Nakatayo ako sa tabi ni Kelly dito sa maliit na stage sa bungad ng WOF. Hawak ni Kelly ang mic at naghahanda na para kumanta. Pinili niya ang kantang happy birthday dahil birthday daw ng Nanay niya ngayon.
Hindi na ko tumutol, ang mahalaga ay kakanta na siya. :)
Hawak niya ng isang kamay niya ang mic, at yung isa, hawak ang tagilirang laylayan ng damit ko.
Ewan ko ba dito, kala mo mawawala ako. Kung tutuusin, hindi dapat ako nandito. Dun lang sana ako sa upuan sa harap nitong maliit na stage, pero sinama niya ko dito.
"Ehem, ehem!" sabi niya.
Ayan na, kakanta na siya. Sabik na sabik na ako.
"HAPPY BIRTHDAY TO YOU!"
Ay putek!
Muntik na kong malaglag sa kinatatayuan ko ng magsimula siyang kumanta.
Ang laki ng boses niya, sintunado at pumipiyok pa.
Hala, asan na yung angelic voice niya?
"HAPPY BIRTHDAY, HAPPY BIRTHDAY, HAPPY BIRTHDAY TO YOU!"
Feeling ko pulang pula na ako sa kahihiyan. Pinagtitinginan kami ng mga tao sa loob ng WOF at tumatawa sila. Ampupu, bat ba kasi andito ko sa harapan?
Gusto kong sabihin sa mga taong hindi ko siya kilala, kaso hawak niya ang laylayan ng damit ko.
Hindi ba dapat parusa niya to? Bakit mukhang sakin pa naging parusa yung pagkanta niya?
Mabilis na inagaw ko sa kanya ang mic at inakay siya pababa.
"Teka, may isa pang kanta." tutol niya. Tssss, wala ba tong kahihiyan? Sa boses niyang yun, nagbalak pa ng isa pang kanta?
"Hindi na, umuwi na tayo." yaya ko.
"Tsss! Ano bang problema mo?"
Aba't! Nakuha pa niyang magtanong? Grabe ang kahihiyan na ginawa niya ah. Amputek, hindi ba siya yung batang tumulong sakin five years ago? Ay pambihira!
Nakarating na kami sa labas ng mall.
"Sure ka, uuwi na tayo?" pa-inosenteng tanong niya.
Sumimangot ako, sabay kamot ng ulo.
Pumara si Kelly ng jeep.
"Teka, magtaxi na tayo." tutol ko. Pero parang wala siyang narinig. Tuloy-tuloy siyang sumakay sa humintong jeep. Hindi ako sumunod. Ayoko ng magjeep, bahala siya sa buhay niya. Magtataxi ako pauwi.
"Hoy! Pag hindi ka sumakay dito patay ka sa'kin!" singhal ni Kelly sakin, nakasilip siya sa bintana ng jeep.
"Ay, pambihirang buhay to, oo!"
Napilitan akong sumakay ng jeep. Tumabi ako sa kanya. Nakatingin na naman samin ang mga pasahero.
"Sa school tayo, nandun yung kotse ko." malamig na sabi ko. Bakit, siya lang ba ang pwede? Pagkatapos ng kahihiyang inabot ko.
Hindi siya kumibo. Kinuha niya ang earphone at isinalpak iyon sa tenga niya. Pumikit siya, pagkatapos. Pinagmamasdan ko lang siya. Ang ganda niya, ang amo ng mukha. Kaso poker face talaga. Aaminin ko, disappointed ako dahil hindi maganda yung boses niya. Hindi siya yung batang hinahanap ko. Sayang!
Ilang minuto pa ang lumipas at bigla siyang dumilat.
"Shit!" bulalas ko. Muntik na kasi niya akong mahuling nakatitig sa kanya.
Pinalo niya ko sa braso.
"Wag kang magmura!" singhal na naman niya.
Hayyy! Bakit ba kailangan niya kong sermonan sa harap ng ibang tao.
"Para po!"
Nandito na pala kami sa harap ng school. Huminto yung jeep, kaya bumaba na ako. Akala ko kasunod ko na siyang bumaba. Nagulat na lang ako nung paglingon ko, wala siya sa likod ko. Tumingin ako sa jeep at nandun pa siya.
"Hey, Kelly!" tawag ko.
"Uwi na ko." sabi niya. Muli niyang isinandal ang ulo at ipinikit ang mata.
Ibang klase!
Yun na yun? Papadilim na at mag-isa lang siyang uuwi ng naka-jeep? Hindi man lang ako hinayaan na ihatid siya. Baka kung mapano siya sa daan.
Ay, masisiraan ako ng bait sa kanya!