista ka nga pala. Sayang, idol pa naman kita kasi gustong-gusto ka ni mama, pero sana hindi ka na lang nagpakilala. Sana hinayaan mo na lang ako. Naiintindihan ko na kung bakit wala akong tatay," tiiningnan ko siya ng matalim sa mata. Hindi ko alam kung saan ko kinukuha ang galit na nararamdaman ko ngayon.
BINABASA MO ANG
Against the Current.
Teen FictionOne fan. One band. One music. And the last track playing on the playlist.