This episode is also dedicated to: @tina_12
***********
Tiningnan ko ang paligid, wala akong ibang makita kundi isa na namang maliwanag na lugar. Hindi ko alam kung malaki ba o maliit ang lugar na kinaroroonan ko ngayon dati sa kaliwanagan nito.
"Hi." isang bati ang narinig ko mula sa malapit pero hindi ko pa rin siya maaninag. Pero pakiramdam ko, si Ayessha ang siyang bumati sa akin.
"Nasaan ka?" tanong ko sa kanya mula sa nanghihina kong boses.
"Dito.....tumingin ka lang, sikapin mong makita ako kung talagang iyong gugustuhin, makikita mo ako" aniya.
Pinilit kong aninagin ang buong lugar. Hanggang sa unti-unti ko na nga siyang nakikita. Napakalapit ang pala niya sa akin. Halos limang dipa lang. Lumiwanag na ang aking paningin, at nakita ko siyang nakaupo sa magara at kumikinang sa pagkaginto niyang upuan na tulad nung nakita ko siya sa tv screen, maging ang tila entablado niyang kinaroroonan ay yari din sa purong ginto. Mayroong limang baitang ng hagdan ang nasa harapan ko paakyat sa kinaroroonan niya.
"Nasaan sila?!" muli kong tanong na sa aking pakiramdam ay malaki ang nauubos kong lakas sa isang simpleng salita lang.
"Shssss......" suway niya sa akin. "hindi ka ba napapagod dahil nakukuha mo pang kausapin ako? Wag kang mag-alala makikita mo rin sila. Sa ngayon magpahinga ka muna" pagkatapos niyang sabihin yun ay bigla kong naramdaman ang lalong panghihina ng aking katawan na halos gusto ko ng matulog. Parang pagal na pagal ako tulad ng ilang araw na nagpagod ng walang tulog.
"wag ka ng magsalita, hayaan mong ako na lang ang siyang kumausap sayo......makinig ka na lang sa akin, ayokong sabihin mong wala akong kwenta matapos kitang imbitahin dito" nakikinig lang ako sa kanya, tinitingnan ko rin siya ng mga tingin na nagpapakita ng galit ko sa kanya. "ano ang masasabi mo sa aking kaharian?" malumanay niyang tanong.
Hindi ko siya sinagot. Ayokong ubusin ang natitira ko pang lakas sa kanya. Bakit ba hindi pa niya ako diretsuhin!?
"Ang bilis mo naman mainip." aniya na palagay ko'y naririnig niya ang sinasabi ng isip ko. Kunsabagay, hindi na ako dapat magtaka pa. "ramdam na ramdam mo ba ang kabanalan ko? Alam ko bang pinuno ko ang buong lugar na ito ng aking kabanalan.....ano ang masasabi mo?"
"Kung ganito kabanal ang buong lugar na ito, bakit nakakatagal ka?!" nanghihina kong tanong.
At tumawa lang siya. "Bakit ako nakakatagal? Simple lang, kasi, ganun ako eh......at dahil ramdam mo ang kabanalan ko, dapat lang bigyan mo ako ng kapurihan.......dapat lang na lumuhod ka sa aking harapan"
Matapos niyang sabihin yun, biglang nanlambot ang mga tuhod ko na tila nais nilang tumiklop. Hindi pwede! Kahit anong mangyari....hindi mo ako mapapaluhod! Hindi!
"Ang tagal naman. Luhod na."
Aaahhhh!.......
Bakit sa bawat salita niya'y tila gustong sumunod ang aking katawan. Lalong nanlambot ang mga tuhod ko. Nanginginig na ang mga ito. Pakiramdam ko'y anumang oras ay susuko na ang tuhod ko. Peri pinilit kong maging matatag sa aking pagkakatayo.
"Lu----------hod." utos niya.
Aaah!...............
Hindi ko na kinaya pa, di ko na napigilan ang mga tuhod kong tumiklop. Bigla na lang akong napaluhod sa harapan niya kahit hindi ko ginusto. Kasunod nun ang malakas at malulutong niyang pagtawa.
Nakaluhod ako sa harapan niya ngayon pero hindi niya pa rin ako mapapasunod sa mga kagustuhan pa niya. Matatalim at pailalim na ang mga tingin ko sa kanya. Hinahagod ko na lang din ang aking paghinga na parang nagbibilang. Para akong nasa bingit ng kamatayan na kahit pa kabitan ng oxygen ay mauuwi din sa pagkasawi.
