8 - Bakit?

1.9K 284 58
                                    

Teka naman, wala kang originality Faulkerson! Bakit may pa-social relevance ka rin?

"Social relevance talaga, Faulkerson? Diba gusto mong maging engineer sa NASA?" Hindi napapansin ni Meng ang higpit ng kapit ni Totoy sa braso niya.

"Natandaan mo pa yun, Mendoza? Ang talas naman ng memorya mo! Gusto ko sanang pagbigyan ang pag-rereminisce mo down memory lane kaya lang maraming naghihintay na pasyente at namumutla na yang bata sa tabi mo. Diba siya yung bata sa tinitirhan mo? Ano na nang pangalan mo boy?"

Nanginginig ang boses na sumagot si Totoy, tinitingnan ang gunting sa mesa. "To...to...Totoy po.... Titser Meng....titser Meng...sabi ni Nanay..."

"Teka, nilalagnat ba siya? Nasaan ang nanay nila? Totoy halika dito."

Medyo kinabahan si Meng nang makitang namumutla nga si Totoy.

Teka naman, bakuna lang pinunta namin dito, mauuwi pa yata sa totoong sakit. Lagot ako kay Nanay Ruby. "Hindi puwede si Nanay Ruby. Ako ang guardian nila ngayon." Binalingan niya si Totoy, habang si Baby Amy ay kampante sa tabi ni Dok Tisoy niya. "Totoy, ano'ng masakit sa 'yo? Ulo, tiyan, dibdib, ano? Sabihin mo habang andito tayo."

Para hindi na mahirapan, tumayo si Ricardo at nilapitan sila sa kabila ng mesa. Lumuhod siya sa tabi ni Totoy na nagtatago na ngayon sa gilid ni Menggay. Hinipo ang noo ng bata. "Wala ka namang lagnat. Pero nanlalamig ka at namumutla."

Ngayon lang nakita ni Meng ang dating classmate sa ganitong kalapit na anggulo. Ang haba pala ng pilikmata ng mokong, at walang pores! Pinagpapawisan ba 'to? O eh ano ngayon? Sabado, bukas Linggo, tumigil-tigil ka titser Menggay!

Nagulat pa siya nang mag-angat ng ulo ang doktor at nahuli siyang nakatingin, may tinatanong na pala. "Ha?"

"Sabi ko, kanina pa ba siya ganito?"

"Hindi ah! Ang sigla pa niya kanina, naglalaro pa nga silang magkapatid. Magpapabakuna lang talaga sila. Totoy, sabihin mo kay Dok, ano'ng nararamdaman mo? Dok, hindi kaya natatakot sa 'yo?"

"Ibig sabihin Mendoza, takot siya sa mga guwapong doktor?"

Ang kapal! I therefore conclude, hinding-hindi kita magiging ideal man! "Totoy, sabihin mo na ang problema bago pa bumagyo. Ayan, lumalakas na ang hangin."

Huminga nang malalim si Totoy at pilit na nagsalita. "Kasi, kasi po...sampung taon pa lang po ako... tu... tu.. . tutuliin ba talaga 'ko?"

Natampal ni Meng ang noo niya. Ay sus! "Naku, hindi totoy! Ano ka ba! Diba ginawa lang natin 'yun para hindi tayo maalis sa pila?"

Hindi napigilan ni Ricardo na tumawa. Napalingon tuloy ang iba.

"Ahahaha! Hahaha! Sorry, Totoy. Komedyante talaga 'tong teacher mo. Hindi pa ngayon, kung di ka pa komportable at wala ang Nanay mo. Hahaha! Saka, huwag kang mag-alala Totoy, mauunang mahimatay si teacher Mendoza kasi atin-atin lang, takot sa dugo 'yan!" Tinapik n'ya ang pisngi ng bata saka tumayo at bumalik sa upuan n'ya na natatawa pa rin.

Natandaan mo pa 'yon, Faulkerson? Sinong matalas ang memorya ngayon? "Excuse me, noon 'yon at may dahilan."

Biglang nagseryoso ang boses ni Meng nang mapunta ang tingin niya sa parang pilat sa mukha ng doktor. "So Faulkerson, bago pa kung saan mapunta ang usapan. Sabi mo nga madami pang pasyente. Balik tayo sa bakuna. Yun lang ang pinunta namin dito. Nagkamali kami ng pila. Baka matulungan mo kami."

Napansin ng binata ang pagbabago sa ekspresyon sa mukha ng dalaga. "Nagmamadali ka, Mendoza? Sandali at kumustahin ko lang itong si Amy. Bibigyan ko na lang kayo ng referral sa bakuna mamaya na hindi na kayo kailangang pumila."

Ako'y Kasama Mo (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon